“AKO ANG tipo ng manunulat na mulat sa (panlasa ng) kanyang audience. Gusto ko, ‘pag may sinulat ako, may magbabasa. Hindi ako kontento na may naisulat lang, (dahil baka) wala namang nagbabasa sa aking mga gawa.”

Sa mga linyang ito inilahad ni Manolito Sulit, Tomasinong makata at direktor, ang kanyang dahilan sa pagsabaak sa larangan ng paggawa ng pelikula. Nais niyang bigyang-buhay ang nilikha niyang dulang pampelikula o screenplay upang mabatid ng nakararami ang mensaheng nais niyang iparating hinggil sa pagbibigay ng halaga sa kasaysayan ng bansa.


Mula sa pluma

Bago pasukin ang mundo ng pelikula, si Sulit ay nakilala bilang isang manunulat. Nakapagtapos siya ng kursong Journalism noong 1993 sa Unibersidad. Ayon kay Sulit, balak niyang maging isang pintor ngunit hindi kaya ng kaniyang pamilya ang mga gastos ng kursong Fine Arts kung kaya AB Journalism ang kursong pinili niyang kunin. Kahit noong nasa elementarya pa lamang si Sulit kaniya nang natuklasan ang kakayahan niya sa pagsusulat.

Habang nag-aaral, nagsulat din si Sulit para sa diyaryong Balita mula 1992 hanggang 1993 at sa pahayagang Diyaryo Filipino noong 1992. Nagpasa rin si Sulit ng mga akda sa magasing pampanitikan na Liwayway.

Ani Sulit, “Hindi ko alam na pagkatapos ng high school, malalathala sa Liwayway ang una kong kwento na ‘Aktibista’. Katuparan ito ng isang pangarap.”

Pagkatapos ng kolehiyo, nagtrabaho naman si Sulit bilang guro ng Filipino sa De La Salle University (DLSU) simula noong 1993 bukod pa sa pagiging part-time editor ng palimbagan nito. Pinagkalooban din siya ng isang fellowship para sa pagsusulat ng tula noong 1996 ng Bienvenido N. Santos Creative Writing Center ng DLSU. Sa panahong din ito una niyang isinulat ang mga tulang nakasam sa koleksiyong Ibang Daan Pauwi.

READ
Medicine alumni 'troubled'

Bagong larangan

Ayon kay Sulit, wala sa hinagap na magiging direktor siya ng kanyang sariling dulang pampelikula. Kontento na siya noon sa pagsulat lamang ng mga iskrip.

“Noong gawin ko ang screen play ng Barako, hanggang doon lang talaga ang gusto ko dahil hindi ko naman nakikita ang sarili ko na umaarte,” aniya.

Ngunit noong 2006, nagbago ang kaniyang pasya nang matunghayan niya ang mga pelikulang kalahok sa Cinemalaya habang nagtatrabaho bilang culture and arts officer ng Cultural Center of the Philippines, kung saan nahikayat siyang gumawa ng pelikula.

“Nakita ko na ang babata pa ng karamihan ng gumagawa ng Indie Films,” ani Sulit. “Kaya nakummbinsi ako na gumawa rin ng pelikula sa susunod na taon,” dagdag pa niya.

Bagaman walang pondo para sa paggawa ng pelikula, hindi ito itinuturing ni Sulit bilang isang hadlang sa kanyang proyekto.

Aniya, “Hindi ko naging problema ang pondo, dahil alam kong wala talaga akong pondo.” Sa halip, ipinagkatiwala na lang niya sa Diyos ang kahihinatnan ng proyekto. “Pikit-mata—ito ang paglalarawan ko sa lahat ng pinaggagawa ko sa aking buhay. Diyan ko laging napapatunayan ang (bisa ng) tulong ng Nasa Itaas,” dagdag naman niya.

Wala siyang “maipagmamalaki” sa pelikula sapagkat alam niyang hindi niya ito magagawa nang mag-isa. Kaya’t itinuturing niyang malaking tulong ang National Commissionfor the Culture and the Arts dahil sa pagbibigay nito ng pondo para sa pelikula. Isinalaysay rin ni Sulit kung paano siya naging direktor ng “Barako.” Ayon sa kanya, mayroon nang direktor na napili para sa pelikula ngunit nang magkaroon ng problema ang huli, kinausap na siya ni Emman Pascual, ang katuwang na direktor ng pelikula, upang ipagpatuloy ang proyekto.

READ
Thomasians awarded most outstanding professionals

“Sabi niya sa akin, bakit hindi pa raw ako ang mag-direk, dahil ang ginagawa ko naman sa set, iyon (na rin) daw ang ginagawa ng isang direktor,” ani Sulit. “Kasi kapag hindi ako nakontento sa aking nakikita, sasabat ako, at ipapaliwanag ko (sa mga actor) na ‘heto ang mga mangyayari at ang konteksto ng eksena’,” paliwanag niya.

Para kay Sulit, itinuturing niyang isang bentahe sa kaniyang pagtatangkang gumawa ng pelikula ang pagiging makata niya dahil kapwa gumagamit ng imahen ang tula at pelikula. Dagdag pa niya, nakatulong rin ang kaalaman niya sa iba’t ibang istilo sa pagsusulat sa panitikan upang magawa ang iskrip ng “Barako.”

“Palagay ko ay malaking tulong ang kaalaman ko sa panititkan sa paggawa ng medyo naiibang script na pantakbo ng pelikula. Creative nonfiction ang ginamit kong istilo sa iskrip ng pelikula,” paliwanag niya.

Maraming Tomasino ang tumulong kay Sulit upang gawin ang pelikula at kabilang dito ang mga makatang sina Mike Coroza at Vim Nadera.

Ayon kay Sulit, hango ang iskrip ng pelikulang Barako sa mga ideya ng grupong Ibaan Economic Forum o Barakuhan. Isa itong samahang nagtataguyod sa malayang pagtalakay ng mga suliraning panlipunan. Tungkol sa pagbabalik-tanaw ng isang publisista sa kanyang kabataan at sa kasaysayan ng Pilipinas ang Barako.

“Pumasok ang malalim na himaymay ng demokrasya sa tema ng pelikula. Ang pagiging karaniwan ng mga problema ng mga ordinaryong tao na tinatalakay sa pelikula ang naging kakaiba dun,” ani Sulit.

Simpleng buhay

Sa kabila ng lahat ng kaniyang mga tagumpay na nakamit, nais pa rin ni Sulit na mamuhay nang simple.

READ
Cirilo Bautista

Aniya, “Gusto ko lang maging pangkaraniwang tao. Gusto ko, pagdating ko sa bahay ay may pagkakataon akong maging ordinaryo, makiabang sa telenobela, maki-iyak kung may kaiyak-iyak at kumain ng tuna,” paglalahad ni Sulit.

Sa kasalukuyan, nagsisilbi si Sulit bilang Junior Associate ng Center for Creative Writing & Studies ng Unibersidad, bukod pa sa pagtuturo ng asignaturang Filipino sa DLSU. Pinasok din niya ang negosyo ng pagtitinda ng kapeng barako na kung saan mayroon siyang online shop para dito.

Bukod sa pagtutok sa paggawa ng mga pelikula, balak rin ni Sulit na maglabas ng ikalawang koleksyon ng mga tula. May pansamantalang pamagat ito na “Nang Tayo ay Matubos” kung saan pinagninilayan niya sa patulang paraan, ang mga paghihirap ni Kristo habang pasan-pasan Niya ang krus patungong kalbaryo.

Ayon kay Sulit, nasisiyahan naman siya sa takbo ng kaniyang karera dahil natupad ang lahat ng kaniyang mga pangarap, bilang isang manunulat at direktor.

“Sa totoo lang, wala akong pangarap na hindi natupad,” paglalahad ni Sulit. R. U. Lim

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.