Beteranong coaches nagbabalik

0
654

PANGUNGUNAHAN ng dalawang nagbabalik na coach ng UST ang kampanya ng Tiger Spikers at Paddlers na pawang umaasa na masungkit muli ang korona sa kanilang pagbabalik aksiyon sa UAAP.

Muling ipamamalas ni coach Emil Lontoc ang kanyang husay sa pagtuturo ng beach volleyball habang tatangkain naman ni coach Jackson Que na muling buhayin ang tikas ng Tiger Paddlers sa table tennis.

Hindi nakasaksi ng aksiyon mula sa UAAP sand court si Lontoc noong nakaraang taon dahil sa desisyon niyang mas bigyang pansin ang naghihingalong indoor volleyball program ng UST.

“Hindi maganda ang naging rason. Hindi ko rin naintindihan pero pinapili ako ng opisina ng Institute of Physical Education and Athletics (IPEA) kung ano ang gusto ko. Siyempre mas matagal na ako sa indoor volleyball kaya ’yon ang pinili ko,” sabi ni Lontoc.

Mahigit tatlong dekada nang coach si Lontoc sa indoor volleyball samantalang ika-pitong sabak na niya sa beach volleyball ngayong taon.

Ngunit ang pamunuan na nagpapili sa kanya noong nakaraang taon ang siya ring nag-utos sa kanya na bumalik sa pagtuturo ng beach volleyball.

Sinabi ni Lontoc na ang mga opisyal rin ng IPEA ang nagdesisyon na pabalikin siya bilang coach ng beach volleyball.

Dagdag pa niya, galing sa kanya ang ginamit ni programa at sistema ni Henry Pecaña na dati niyang player na humalili sa kanya bilang coach.

“Lahat ng programs sa akin nanggaling, pero ang experience hindi ’yan naituturo. Napakahalaga ng experience pagdating sa coaching,” ani Lontoc.

Para kay Lontoc, maganda ang ipinamalas ni Pecaña sa kaniyang unang pagsabak bilang coach nang maiuwi ng Tiger Spikers ang ikalawang gantimpala noong season 76 matapos lumagapak sa ikawalong marka noong season 75.

Ang tanging panghihinayang lamang niya ay ang hindi pagkabuo ng Lady Spikers sa kanilang “three-peat” matapos silang pataubin ng Adamson University sa finals.

“Napakalaki ng tiyansang mag-champion nung mga babae [Lady Spikers]. Si Maru [Banaticla] alam na alam kong palaruin iyon pero gaya nga ng sabi ko kanina, hindi naituturo ang experience,” aniya.

Tiwala ang beteranong coach na parehong makababalik sa finals ang Tiger Spikers at Lady Spikers ngayong taon.

“Kung sa kumpiyansa lang at lebel ng laro, malaki ang tiyansa na manalo tayo sa beach volleyball,” ani Lontoc.

Samantala, si coach Jackson Que, dating manlalaro at coach ng table tennis sa UST, ay nagbabalik din upang pangunahan naman ang Tiger Paddlers sa layunin nitong muling ibalik ang kampeonato sa España.

Mahigit 20 taon na sa larangan ng table tennis, si Que ang nanguna sa apat na sunod-sunod na kampeonato ng UST sa UAAP noong 1993 hanggang 1997.

Ipinagpatuloy niya ang hilig sa table tennis nang mag-silbi bilang assistant coach ng Tiger Paddlers na naghari mula season 71 hanggang 74.

“Sa apat na taon kong pagtuturo sa mga manlalaro ng UST, nakamit namin ang tatlong kampeonato at isang pilak sa UAAP,” ani Que.

Ngunit matapos ang apat na taong iyon, ilang personal na problema ang nag-udlot sa coaching career ni Que mula season 75 hanggang 76 ng UAAP.

Hindi mawari ni Que ang hirap na mahiwalay sa kaniyang dating eskuwelahan, kaya naman nanatili siyang bukas sa ibang mga oportunidad upang ipagpatuloy ang kaniyang pagiging coach ng table tennis.

“Nag-coach pa rin ako sa iba’t ibang high school, associations at pati na rin sa RP national team,” aniya.

Kaya naman nang dumating ang pagkakataon na bumalik sa UST bilang head coach ngayong taon, hindi na ito pinalampas ni Que.

“Kinausap ako ng UST at sabi ine-endorse ako ni coach Joseph [Cruz, season 75-76] para pumalit sa kaniya dahil pupunta na siya ng Dubai,” ani Que.

Sa kaniyang pagbabalik, malaking pagsubok ang tatahakin ng UST Tiger Paddlers upang muling maiuwi ang kampeonato kaya naman iniba ni Que ang training ng kanilang koponan.

“Malaki ang inaasahan ko sa team ngayon kasi kahit na maraming baguhan sa players natin ngayon, sa lebel nila kaya natin mag-champion. It’s just a matter of kung gusto ba nila or hindi,” ani Que.

Dagdag pa niya, nais niyang maibalik ang dating bangis ng Tiger Paddlers pagdating sa mga paligsahan kung saan kinatatakutan ang mga manlalaro ng UST.

LEAVE A REPLY