Isinasalamin ng pelikulang “Respeto” ni Treb Monteras ang mga kasalukuyang pangyayaring may kaugnayan sa ilegal na droga, karahasan at krimen sa bansa.
Gamit ang panitikan at musika, ikinuwento ni Monteras ang pakikipagsapalaran sa buhay ni Hendrix, isang binatang rapper na lumaki sa hirap ng buhay sa Maynila. Isa lang ang pangarap ni Hendrix: ang makakuha ng respeto mula sa mga miyembro lokal na underground rap battle na mag-aahon sa kanya sa hirap.
Normal para sa kanya ang regular na ronda ng mga pulis sa kanilang komunidad, pati na ang mga kaibigang bigla na lang nawawala matapos dakpin ng mga awtoridad. Ngunit binago ang buhay niya ng mga salita ng isang makata, si Fortunato Reyes, biktima ng dahas ng Batas Militar.
Siklo ng pang-aabuso at karahasan sa kasaysayan ang sentro ng pelikula. Nakapanlulumo man, makatotohanan ang kuwento ng ”Respeto.” Salaysay pa nga ni Monteras sa isang panayam, nagkaroon mismo ng aktuwal na engkwentro ang pulis at mga pinaghihinalaang drug pusher malapit sa lugar ng kanilang shooting. Hindi iyon arte, kundi totoong pangyayari.
Umani ng mga parangal ang “Respeto” sa ika-13 Cinemalaya Independent Film Festival, isa sa mga pinakamalaki at pinakatinatangkilik na film festival sa bansa. Kabilang sa napanalunan ng obra ang Audience Choice Award.
Minsan, wala pa rin tayong takas sa pagkasakal sa atin ng sining dahil minsan, dito natin nakikita ang katotohanan.
Sana kasabay ng pagtatak ng pelikula sa gunita ng audience, manatili rin sa kanilang huwisyo na kung may mga aktwal pangyayaring akmang-akma sa mga eksena ng ”Respeto,” malamang na may mga problema ring tinatalakay sa pelikula na kailangang bigyan ng pansin sa totoong buhay.