Kinalawang na ang kumukulong mantika sa kawali.
Ubos na ang isaw ng manok na binalot sa harina.
Paulit-ulit kong hinihila ang gasera
dahil naghihingalo na ang apoy.
Sa tapat ng karitela kong de-pedal,
patuloy ang pagnguya ng mga
estudyanteng kalalabas lamang ng eskuwela
suot-suot ang mga unipormeng harina sa puti.
Walang humpay ang pamimingwit
sa mga nagsisilanguyang
fishball, squidball, kwek-kwek at kalamares
gamit ang barbeque stick
na mimintis sa pagpasok
sa puting plastik.
“Kuya, tatlong kalamares lang.”
sabay abot sa akin ng tig-pipisong barya;
nangingitim, kinakalawang.
Hinaplos ko ang mga ito; sapat ang bayad
na siyam na piso.
Pinagmasdan ko siya
habang naglalakad palayo.
Diretso. Kalmado.
Na tila binayaran ang kinain niyang fishball.
Jolau V. Ocampo