UNANG nagkaroon ang Unibersidad ng television system sa buong Filipinas at sa buong Silangan.

Ayon sa ulat ng Varsitarian noong 1950, pinangunahan ni Jose Nicolas, assistant technician ng UST Electronics Laboratory, sa ilalim ng pamamahala ng dating assistant dean ng Fakultad ng Inhinyerya na si Jose Mijares ang pagbuo nito.

Tatlong taon ang inilaan upang matapos ang paglikha ng unang telebisyon sa tahanan ni Nicolas sa Sampaloc sapagkat wala pang angkop na lugar (o laboratoryo sa loob ng Unibersidad) upang gawin ito.

Maraming suliranin ang kanilang kinaharap tulad ng paghalili sa mga madaling masirang bahagi ng telebisyon kagaya na lamang ng iconoscope, ang tubo na dinadaluyan ng mga larawan mula sa receiving set.

Ginamit ang naturang telebisyon upang sanayin at hasain ang mga mag-aaral ng Electrical Engineering habang papausbong pa lamang ang ganitong klaseng teknolohiya noon.

Tomasino siya
Hindi lamang sa larangan na pagnenegosyo at Accounting kinikilala ang Tomasinong si Laura Suarez Acuzar kundi pati na rin sa kaniyang pambihirang kakayahang mangasiwa at magtaguyod ng iba’t ibang organisasiyon sa Unibersidad.

Nagtapos bilang magna cum laude si Acuzar sa degree na Accountancy sa Unibersidad noong 1970. Tumanggap din siya ng Rector’s Award for Academic Excellence sa kaniyang pagtatapos.

Isa si Acuzar sa mga nagtatag ng UST College of Commerce Alumni Foundation, Inc. (UST COCAFI) noong 1992. Malaki ang kaniyang naging bahagi sa paglikha ng Alfredo M. Velayo College of Accountancy na programa lamang noon sa Kolehiyo ng Komersyo.

Naging pangulo rin siya ng UST Alumni Council, kilala ngayon na UST Alumni Association, Inc., mula 2007 hanggang 2009. Sa kaniyang pamamahala, lumobo ang bilang ng mga kasapi nito at nagsimula rin ang paggawad ng Meritorious Award para sa mga mahuhusay na Tomasinong nakapag-aral ngunit hindi nakapagtapos sa Unibersidad.

Isa rin si Acuzar sa mga nag-ambag para sa pagpapatayo ng Blessed Buenaventura Garcia Paredes, O.P., Building na kinalalagyan ng Thomasian Alumni Center at kasalukuyang tahanan ng ilang mag-aaral ng Senior High School.

Nanilbihan din siya bilang International Audit and Business Advisory Partner, tagapangasiwang direktor ng departamento ng Business Risk & Consulting Service at kasapi ng Board of Directors sa Sycip Gorres Velayo & Co., isa sa pinakamalalaki at pinakarespetadong accounting firm sa bansa, noong 1986-2001. Naging tagapangasiwa o miyembro naman siya ng Audit Committee ng Board of Directors ng iba’t ibang pribado at pampublikong kompanya sa bansa sa taong 2002-2008.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.