MULING idineklarang top-performing school ang Unibersidad sa katatapos lamang na occupational therapy board examinations. Pumangalawa naman ang UST sa mga paaralang namayagpag sa physical therapy licensure examinations.
Nakapagtala ng 97.18-porsiyentong passing rate, o 69 na pumasa mula sa 71 kumuha ng pagsusulit, ang Unibersidad sa occupational therapy board examinations. Mas mataas ito kumpara sa 94.37-porsiyentong passing rate nakaraang taon.
Pinangunahan ni Coleen Perez ang mga bagong Tomasinong occupational therapist. Sampu silang nakapasok sa top 10 ng pagsusulit. Nakapagtala si Perez ng 83.20-porsiyentong marka at nasungkit ang ikatlong pwesto sa top 10.
Nasa ika-apat naman sina Maria Daniella Custodio at Christine Anne Habulan na kapwang nakakuha ng markang 83 porsiyento.
Pang-anim si Phoebe Kay Chan na nakakuha ng markang 82.40 porsiyento, habang ika-pito naman sina Marie Antoinette Jimenez, Dominique Danielle Ong at Aaron Jan Versoza na nakakuha ng markang 82.20 porsiyento.
Nasa ika-walong pwesto si Kassandra Claude Carrascal na may markang 82 porsiyento. Pangsiyam si Alyanna Kate Santamaria na may markang 81.80 porsiyento at ika-sampu naman si Andree Alexis Nebrada na may markang 81.60 porsiyento.
Bumaba ang national passing rate sa 68.09 porsiyento o 209 na pumasa mula sa 307 na kumuha ng pagsusulit, kumpara sa 72.64-porsiyentong passing rate o 215 na pumasa mula sa 296 na kumuha ng pagsusulit nakaraang taon.
Samantala, bumaba naman ang passing rate ng Unibersidad sa physical therapy board examinations. Nagtala ang Unibersidad ng 94.23 porsiyento o 98 na Tomasinong pumasa mula sa 104 na kumuha ng pagsusulit kumpara sa 98.97 porsiyento noong 2017. Walang Tomasinong nakasampa sa top 10.
Idineklarang top-performing school ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila na nagtala ng 96.15-porsiyentong passing rate.
Tumaas ang national passing rate sa 67.51 porsiyento o 931 na nakapasa mula sa 1,379 na kumuha ng pagsusulit kumpara sa 62.80 porsiyento o 802 na pumasa mula sa 1,277 na kumuha ng pagsusulit sa nakaraang taon.