PARA sa mga isinilang at lumaki sa Mindanao, ang parteng ito ng bansa ay maituturing na mayaman sa kultura at likas-yaman, taliwas sa gulo at ingay na madalas ikinakabit sa pangalan nito.
Ito ang pinatunayan ni Arthur Casanova, may-akda ng Kidney for Sale at Dalawa pang Dulang Ganap ang Haba (UST Publishing House, 2010), at isang direktor ng dula at pelikula na tubong San Jose, Antique.
Para sa kaniya, mayaman ang kulturang timog at pinatunayan niya ito sa pamamagitan ng pagsulat ng mga dulang nagtatanghal ng karaniwang buhay ng mga katutubo sa Mindanao na malimit makita ng nakararami.
Ipinamalas sa akda ang estilong “kambayoka,” ang tradisyunal na dulaan ng mga Maranao na kilala sa pagiging makulay, masigla at malikhain. Naipamalas ang mga katangiang ito sa pagtatakda ng may-akda ng mga tiyak na detalye ng tagpo, kasuotan ng mga tauhan, mga kagamitan, at liriko ng mga koro. Ang kambayoka ay nangangahulugan sa Ingles na “come let us tell stories.”
Ang unang dula na nilalaman ng aklat ni Casanova ay pinamagatang “Kidney for Sale: Bato ng Buhay Ko.” Nakasaad sa kuwento nito ang buhay ng isang mag-anak mula sa Misamis Occidental na tumungong Maynila upang makipagsapalaran sa hangaring guminhawa ang buhay. Ngunit ang kabiguang kanilang natamo ay nagtulak sa kanila na gumawa ng isang bagay na kanilang ikapapahamak – ang pagbebenta ng bato o kidney.
Ang hati ng mga yugto ay nasa simpleng pagkakasunud-sunod na tiyak na madaling maiintindihan at masusundan ng mga mambabasa.
Malayo sa panahon at tagpo ng naunang dula ang sumunod na ganap na may pamagat na “Datu Mungalayon, Bayaning Tagakaolo.” Ibinida sa dula ang kabayanihan at pagtatanggol ni Mungalayon, isang datung Babaylan, sa karapatang pang-tribo ng mga Tagakaolo, isa sa mga kultural na pamayanang Lumad sa Mindanao na nainirahan sa mga kabundukan ng Kulaman sa kahabaan ng Sarangani Bay at ng Malalag, Davao. Isinalaysay ang paglalakbay at pakikipagtunggali ni Mungalayon at ng kaniyang mga katribo laban sa mga Amerikano na nagtangkang sakupin ang mga Tagakaolo upang maangkin at mapakinabangan ang lupain, pati ang lakas pantao upang mapalawak ang kanilang monopolyo ng abaka.
Ang dula ay kabuuang itinatanghal sa maliit na purok ng Kibulan, Davao kung saan naipamalas ang kasalang ritwal na sinasabayan ng “mag-udol,” isang sayaw para sa pagdadalang-tao.
Ang huling dula ay ang pinamagatang “Bidasari, Ang prinsesa ng Kembayat.” Dito, ang mga lugar sa Kaharian ng Kembayat at Indrapura ang tagpuan ng dula. Iba’t ibang instrumentong pang-musika ang nabanggit gaya ng agong, debakan, kubing, gabbang, at kulintang na ginamit para sa pagiging musikal ng dulang pinagbibidahan ni Prinsesa Bidasari. Siya ay mula sa kaharian ng Kembayat ngunit dinala ang isang masaklap na pangyayari sa Kaharian ng Indrapura kung saan kinupkop at pinalaki siya ng pamilyang mangangalakal.
Si Bidasari ay tinukoy sa dula bilang isang napakarikit na babae na pinatunayan sa pagwari sa kaniya ng iba’t ibang mga bagay tulad “isang hiyas sa trono, singganda at simbango ng mahalimuyak na bulaklak, makinis at maputing kutis na parang porselana, mala-anghel ang mukha, tulad ng isang bulaklak na bago pa lamang namumukakdkad, may ilong na tila talutot ng sampagita, at ulap sa kaputian na mga ngipin.” Ang kuwento ng tunay na katauhan at pinagmulan ni Bidasari ang sentro ng dula.
Kahirapan, kalayaan, at kaligayahan ang tatlong pangunahing paksa ng bawat dula ngunit sa pagbabasa ng kabuuan ay masisilip ang iba’t ibang karanasan ng mga taga-Mindanao na lingid sa kamalayan ng marami. Naglalarawan ang mga ito ng sinaunang kaugalian at paniniwala ng mga katutubong Muslim, tulad ng pagkain ng tinatakam tuwing nagdadalang-tao upang hindi makunan at pag-aalay sa mga bathala tuwing panahon ng pag-aani upang patuloy na biyayaan ang tribo ng masaganang pananim. Jonah Mary T. Mutuc