MATAGAL nang usapin ang reporma ng sistema ng buwis sa bansa.

Maging si Steve Forbes ng Forbes Media, sinabi na sa katagalan ay mananatiling malakas at matatag ang ekonomiya ng Pilipinas kung babaguhin ang sistema ng buwis at pabubutihin ang imprastruktura sa bansa.

Matatandaang tinanggihan ni Presidente Aquino ang panukalang ituwid ang income tax structure ng bansa sa kadahilanang maaari itong makaapekto at magdulot ng pagkawala ng mga benepisyong atin nang natamo sa pagpapabuti ng ating pangkalagayang pinansiyal.

Isa sa mga benepisyong tinutukoy ng Pangulo ay ang “investment grade” credit rating ng bansa.

Para sa mga hindi nakaaalam, katumbas ng seal of good housekeeping ang pagkakaroon ng investment grade. Pinararating nito sa mga nagpapautang sa bansa na mababa ang “risk” ng pamumuhunan sa ating bansa.

Paliwanag ni Andres James Marasigan ng Manila Bulletin, “It has so far resulted in massive savings in interest expense (from foreign debts) owing to the prime borrowing rates we enjoy. As far as investment goes, its impact has been minimal as the seal of good housekeeping is negated by the restrictive provisions of the constitution.”

Ayon sa Pangulo, magreresulta sa mas mababang government revenue ang pagpapababa ng income tax at maaaring makaapekto ito sa naturang credit rating.

Naroon na ang argumentong pinaghirapan ni PNoy ang gradong ito. Gayunpaman, nakadidismaya na kumpara sa sarili nating pangulo, tila mas naiintindihan pa ng isang dayuhang lider gaya ni Forbes ang reporma sa sistema ng buwis.

Bilang isang pangulo na nagtapos ng economics, dapat alam ng Pangulo na higit na lalago ang ekonomiya kung gagawing mas makatuwiran ang sistema ng income tax na pinakamataas na sa rehiyon.

READ
Puso sa pagsusulat

Maliban sa interest expense savings at “bragging rights,” ano pang mapapala natin sa investment grade na ito kung lugmok naman sa kahirapan ang karamihan?

Humigit-kumulang dalawang dekada na mula nang nabuo ang kasalukuyang istruktura ng pagbubuwis sa bansa. Kaiba ito sa mga progresibong bansa sa buong mundo na nagkakaroon ng “rationalization” ng tax brackets kada anim na taon.

Paliwanag ni Marasigan, katumbas ng isang piso noon ang P2.27 ngayon at sa paglipas ng panahon, nakaapekto na ang depreciation at inflation sa “purchasing power” ng piso. Sa makatuwid, ang mabibili ng P1,000 noong 1997 ay mabibili lang ng P440 ngayon.

Makaaakit nga tayo ng mga investors dahil sa investment grade credit rate na pinangangalagaan ng Pangulo pero siguradong madidismaya rin sila dahil magastos ang pagtatayo ng negosyo sa bansa.

Layunin ng reporma na isaayos ang “income tax rates” at “bracketing” nito. Kailangan ng reporma dahil ‘yong mga nasa middle class ay nagbabayad ng buwis na katumbas ng binabayaran ng mga mayayaman.

Bukod pa sa pinapasan nilang napakataas na income tax rates, mataas rin ang presyo ng mga bilihin.

Base sa datos na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas, tumaas ng 110 porsyento ang presyo ng mga bilihin mula 1997 hanggang 2012.

Kahit pa tumaas ang kinikita ng mayorya sa Filipino sa loob ng dalawang dekada, hindi pa rin nila mararamdaman ang pag-asenso dahil kakailanganin na rin nilang magbayad ng mas malaking buwis ayon sa mataas na bracket na kanila nang kinabibilangan.

Kung talagang nagmamalasakit ang Pangulo sa kapakanan ng sambayanan, hindi hadlang ang kadahilanang maikli na lang na panahon ang natitira sa kaniyang termino. Bago niya hikayatin ang mga kapitalista na dumayo at mamuhunan sa bansa, unahin muna sana ng Pangulo na himukin ang ating mga kababayan na manatili dito.

READ
Hotshot graphic illustrator named 'Jap'

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.