GINAWARAN ang executive editor ng online news website na Rappler ng prestihiyosong parangal sa pamamahayag sa Taiwan para sa kaniyang natatanging kontribusyon bilang isang patnugot.
Tinanghal si Glenda Gloria, isang Tomasinong alumna, bilang Southeast Asia Laureate for Women in News Editorial Leadership ng World Association of News Publishers (WAN-IFRA) noong Hunyo 27.
Binigyang-diin ni Gloria sa isang panayam sa Varsitarian ang mahalagang papel ng mga kababaihan sa pagbuo ng kaniyang humigit-kumulang apat na dekadang karera.
“A lot of women journalists mentored me, supported me, and opened windows of opportunities for me as a reporter and then as a young editor and to what I am now,” wika niya.
(Maraming babaeng mamamahayag ang nagturo, sumuporta at nagbigay ng oportunidad sa akin bilang isang reporter hanggang sa maging nakababatang patnugot ako at kung ano man ako ngayon.)
Sa loob ng mahigit 35 taon, nakatuon si Gloria sa mga malalimang imbestigasyon na nagsilbing bantay ng mga mamamayan sa mga nasa kapangyarihan.
Sa mga huling araw ng administrasyon ni Joseph Estrada noong 2000 at 2001, na inakusahan noon ng korapsiyon, isa si Gloria sa mga nagtatag ng Newsbreak, isang magasin mula sa Philippine Center for Investigative Journalism na masidhing sumuri sa mga napapanahong usapin.
Giit ng batikang patnugot, sino man ang naghahangad ng isang karera sa pamamahayag o peryodismo ay dapat may pagnanais sa serbisyo-publiko.
“When we enter this profession, we know that it is public service already and that what we do is for public interest,” wika niya.
(Noong pumasok tayo sa propesyon, alam nating serbisyo-publiko na agad ito, at ang gagawin natin ay para sa interes ng madla.)
Kritikal ngayon ang posisyon ni Gloria bilang isa sa mga tagapamuno ng Rappler, na itinatag niya kasama nina Maria Ressa noong 2011, dahil lagi itong kinukutya at pinagbabantaan sa social media.
“Rappler is predominantly women. For the longest time, most of our reporters have been women and under the Duterte years, when we suffered attacks online and legally, most of the attacks were against our female reporters,” kuwento niya.
(Karamihan sa mga nagtatrabaho sa Rappler ay babae. Sa matagal na panahon, laging sila ang inaatake noong panahon ni Duterte.)
Payo ni Gloria sa mga babaeng nais pumasok sa pamamahayag, huwag silang matakot lagpasan ang mga balakid para matupad nila ang kanilang mga ambisyon sa buhay.
“If you are a female journalist, if you are a Filipino woman, that means that you are no less significant or less influential or less intelligent than a man,” wika niya.
(Kung ikaw ay isang babaeng mamamahayag o kahit simpleng Filipino, hindi ka mas mababa sa mga kalalakihan.)
“Look at the world precisely not through gender, precisely not through the aspect of being a victim of war, but precisely because you are empowered by the role you play in helping shape a better world,” dagdag niya.
(Huwag mong tingnan ang mundo sa lente ng kasarian, o sa pagiging biktima ng giyera. Bagkus, isipin mong may kapangyarihan kang baguhin ang mundo sa paraang kaya mo.)
Nagtapos si Gloria ng Journalism sa Unibersidad noong 1985 at masterado para sa Political Sociology sa London School of Economics and Political Science noong 1999 pagkatapos siyang bigyan ng Chevening Scholarship.
Mula 2008 hanggang 2011, pinamunuan niya bilang chief operating officer ang ABS-CBN News Channel, na naglalabas ng mga programa tungkol sa balitang pandaigdig.
Isa si Gloria sa tatlong kababaihang binigyang-parangal sa Women in News Editorial Award ngayong taon. Kasama niya sina Emang Mutapati, punong patnugot ng The Voice sa Botswana, at Lina Ejeilat, isa sa mga nagtatag at kasalukuyang namumuno ng 7iber sa Jordan.
Si Gloria ang pangalawang Filipinong nakatanggap ng nasabing parangal pagkatapos ni Ging Reyes, dating hepe ng ABS-CBN News, noong 2022.
Kinikilala ng Women in News Editorial Leadership Award ang huwarang kontribusyon ng isang babaeng patnugot sa ilalim ng kaniyang pamumuno pati na rin ang kontribusyon ng kaniyang organisasyon sa lipunan. Taon-taon, ang isang pinuno ng editoryal mula sa bawat rehiyon ang itinatanghal na laureate.