UPANG makalikha ng mga kathang naaayon sa usaping panlipunan sa Filipinas, kinakailangang makihalubilo ng mga manunulat sa hanay ng mga eksperto sa agham, politika at mga teknikal na paksa.
Ito ang pahayag ni Allan Derain, manunulat ng katha, sa kaniyang panayam sa Philippine Poets, Playwrights, Essayists and Novelists (PEN) 2017 Congress noong ika-21 at 22 ng Nobyembre sa Unibersidad ng Santo Tomas.
“Ang fiction writer ay hindi kinakailangang maging isolated sa hanay ng iba pang mga intelektuwal katulad ng mga historyador, antropologo, o mga politiko sapagkat ang isang fiction writer ay isa ring eksperto,” wika ni Derain.
Iginiit niyang kinakailangang sumabay ng mga manunulat ng katha sa mga pagbabago sa lipunan kasabay ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya.
“Ang daming mga bagong pangyayari [at] mga bagong penomena. [S]a likod ng mga penomenang ito, halimbawa ng mga tinatawag nating bagong norm, hindi na [ito] kayang ipaliwanag nang simple,” ani Derain.
Ibinigay niyang halimbawa ang pagsalaysay sa buhay ng isang Filipino domestic helper na madalas, aniya, nauuwi lamang sa simpleng domestic drama.
“Hindi naikukuwento na may mas malaking larawan at mayroon pang mas politikal at economic na mga salik kung bakit si Inday, halimbawa, ay nasa ganitong klase ng situwasiyon,” paliwanag ni Derain.
Dagdag pa niya: “Mayroon itong mga katotohanan na naipalilinaw, pero dahil sa ganitong indikasiyon, mayroon ding mga katotohanan na napagtatakpan. Dahil dito, mayroong malaking pangangailangan ang mga tinatawag nating fictionists sa iba pang mga intelektuwal.”