NAGBUNGA ng protesta sa Unibersidad ang pagpapanukala ng ‘Narvasa Memo’ na naglatag ng mga patakaran sa halalan at kuwalipikasiyon ng mga kandidato noong 1970.

Pinirmahan ito ni Andres Narvasa, vice rector for student affairs, na inaprubahan ng rector magnificus ng taong iyon na si Padre Jesus Diaz, O.P. ayon sa ulat ng Varsitarian sa isyu nito noong ika-5 ng Agosto 1970.

Inilatag dito ang pagkakaroon ng academic requirement sa mga kandidato na hindi dapat bababa sa 80 porsiyento ang kanilang average gayon din na limitado lamang para sa mga class officers ang pagtakbo sa konseho.

Umalma ang mga mag-aaral at nag-boycott sa kani-kanilang klase. Iginiit nila na “whatever affair the studentry has, it must be managed and handled by the students alone.”

Ayon naman kay Padre Fausto Gomez, O.P., secretary general, sa kaniyang panayam sa Varsitarian na inilathala noong ika-12 ng Agosto 1970, “what we are trying to do is protect the students from any circumstance which would place them in a dangerous predicament with respect to their studies.”

Sinang-ayunan ito ni Narvasa na nagsabing, “Students should elect candidates who could excel in academics and extra-curricular activities at the same time.”

Gayon pa man, binigyan ng Academic Senate ang dekano ng bawat kolehiyo ng kapangyarihan na magpasya kung lilimitahan lang ba sa mga class officers ang maaaring tumakbo sa kani-kaniyang konseho.

Sa kasalukuyan, nakasaad sa Artikulo VIII ng 2011 Central Student Council Constitution and By-Laws, ang mga kuwalipikasyon ng mga kandidatong tatakbo sa konseho.

Isinaad dito na kinakailangang naka-enroll ang sinomang tatakbo ng hindi bababa sa 15 units sa kabuuan ng kaniyang pinapasukang programa, mayroong general weighted average na hindi bababa sa 2.50 o 2.75 naman para sa Fakultad ng Civil Law at Medicine and Surgery.

Kasama rin ang hindi pagkakaroon ng mababang marka o nakapag-drop ng anomang asignatura maliban sa P.E. at NSTP gayon din ang tuloy-tuloy na pag-aaral sa Unibersidad na hindi bababa sa pitong taon.

Tomasino Siya
Natatangi ang naiambag ni Jose Ma. Hubilla hindi lamang sa larangan ng pagdidisenyo kundi pati na rin sa larangan ng pagtuturo.

Nagtapos siya ng kursong Interior Design noong 1965 sa Unibersidad. Bago niya itatag ang Johnny Hubilla Atelier for Interior Design services, nagsimula siyang magturo sa Philippine School of Interior Design noong 1960.

Isinulong niya ang paggamit ng mga materyales na matatagpuan sa Filipinas sa paggawa at pagdidibuho ng iba’t ibang kasangkapan, muwebles at mga palamuti.

Pinangunahan din ni Hubilla ang pagdidisenyo ng Philippine Expositions and Pavilions sa mga pagtitipon na idinaos sa bansang Estados Unidos, Canada, Germany at Thailand.

Naging kasapi siya ng Interior Design of Specialty Board of the Professional Regulation Commission noong 1987 hanggang 1989.

Nanilbihan siya bilang bise presidente ng National Commission on Culture and the Arts’ of the Committee on Architecture and Allied Arts noong taong 2001. Naupo rin si Hubilla noong 2012 bilang chancellor ng College of Fellows of the Philippine Institute of Interior Designers.

Isa rin si Hubilla sa nagpanukala upang maipasa ang Republic Act 8534 at House Bill 1267 na naglalayong protektahan ang mga lisensyadong Interior Designers at kanilang mga kliyente.

Bukod sa epektibong pamumuno sa ilang mga organisasiyon, malaki rin ang kaniyang naimbag sa mga tanyag na pahayagan tulad ng Reader’s Digest, Asia Magazine, CCP encyclopedia in Architecture and Allied Arts, Manila Bulletin, Philippine Daily Inquirer at Real Living.

Ginawaran si Hubilla ng The Outstanding Thomasian Alumni Award noong 2004.

 

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.