Editor’s Note: The following is the acceptance speech by UST alumnus Fr. Albert Alejo, S.J. upon receiving the Parangal Hagbong at the 34th Gawad Ustetika on March 30.
***
Maraming salamat po sa pag-alala, pagkilala at pagpapahalaga sa anak ng Domikano na naligaw at naging Heswita.
Alam ninyo, madaling maging makata sa pagkabata, pero mahirap patuloy na tumula hanggang sa pagtanda.
Salamat po at noong musmos pa ako sa panitikan, pinagtiyagaan ako ng UST at ng Varsitarian. Isang taon lang ako sa Varsi, pero masaya ang tropa kasama ang mga batikang gabay na si Mr. at Mrs. Bautista. Nakilala ko sina Fr. Sonny Ramirez, O.P. at Fr. Roland de la Rosa, O.P.
Nang malipat ako sa Katipunan, panahon pa rin ng Martial Law, sinimulan namin ang Matanglawin, pahayagang Filipino sa Ateneo.
Malaking tulong ang karanasan ko sa Varsitarian, pati sa basic layout, editing at publication. Nagamit ko rin ito sa aking misyon sa Mindanao.
Nagbunga ito ng ilang aklat na sinulat ng mga Lumad at napadpad ako sa National Commmittee on Literary Arts.
Kamakailan, inilathala naman ng UST Press ang Nabighani–
Ika-2 kong aklat sa tula, kasunod ng Sanayan lang ang Pagpatay.
llalathala naman ng Ateneo de Naga ang Isang Kahig, Isang Tula.
May mga tula rin akong naging awit, paki-check na lang po sa YouTube.
Lahat ng ito ay nagsimula, sa totoo lang, sa Varsitarian!
Gusto ko pong samantalahin itong pagkakataon upang pasalamatan ang lahat ng mga institusiyon na sa gitna ng ganitong marahas at mabangis na panahon
Ay patuloy na nagbibigay-halaga, hindi lang sa TULA, kung hindi (na rin) sa SALITA.
Laganap ngayon ang pagsalaula at pag-aalipusta sa salita.
Uso ngayon ang pagmumura, ang pambabastos, ang pangungutya.
Pinapalakpakan ang pagbibiro nang malaswa.
Sinasaluduhan ang pinuno na puno ng salitang masagwa.
Pinalalampas ang pag-aalimura sa Simbahan at maging sa Maylikha.
lpinapakalat ang kasinungalingan at baluktot na pagbabalita Binabasbasan ang sumusunod sa utos ng pagpuksa lalo na ng dukha.
Tinatakpan ng karatola ang bangkay upang hindi maging kapwa.
Pinatatahimik ang mga nagsusuri at ang nag-iisip nang malaya.
lbinabasura ang batas, nagpapauto sa dikta ng ibang bansa.
Iniiwasan ang talakayang malalim, at iniiba lagi ang paksa.
Ginagawang palusot ang paggamit ng kunwari’y talinghaga.
Ang salita, ang salitang nakakabit sa totoo, ay sinasalaula.
Kalimutan na po ninyo ako, huwag lang ang aking babala:
Ang lipunang walang paggalang sa tamang salita
Malamang ay wala ring katapatan sa panunumpa.
Ang bayang walang pitagan sa timbang ng panunumpa,
Paanong maaasahan na gagalang sa sariling lagda?
Ang kultura ng pagtakwil sa sariling pangako at lagda,
Hindi mo matitiyak kung kayang magbilang nang tama.
(Paano natin masasabing nakikinig tayo sa Salita ng Diyos Kung ni hindi nga natin napahahalagahan ang salita ng tao?)
Ubod na tayo nang layo sa panahon na kita’y dakila:
Sa Artikulo 6, ng Kartilya ng Katipunan, pakinggan ang panata:
“Sa taong may hiya, ang salita’y panunumpa.”
Kaya’t kung tunay tayong nagpupugay at dumarakila
Sa natitirang tagapagtanggol at tagapagtanghal ng wika,
Halinang sa salita, sa totoo at tamang salita, tayo po’y tumaya!
Bilang pangwakas, nais ko pong umusal ng isang maikling dasal alang sa bayan nating mahal: (Hango kay Rabindranath Tagore, na bahagi ng aklat kong Nabighani)
DOON NAWA
Doon sa walang takot ang diwa at taas-noo ang sambayanan;
Doon sa ang karunungan ay malaya at hindi bayaran;
Doon sa daigdig na hindi pa tadtad ng pantayo-tayong kakitiran;
Doon sa ang salita’y umaahon mula sa pusod ng katotohanan;
Doon sa ang pagbabanat ng buto’y may hatid na kaginhawahan;
Doon sa ang malinaw na batis ng katwiran ay hindi pa naliligaw sa mapanglaw na buhangin ng ugaling walang kabuhay-buhay;
Doon sa ang isip ay lyong inaakay sa papalawak na diwa at galaw–
Doon, Amang mahal, doon sa kanlungan ng kalayaan, Doon Mo itulot na nawa’y mamulat ang aking Inang Bayan.