MADALAS isipin ng karamihan na limitado sa isang larangan lamang ang pagkakamit ng tagumpay. Subalit ipinakita ni Basilio Valdes, Tomasinong doktor at heneral, na maaaring mahigitan pa ito sa pamamagitan ng dedikasyon at husay sa pagganap sa mga tungkulin.
Nakilala si Valdes sa kasaysayan bilang isa sa opisyal na humawak ng mga matataas na posisyon sa pamahalaang Komonwelt. Itinalaga siya ni Pangulong Manuel L. Quezon bilang chief of staff ng Philippine Army at ng Philippine Constabulary (kasalukuyang Philippine National Police) noong 1939. Naglingkod naman siya bilang kalihim ng Department of National Defense mula 1941 hanggang 1945, sa ilalim ng government-in-exile ni Quezon sa Estados Unidos. Sa ilalim ng kanyang pangangasiwa sa departamento isinagawa ang mga paghahanda ng hukbo ng Pilipinas sa noo’y napipintong digmaan sa pagitan ng Estados Unidos at ng bansang Hapon.
Subalit nagsimula muna ang kanyang karera bilang isang doktor. Nakapagtapos si Valdes ng kursong Medisina sa Unibersidad noong 1916 na may pagkilalang sobresaliente. Nang magpadala ang Pilipinas ng mga sundalo at doktor sa Europa noong Unang Digmaang Pandaigdig, sumali si Valdes bilang isang volunteer doctor para sa mga hukbong Pranses at Amerikano.
Sa kanyang pananatili roon, nagsagawa rin siya ng isang pag-aaral hinggil sa kalagayang-pangkalusugan sa lungsod ng Prague (sa dating Czechoslovakia) at sa Lithuania. Sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas noong 1920, nagturo naman siya sa Unibersidad bilang isang propesor ng siruhirya.
Kabilang pa sa mga ambag ni Valdes sa larangan ng medisina ang pagiging isa sa mga tagapagtatag ng Philippine Tuberculosis Society at Philippine College of Surgeons; bukod pa rito, naglingkod din siya bilang pangulo ng mga pangkat na ito.
Naging medical inspector din si Valdes para sa Philippine Constabulary (1926-1934), bukod pa sa paglilingkod sa Board of Medical Examiners bilang kasapi (1924-1928) at pangulo (1928-1932).
Hinirang din siya bilang kalihim ng Department of Health noong 1945, sa panahong nahaharap ang kagawaran sa hamon ng pagbibigay ng serbisyo sa panggagamot para sa mga Pilipinong nasalanta ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Pumanaw si Valdez noong 1970 mula sa atake sa puso sa edad na 77.
Maituturing na karangalan ang mga naiambag ni Hen. Basilio Valdes sa mga larangan ng medisina at pamahalaan hindi lamang para sa Unibersidad kung hindi para rin sa bansa.
Tomasalitaan:
laksamana (pangngalan) – pinuno ng hukbong dagat noong sinaunang panahon
Halimbawa:
Pinangunahan ng laksamana ang paglusob ng mga mandirigma sa kuta ng mga kalaban.
Sanggunian:
The Varsitarian, Tomo 78, Blg. 10, Pebrero 10, 1970
Manual for Citizenship Training ni Uldarico Baclagon
www.army.mil.ph
www.dnd.gov.ph
www.pcs.org.ph
UST Archives