HINIMOK ng pinuno ng mga Pilipinong Dominiko na si Fr. Napoleon Sipalay Jr., O.P. ang mga Tomasino na maging matatag sa kanilang mga layunin sa gitna ng pandemya, sa pagbubukas ng Taong Akademiko 2020-2021.
Wika ni Sipalay, magiging mahusay ang pagpapatupad ng “Enhanced Virtual Mode” ng pag-aaral kung may gabay ng Espiritu Santo at inspirasyon mula sa karanasan ng mga apostol sa pagpapalaganap ng pananampalataya sa gitna ng maraming balakid.
“[A]s we continue this goal to finish this academic year, we hope to encourage everyone, from where we are, to be climbers [and] to reach our goal and have the Holy Spirit as our guide,” ani Sipalay sa kanyang homiliya sa pambungad na Misa na naghudyat ng simula ng taong akademiko sa Unibersidad.
Inihalintulad ni Sipalay ang mga Tomasino ngayong pandemya sa mga alagad ni Kristo na nagkaroon ng lakas ng loob na mangaral sa tulong ng Espiritu Santo.
“[L]ike the disciples, we discovered that with the risen Christ, with interdependence with one another, and with the coming of the Spirit as promised by Christ, we found new courage to navigate the new challenges that we are facing,” ani Sipalay.
Binigyang diin ni Sipalay ang kahalagahan ng pagpapalakas ng “Adversity Quotient” na isang sukatan ng katatagan ng tao, lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Sa pagtatapos ng Banal na Misa, opisyal na idineklara ni Sipalay ang pagbubukas ng bagong taong akademiko.
Dahil sa pagbalik ng Metro Manila sa Modified Enhanced Community Quarantine, tanging mga Dominikong pari lamang ang pinahintulutang dumalo sa Misa.
Walang sumunod na Discurso de Apertura pagkatapos ng Misa.
Ang Discurso de Apertura o pambungad na diskurso ay taunang ipinahayag ng isa sa mga matataas na opisyal ng Unibersidad mula pa noong 1866. Ilang beses din itong natigil, kagaya noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Laurd Menhard B. Salen at Charm Ryanne C. Magpali