NANINIWALA ako sa bisa ng panalangin. Noong labing-pitong taon ako, hiniling ko na magkaroon ako ng nobyo. Ipinagdasal ko rin na makapasok ako sa med school at naipasa ko naman ang exam para dito. Dinasal ko rin ang nobena ng ilang ulit para lamang matagpuan ang aking itinuturing na soulmate—si Jun.

Dalawampu’t siyam na taong gulang na ako nang magpakasal kami ni Jun. Pinaghintay ko muna siya ng mahigit apat na taon mula nang alukin niya akong magpakasal matapos siyang pumasa sa bar exam.

Tinanggap ko ito sa kondisyong tatapusin ko muna ang aking pag-aaral. Magkahalong tuwa at kaba naman ang aking nadama ngunit nanaig ang kagustuhan kong makatapos muna ng pag-aaral.

Madalas naming napag-uusapan noon ni Jun ang gusto naming mangyari sa aming kasal kahit na apat na taon pa bago iyon matupad. Lagi rin naming napag-uusapan ang pangarap naming bahay, kung ilan ang magiging anak namin at kung anu-anong magiging pangalan nila. Pangarap naming dalawa ang isang malaking pamilya, mga lima o apat na mga anak o kahit higit pa. Para kay Jun, malungkot maging nag-iisang anak na tulad niya, at ayaw niyang mangyari iyon sa magiging panganay namin.

Ngunit limang taon na matapos na kami ay ikasal, hindi pa rin kami binibiyayaan ng anak. Naipagawa na ang aming “dream house”. May mga sikat na kasong hinahawakan si Jun habang ako—isa pa ring obstetrics-gynecologist kaya di ko maiwasang mainggit sa mga pasyente kong nagdadalang-tao. Tanging mga anghel na bubuo sa masaya naming pamilya ang kulang.

“Jenny, may improvement sa hormone levels mo. Ipagpatuloy mo lang ang therapy at huwag kang magpapagod sa trabaho,” payo ni Dr. Homol noong minsang nagpakonsulta kami sa kaniya. Tulad ko, isa rin siyang ob-gyne sa ospital na pinapasukan ko. Matagal na naming alam na sapat at malulusog ang mga punla ni Jun, at tanging ang aking abnormal sex hormone levels ang dahilan kung kaya kami nahihirapang makabuo ng sanggol. Gayunpaman, hindi pa rin kami nawawalan ng pag-asang mabibiyayaan kami ng mga anak.

Nais namin ni Jun na subukan ang lahat ng posibleng natural na paraan para magkaanak. Tumungo na kami sa mga simbahan ng Baclaran at St. Jude para matupad ang aming kahilingan. At tatlong taon na rin kaming tumutungo ng Obando tuwing Mayo para sumali sa pagsasayaw ayon sa tradisyon na magkakaroon ng anak ang sinumang mag-asawang gagawin ito.

READ
A sister's life-changing act

Kasabay ng bawat pagtatalik namin ni Jun sa gabi ang pananabik na magbunga ang aming pagmamahalan. Ngunit dahil dumaan ang ilang buwan na walang nangyayari, sinubukan na rin namin maging ang napakamahal na proseso ng in vitro fertilization, ang proseso ng pagsasama fertilization ng sperm cell sa egg cell sa labas ng katawan.

“Jun, kukuha tayo ng semilya mula sa’yo na siyang magfefertilize naman sa itlog na mula kay Jenny. Kung magbubunga ito, saka natin ilalagay ang fertilized egg sa loob ng matris n’ya,” pagpapaliwanag ni Dra. Homol kay Jun kung paano isinasagawa ang maselang paraan.

Nakita ko sa mga mata ni Jun ang pag-asa at pananabik sa kalalabasan nito. Kapwa kaming nabuhayan ng loob at nananalig sa Diyos na magiging matagumpay ito.

Naramdaman ko nang may buhay na nakadugtong sa akin nang ilagay ang fertilized egg sa loob ng aking matris. Nasasabik ako sa pagdating ng anghel sa aming buhay. Dalawang buwan ang lumipas, lumaki na nang bahagya ang aking tiyan. Sa ika-apat na buwan, nararamdaman ko na ang kaniyang paggalaw. Sa wakas, nararanasan ko na rin ang pinagdaraanan ng aking mga pasyente. Matutupad na rin ang matagal ko nang hinihiling.

Ngunit isang gabi, nangyari ang kinatatakutan ko. Sumakit ang aking tiyan kahit nasa panglimang buwan pa lang ako ng aking pagbubuntis.

“Aray! Jun! Sumasakit ang tiyan ko!”

Nagising na lamang ako sa ospital kinaumagahan at para akong binangungot nang sinabi sa akin ng doktor na namatay na ang sanggol na aking dinadala—nakunan ako.

Mula noon, hindi ko alam kung ano ang aking gagawin. Ilang buwan akong binabagabag ng mga tanong. Nawalan na ako ng ganang kumain, madalas akong nababalisa at hindi na rin ako makatulog tuwing gabi.

READ
Translating maps through poetry

Nagsimula ko na ring tanungin at sisihin ang Diyos. Napipilitan lamang ba Siya sa pagkakaloob ng mga biyaya kaya binabawi Niya rin kaagad ang mga ito? Naisip kong maari akong sumailalim muli sa in vitro fertilization pero hanggang kailan tatagal ang aking sanggol? Hanggang kailan niya makakayanan ang siyam na buwang siya ay nasa loob ng aking sinapupunan? Hindi na ba pinakikinggan ng Diyos ang aking panalangin? Hindi pa ba sapat ang limang taon ng paghihintay? Anak lang naman ang aming hinihiling, pinagkakait pa Niya.

Habang binabagabag pa ako ng alaala ng aking pagkakunan ay dumating itong tila panibagong biro ng Diyos.

Matagal na palang binabalak ni Jun na makipaghiwalay sa akin. At inaasikaso na rin niya na magawan ng paraan na ma-annul ang aming kasal. Nalaman ko na lang ito isang umaga nang umanin na rin siya ukol dito.

“Alam kong wala ako sa tamang panahon para sabihin ito sa’yo pero gusto ko nang makipaghiwalay. Susubukan kong ipa-aanul ang kasal natin, patawarin mo sana ‘ko pero gusto ko kasi ng isang pamilyang may mga anak,” sumbat niya sa akin. Pakiramdam ko ay parang nakunan akong muli matapos tumagos ang kaniyang mga salita sa akin.

“Pwede naman tayong mag-ampon Jun. O di kaya subukan ulit nating ang in vitro fertilization. Sana ‘wag kang mawalan ng pag-asa,” pagsusumamo ko sakaniya.

“At hanggang kailan pa ba tayo maghihintay?” diin niya. “Nakapagpasya na ‘ko. Aalis ako para bisitahin ang pamilya ko sa Amerika, maghiwalay na muna tayo.”

Bagamat hindi ako pumayag sa gusto niyang mangyari, wala naman akong magawa sapagkat alam kong ako ang may pagkukulang.

Naisip ko tuloy, sana nandito ang Diyos para sabihin ko ang lahat ng aking hinaing. Binawi mo noong una ang aking anak, ngayon ay asawa naman. Ano naman ang Iyong isusunod na ipagkakait sa akin?

Dumating ang puntong hindi na ako nagsisimba o nagdarasal man lamang sa Kaniya. Iniisip kong ipagkakaloob nga ng Diyos ang mga panalangin ko ngunit babawiin Niya rin naman ito sa huli, kaya mas mabuti nang huwag na lamang humingi at huwag na lamang mapagkalooban.

READ
Kabataan, kabayanihan at kamulatan

Tatlong buwan na ang nagdaan.

Bumalik ako sa Cebu upang makasama ang aking mga magulang. Dahil nasa ibang lugar na ako at kasama ang aking pamilya, mas madali akong nakapag-isipan ang mga nangyari sa akin. Dahil sa aking mga karanasan sa aking anak at kay Jun, naunawaan kong may mga bagay na dumarating at nawawala sa atin.

Isang araw, bigla na lamang akong nahilo. Inisip ko namang dulot lamang ito ng matinding pagod ngunit nang magpatingin ako sa doktor ay nagulat ako nang sabihin niyang nagdadalang-tao ako. Iregular kasi ang menstrual cycle ko dahil na rin sa paiba-ibang kong hormone levels, pero hindi ko inaasahang dahil ito sa pagbubuntis. Maaaring bunga ito ng huli naming pagtatalik ni Jun noong gabi bago niya sinabing nais na niyang makipaghiwalay, ngunit maaaring bunga rin ito ng isang himala.

Labis akong natuwa hindi dahil nagkaroon ako ng dahilan upang balikan ni Jun ngunit dahil dininig na ang aking panalangin na muling magkaanak. Hindi ko na binalak na ipaalam ito kay Jun. Tahimik na ang buhay niya at ayaw kong balikan niya ko dahil lamang malalaman niyang magkakaanak na kami.

Anim na buwan kong pinag-ingatan ang aking pagdadalang-tao. Higit itong maselan kaysa una kong pagbubuntis. Naging maingat ako sa pagpili ng makakain at bitaminang makatulong sa paglaki ng aking anak. Sa pagkakataong ito, ayaw ko nang may mangyaring masama sa bata. Siya na ang makakasama ko habambuhay kaya siya rin ang makapupunan ng puwang sa aking buhay.

Isang Biyernes, tumungo ako sa simbahan ng Basílica Minor del Santo Niño sa Cebu. Pinasalamatan ko ang Diyos dahil kahit na pinagdudahan ko ang Kaniyang kakayahan, sa huli ay pinagbigyan pa rin ang hiling kong magka-anak.

Hindi lumaon, isinilang ko si Kristina nang maayos at puno ng pagmamahal. Dahil sa kaniya, nanumbalik ang aking pananampalataya.

Balang-araw, makikilala din ni Kristina ang kaniyang ama, at malalaman din ni Jun na may anak siya sa akin. Ngunit ito ay sa tamang panahon lamang. Richard U. Lim

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.