‘More werpa’ sa wikang dinamiko!

0
13961

MISTULANG bumabalik ang uso noong dekada 60 hanggang 70: ang pagpapalitan ng mga pantig ng mga salitang Filipino. Kung noon ay may “tomguts,” “batsi,” at “olats,” ngayon ay mayroong “enka,” matsala,” at “petmalu.”

Isa sa mga pasimuno ng revival na ito ang “What’s your ulam, pare?,” isang Facebook group na mayroong mahigit 100,000 miyembro sa kasalukuyan. Nagbabahagi ang mga ito ng retrato ng kanilang pagkain gamit ang mga binaligtad na salita sa caption.

Ilang mga terminong Ingles din ang inilalangkap sa tila katuwaang ito. Kung tanyag noon ang “jeprox” na mula sa salitang project, tampok naman ngayon sa mga kabataan ang “werpa” na nagmula sa power.

Aakalaing magkakakilala sa labas ng social media ang mga nakikiisa sa baligtad-salita dahil sa tawagan nilang “lodi” na nagmula sa idol, at “repa” na nagmula sa pare, na pinagmulan din ng “Erap,” ang kilalang bansag sa dating pangulong Joseph Ejercito Estrada.

Umani ito ng negatibong pagtanggap mula sa ilan na inihahalintulad ito sa lengguwaheng jejemon na sumikat noong 2010.

Gayumpaman, marami ang naaaliw sa katuwaang pananalitang ito sapagkat nakadaragdag ito sa kulay ng pakikipag-usap. May kakayahan itong pagaanin ang mga usaping may seryosong paksa. Nagsisilbi rin itong code sa mga partikular na pangkat ng mga gumagamit nito.

Hindi man sang-ayon sa naturang katuwaan ang ilan dahil malayo ito sa pormal at pang-akademiyang pananalita, wala naman itong direktang epekto sa komunikasiyon maliban sa pagpapatunay na malikhain nga at dinamiko ang wikang Filipino.

Sa katunayan, ibinahagi ni Virgilio Almario, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan at tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino, sa isang panayam sa Varsitarian na sinimulan ng kaniyang henerasiyon ang pagbabaligtad ng puwesto ng mga letra sa salita upang makabuo ng codes sa pagitan ng kani-kanilang mga pangkat.

Binigyang-diin naman ni Joselito delos Reyes, chair ng Department of Literature ng Unibersidad, na wala naman talagang itinuturing na puro at istandardisadong bersiyon ng wikang Filipino.

Kung gayon, malaya ang mga gumagamit nito na bumuo ng mga panibagong salita mula sa mga nauna nang nalikha, hangga’t nagkakaintindihan at malinaw ang daloy ng kanilang komunikasiyon.

Maaaring tingnan sa ganitong punto de vista ang baligtad-salita: patuloy itong ilalangkap sa kolokyal na wika, habang mananatili namang mga pormal na salita ang gagamitin sa pagsusulat sa akademya.

“More werpa” sa wikang dinamiko, sapagkat tulad ng “astig” na mula sa tigas, “dehins” na mula sa hindi, at iba pa, unti-unting magiging bahagi ng pang-araw-araw na komunikasiyon ang mga panibagong ambag sa nakahuhumaling na paglalaro ng mga salita.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.