“ISANG linggo akong walang gagawin kundi magbantay ng mga mayayamang pasahero,” nakangiting sinabi ni Rob sa kanyang sarili matapos tanggalin ang suot niyang shades at pumuwesto sa mataas na upuan sa harap ng malaking parihabang swimming pool. Unang araw ito ni Rob bilang isang lifeguard sa cruise ship na M/V Majestic Empress na bibiyahe patungo sa Kuala Lumpur, Bangkok, at Phuket.

“Makakapaglibang at makakapagpahinga na rin ako,” isip ni Rob sabay iling nang biglang dumagsa ang mga batang pinayagan ng kanilang mga magulang na maligo sa swimming pool.

“Don’t go to the other side of the pool. You don’t know how to swim,” sabi ng isang Fil-Am na nanay sa anim na taong gulang niyang anak na lalaki na nagtatampisaw sa tubig kasama ng iba pang mga bata.

“Please, pakibantayan na lang ang anak ko. You know kids, they tend to be so adventurous,” sabi niya kay Rob.

“Yes, ma’am, don’t worry. ‘Yan po ang trabaho ko,” tugon ni Rob.

Mula sa kanyang mataas na upuan, tanaw ni Rob ang buong pool at ang malawak na dagat na nakapalibot sa barko. Tubig. Napapalibutan siya ng tubig.

“Marahil ligtas na ako rito,” bulong ni Rob sa kanyang sarili.

Naalala niya ang kanyang mapait na karanasan noong siya ay anim na taong gulang pa lamang — ang dahilan kung bakit siya naging lifeguard.

Makapal na ang usok noon. Mahirap nang makakita’t makahinga. Sinubukan ng kanyang ina na patayin ang apoy na nagsimula sa kandilang nakaligtaang patayin. Ngunit hindi rin niya ito kinaya at nawalan na siya ng malay.

Naharangan na ng malalaking alab ang daan papunta sa pinto at sa mga bintana kaya’t wala nang paraan upang makalabas ang mag-ina sa kanilang munting tahanan. Wala nang nagawa si Rob kundi umiyak at sumigaw ng saklolo sa isang sulok malapit sa isang maliit na bintana, at umasang may makaririnig sa kanya.

Maya-maya pa’y nagsisigawan ang mga batang kanina lang ay naghahalakhakan. Nakita na lamang ni Rob ang isang batang lalaking nagpupumiglas sa gitna ng malalim na parte ng pool. Dali-dali siyang lumusong patungo sa gitna ng pool na may anim na talampakan ang lalim at saka iniligtas ang batang nalulunod.

READ
UST shines anew in three board exams

Matapos niyang maiahon ang bata sa may tabi ng swimming pool, saka niya sinimulan ang pagbigay ng CPR.

Umubo ng tubig ang bata at unti-unting nagkamalay nang dumating ang kanyang ina.

“Oh God! What happened?” pautal na tanong ng nanay habang niyayakap niya ang nanghihina niyang anak.

“Muntikan na po siyang malunod. Buti na lang at nakita ko siya agad,” paliwanag ni Rob sa nag-aalalang nanay. “Exuse me lang ho, ipapatawag ko ang paramedics,” at saka niya kinuha ang walkie-talkie sa kanyang mataas na upuan.

“Maraming, maraming salamat! May I know the name of the man who saved the life of my child?” tanong ng nanay kay Rob.

“Rob Soliven po, the new lifeguard of this ship.”

* * *

“Abandon ship!” sigaw ng Kapitan.

Alas-kwatro na ng madaling araw nang marinig ni Rob ang utos na ito mula sa Kapitan. Hindi na siya nakatulog noong gabing iyon dahil sa sobrang lakas ng mga along humahampas sa barko at sa ingay na nililikha ng matinding pagbuhos ng ulan.

Tumakbo si Rob papalabas ng kanyang cabin papunta sa deck ng barko kung saan nagdagsaan ang mga tao na kanina ay nagsasaya sa cocktail party sa bulwagan ng M/V Majestic Empress, para makasakay sa mga inflatable lifeboats. Nakakita si Rob ng usok na nanggagaling sa ilalim ng deck. Bigla siyang nakaramdam ng matinding takot. “’Wag naman po sana,” sabi ni Rob, na para bang humihihingi ng tulong mula sa itaas.

Winasak ng malalakas na hangin, ulan at mga alon ang halos lahat ng bagay sa loob at ibabaw ng barko habang ang mga pasahero ay nagkakagulo sa paghahanap ng paraan upang makatakas sa barko. Naghihiyawan at nag-iiyakan ang mga kababaihan habang tulirong naghahanap ng kung sino mang makapagliligtas sa kanila. Kasabay nito ang pagtatalsikan ng mga nabasag na salaming bintana ng barko.

May ilan ding mga pasahero sa deck ng barko ang tinangay ng malalaking alon, at maraming mga bata ang nawalay sa kanilang mga ina’t wala nang magawa kundi ang umiyak na lamang. Nakita ni Rob ang chief officer na nagbibigay ng kagyat na mga utos para sa paglikas ng mga pasahero sa barko.

READ
A spring framed in French

“Sir Henri, ano po’ng nangyayari,” humahangos na tanong ni Rob sa chief officer ng barko.

“Nagkaroon ng sunog sa engine room at umabot na ito sa mga katabing cabins. Hala dali! Tumulong ka na sa ibang miyembro ng crew sa paglikas ng mga pasahero,” utos ni Officer Henri.

Tulirong pinagmasdan ni Rob ang paligid. “Ba’t sunog pa?” wika niya sa sarili.

Naalala niya muli ang gabi noong tuluyan na siyang naulila.

Tatlumpung minuto na ang nakalipas nang dumating ang mga bumbero. Dali-dali nilang tinibag ang konkreto na nakapaligid sa maliit na bintana sa ikalawang palapag ng bahay kung saan narinig nila ang pag-iyak ni Rob. Mula sa bintana, nakita ni Rob ang mga bumberong may hawak na malalaking hose. “Nay, nay! Andito na ang mga bumbero!” umiiyak na sinabi ni Rob sa kanyang ina habang tinatapik niya ito. Pagkabaklas sa isang parte ng pader, saka inalalayan ng mga bumbero sa paglabas si Rob at ang walang malay niyang nanay. Dinala kaagad sa pinakamalapit na ospital ang nanay ni Rob subalit hindi na ito umabot ng buhay. Huli na ang lahat.

Napatingin si Rob sa kapwa niya lifeguard na naglilikas ng mga pasahero sa barko.

Naalala niya ang binitiwan niyang pangako na hindi niya hahayaan mangyari sa ibang tao ang kanyang dinanas.

Ngunit sa pagbabalik ng mapait na ala-ala ni Rob, nakadama siya ng pagaalinlangang gampanan ang kanyang tungkulin. Darating ang pagkakataong mangangailangan siya muli ng tulong at sa pagkakataong iyon, sino ang tutulong sa kanya? Ang mga kapitbahay na nanood lang habang nilamon ng apoy ang kanilang bahay at nagpakita lang noong nililibing na ang kanyang nanay? Ang mga bumbero na nahuli sa pagdating?

“Ano ba ang tinititig-titig mo diyan? Magsuot ka na rin ng life vest at tumulong ka na dito,” sigaw sa kanya ng kapwa niya lifeguard.

Balisa siyang nagtungo sa kinalalagyan ng mga life vests nang makabangga niya ang nanay ng batang kahapon lang ay kanyang iniligtas sa pagkalunod.

READ
‘Unfollowed’ yet still a friend: Facebook refines filtering

“Oh, Mr. Soliven! Where should we go? Where are the lifeboats?” mangiyak-ngiyak na tanong ng Fil-Am na nanay kay Rob habang tangan ang kanyang anak.

Tinignan ni Rob ang batang lalaki at naalala niya ang kanyang sarili.

“Ano ba ‘to? Hindi ko yata kaya,” bulong niya sa sarili. Kasabay nito ang tuluyang pagkawala ng tapang na dahan-dahan niyang inipon mula noong gabi ng sunog hanggang sa araw ng pagsakay niya sa barko. Ipinagpatuloy lamang niya ang pagsusuot ng life vest at saka tumakbo papalayo.

“Mr. Soliven! Mr. Soliven!” tawag muli ng nanay. Ngunit ang boses niya’y tila tinangay na ng malakas na hangin. Halos mataranta si Rob sa paghahanda ng pinakamaliit na inflatable lifeboat. Ibinababa niya ito sa dagat nang may nakapansin sa kanyang isang miyembro ng crew na umusisa sa kanya.

“Ba’t ibinababa mo na yan? Yung mas malaki nalang dapat ang binaba mo! Tumulong ka nalang dapat sa amin,” sabi ng miyembro ng crew.

“Ah, e, magpapatrol ako.”

“Magpapatrol? Ang dami-dami pang hindi nakakasakay na mga pasahero!”

“Baka may mga pasaherong inalon na sa dagat! Ako na bahala sa kanila!” tugon ni Rob na may nagmamatapang na tono.

Nakipagtulakan si Rob sa mga desperadong pasaherong nag-uunahan sa pagsakay sa mga lifeboats. Suot ang kanyang life vest, ibinaba niya ang inihandang rescue boat at saka niya sinimulang paandarin ang motor nito. Nakita siya ng mga pasahero mula sa deck.

“Dito! Dito! Marami pang tao dito!” sigaw ng isang mamang matanda na kumakaway kay Rob mula sa deck ng barko.

Tiningnan ng maigi ni Rob ang matandang lalaki. Hindi siya kumibo. Pinaandar niyang muli ang motor. Umikot siya sa paligid ng barko bago niya ito ikinabig papalayo.

Isandaang talampakan na ang layo niya mula sa kinaroroonan ng barko nang magkaroon ng isang malaking pagsabog – isang nakabubulag na liwanag sa gitna ng dagat. Sumagi sa isipan niya ang imahe ng mag-inang iniwan niya.

Tulad ng nawasak na M/V Majestic Empress, tuluyan nang nilamon ng apoy at tubig ang katauhan ni Rob.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.