SA PAMAMAGITAN ng pagsusuri sa mga makabagong uri ng komunikasiyon tulad ng social media, maaaring matagpuan ang mga pagbabago sa kultura at lingguwistika ng ating lipunan, ayon sa mga dalubhasa.

“Ang social media ay pangunahing ginagamit natin [sa paghahatid] ng mensahe, [isa ito sa mga pangunahing] proseso ng komunikasyon at hindi ito mahihiwalay sa kultura ng lipunang ginagalawan natin,” wika ni April Perez, propesor sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, sa ikalawang araw ng Pandaigdigang Kongreso sa Araling Filipinas sa Wikang Filipino.

Lumabas sa pananaliksik ni Perez na higit na binibigyang-pansin ng mga mag-aaral ang nilalaman ng mga Facebook status ngunit tinitingnan pa rin nila ang wikang ginamit sa pagpapahayag nito.

Ayon naman kay Ma. Althea Enriquez, isang propesor sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, sa pagtuturo ng wika, kailangang ituon ang atensiyon ng mga guro sa anyo ng mga salitang ginagamit kaysa sa tungkulin nito sa pangungusap. Iminungkahi rin niyang pagtuunan ng pansin ang ugnayan ng mga salita sa isa’t isa.

Nabanggit naman ni Imelda De Castro, propesor sa Unibersidad ng Santo Tomas, ang kahalagahan ng tamang estruktura at gramatika sa Filipino upang makamit ang estandardisasiyon ng wika tungo sa mas progresibo at modernisadong Filipino.
“Ang wika ay kailangang sumulong sa tinatawag na transpormasiyon para maka-adapt ito sa [pagbabago ng] panahon,” ani De Castro.

Paliwanag niya, hindi lamang wikang Filipino ang ginagamit upang mapaigting ang ugnayan sa mga mamamayan kundi lahat ng wika sa Filipinas upang magkaroon ng koneksiyon sa iba’t ibang sektor ng lipunan.

Dagdag pa niya, mayroong tungkulin ang pamahalaan na manguna sa paggamit at pagpapalaganap ng wikang pambansa.

“Dapat gawing competent sa Ingles at Filipino [ang mga opisyal] upang mahikayat ang iba na sumulat at gumawa ng pananaliksik at [sa gayon ay maitanghal] ang wikang Filipino [bilang] intelektuwalisado at modernisado”, aniya.

Hindi namamatay ang wika

Dinamiko ang wika, diin ni De Castro. “[Maaaring mawala ang wika] pero [mas madalas na] nag-e-evolve ito. Kaya meron mang mamatay, may nabubuhay at napapanatili na buhay ang wika,” dagdag niya.

Sinang-ayunan naman ito ni Randolf David, isang kolumnista sa Philippine Daily Inquirer. Wika niya, may namamatay na wika araw-araw ngunit patuloy na nabubuhay ang ibang wika sa pamamagitan ng pagsusulat at pag-iisip.

Wikang Filipino sa Unibersidad

Isiniwalat ni Zendel Taruc, tagapangulo ng Departamento ng Filipino sa Unibersidad, ang planong pagkakaroon ng probisyon sa pagsulat ng tesis gamit ang wikang Filipino.

“Hopefully, magkaroon ng provision na maging welcome sana ang wikang Filipino [sa] pagsulat ng tesis sa iba’t ibang kolehiyo at disiplina, kung saan man komportableng isulat ng mag-aaral ang tesis niya,” giit niya.

Kabilang din sa plano niya ang makalikha ng mga kolokyum kung saan magkakaroon ang bawat kolehiyo ng pagkakataong gamitin ang wikang Filipino.

“Nagsisikap ang Departamento ng Filipino na makilala sa larangan ng pagtuturo at pananaliksik…[layon naming makasulat ng] instructional materials sa bawat disiplina sa wikang Filipino,” ani Taruc.

Ayon pa sa kaniya, makakatulong sa mga mag-aaral kung maituturo sa wikang Filipino ang mga teknikal sa kurso. Maaari itong magbunga ng higit na pagkagagap sa sariling disiplina, at maaari ding pagmulan ng mas maraming orihinal na kaalaman.

Inilahad ni Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, ang pakikiisa ng Philippine Studies Organization sa pagkakaroon ng kumperensya sa wikang Filipino.

“Dati kasi, ang Philippine Studies Conference ay puro sa Ingles. Ngayon lang gagawin sa Filipino at ‘yon ay sinadya namin,” wika ni Almario.

Nilagdaan naman ng higit sa 400 kalahok sa kumperensya ang nabuong resolusyon tungkol sa bisa ng wikang Filipino bilang wika ng diskurso at karunungan sa iba’t ibang disiplina.

Ang Philippine Studies Conference ang kauna-unahang pagtitipon upang ipagdiwang ang Buwan ng Wika ngayong taon at idinaos ito sa Pambansang Museo noong Agosto 2-4.

LEAVE A REPLY