BAGAMAN marami nang napatunayan bilang pinakamatandang pamantasan sa Asya, hindi pa gaanong kilala ang Unibersidad sa ilang bahagi ng mundo noong dekada ’30.

Sa isang panayam sa Varsitarian noong 1933, ipinahayag ni Padre Roque Ruaño, rehente noon ng Fakultad ng Inhinyeriya, ang pagnanais niyang maipakilala ang Unibersidad sa labas ng Asya, partikular sa mga bansa sa Europa. Nabatid niya ito matapos magtungo sa London para sa isang pagtitipon ng mga inhinyero mula sa iba’t ibang mga bansa noong 1932.

Isinalaysay ni Ruaño kung paanong namangha ang mga kapuwa niya delegado nang ibahagi niya ang tungkol sa pag-iral ng Unibersidad. Nagkaroon din aniya ng ilang mga katanungan ang mga ito hinggil sa mga pangyayari sa loob ng institusiyon.

Ikinagalak naman niya ito kung kaya’t iminungkahi niya ang pagpapadala ng kopya ng kurikulum ng Unibersidad sa ilang mga pamantasan sa Europa. Makatutulong din daw ang pamimigay sa mga ito ng mga kopya ng Varsitarian upang mapalawak ang kaalaman ng mga dayuhan hinggil sa mga pangyayari sa loob ng Unibersidad.

Tomasino siya

Sa tulong ng kaniyang kalinangan sa larangan ng medisina at makataong adbokasiya, nakalikha si Raul Destura ng mga lunas sa mga malulubhang sakit para sa mga mahihirap na pamilyang Filipino.

Taong 1992 nang magtapos siya ng kursong microbiology sa Unibersidad. Nagtapos naman siya ng medisina sa De La Salle University (DLSU) noong 1996 kung saan kumuha rin siya kalaunan ng internal medicine residency. Upang mas mapalawak ang kaniyang nalalaman, nagtungo si Destura sa University of Virginia sa Estados Unidos noong 2003 para sa pagsasanay at pananaliksik hinggil sa emerging infectious diseases noong panahong iyon.

Ginamit niya ang kaniyang mga natutuhan sa paglikha ng mga lunas sa mga malulubhang sakit. Ibinenta sa mas murang halaga ang mga ito kung ihahambing sa mga naunang bersiyon upang matugunan ang mga pangangailang pangkalusugan ng mga mahihirap na pamilya sa bansa.

Isa sa mga kilalang ambag ni Destura sa kaniyang larangan ang Biotek-M, isang test kit na may kakayahang matuklasan nang maaga ang mga sintomas ng dengue.

Bukod pa rito, ilang mga parangal ang kaniyang natanggap para sa kaniyang mga nagawa. Iginawad sa kaniya ang titulong Outstanding Young Scientist of the Philippines noong 2008. Tumanggap din siya ng University of the Philippines Research Productivity Award at Dr. Jose Rizal Memorial Award, isang prestihiyosong parangal, noong 2015. Sa parehong taon, kinilala siya bilang isa sa Outstanding Alumni ng Microbiology sa Unibersidad at Outstanding Alumni naman ng kursong medisina sa DLSU. Isa rin siya sa mga pinarangalan sa The Outstanding Thomasian Alumni Awards noong nakaraang taon.

Tomasalitaan:

Hinab (pangngalan)– pang-ibabaw na kulay.

Hal.: Sa kabila ng matingkad na hinab ng iyong mga mata, batid kong may itinatago kang pangamba.

Mga Sanggunian:

The Outstanding Thomasian Alumni Awards 2016

The Varsitarian Tomo VI Blg. II, July 1, 1993 p. 9, 1933-1940

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.