Bonleon, bagong bangis na aabangan sa Tigers

1
649

Matapos ang dalawang taong pananatili sa sidelines dahil sa UAAP residency rule, handa nang magpakitang-gilas si Mario Bonleon para sa UST Growling Tigers.

Magiging isa sa mga scoring options ng koponan si Bonleon matapos itong magtala ng double digit outputs sa nakaraang FilOil Flying V Premier Cup bilang shooting guard, isa sa mga puwestong nagkaproblema ang UST noong nakaraang season dahil sa injuries nina Ed Daquioag at Kevin Ferrer.

Nagpamalas ang dating miyembro ng RP Under-18 Youth Team ng kaniyang maalab na scoring nang siya ay magtala ng 13 sa kaniyang 22 puntos sa huling yugto ng kanilang panalo laban sa Mapua Institute of Technology, 78-59, noong ika-30 ng Abril.

“Tutulungan ko ang mga veteran sa scoring. Pero ‘yung scoring, secondary na lang, ang iniisip ko muna is defense,” ani Bonleon.

Inatasan si Bonleon ni head coach Bong dela Cruz na pagtuunan ng pansin ang kaniyang depensa dahil siya ang inaasahang pumigil sa mga star players ng iba’t ibang koponan tulad nina Kiefer Ravena at Jeron Teng.

Kumpiyansa ang dating University of the East Red Warrior na makababalik ang koponan sa Final Four, sa pangunguna ng mga beteranong sina Ferrer, Daquioag, at Karim Abdul.

“Ikumpara [natin] ang skill set ng Tigers sa ibang UAAP team, malalim talaga ang team natin this year,” aniya.

Bagama’t hindi pa siya naglalaro para sa Growling Tigers sa UAAP, bitbit na niya ang karanasan ng pagkapanalo noong naglaro siya sa De La Salle University-Greenhills na dinala niya ang Greenies sa finals.

Naging parte rin siya ng Adidas Nations Global Team noong 2013 kung kalian nakadaupang palad niya ang mga kasalukuyang rookies sa National Basketball Association (NBA) na sina Jahlil Okafor at Stanley Johnson.

“Ang promise ko lang wala pa akong sinalihang school na hindi pumunta sa finals. Sana makatulong ako sa pagdadala sa finals.” Philip Martin L. Matel

1 COMMENT

LEAVE A REPLY