Dibuho ni  S.I.R.  Macaisa KUMALAT ang pula, dilaw, asul at berde na mga kislap ng fireworks display sa itim na kalangitan kasabay ng malalakas na putok. Namangha naman ang masasayang kasama kong nagsipagtapos sa makulay na palabas na ito sa himpapawid.

Mayroon ding kakaibang pagsabog na nagaganap sa aking damdamin. Sa bawat pagputok at panandaliang pag-ilaw ng langit, hindi mapigilan ang aking pagluha. Subalit hindi iyon mga luha ng kaligayahan na dulot ng pagtatapos sa kolehiyo, iyon ay mga patak ng pag-aalala kay Giselle. Sapagkat kung may bagay man na lubos na nakapagpapasaya sa kaniya, iyon ay ang makapanood ng mga paputok.

“Kapag nanonood ako ng fireworks, tumitigil ang mundo ko kaya’t panandalian kong nakakalimutan ang aking mga problema. Masaya ako kahit sa sandaling iyon lang,” paliwanag ni Giselle sa akin isang gabi habang magkasabay kaming umuwi.

Hindi ako naawa sa kaniya nang sinabi niya iyon. Bagkus, higit pa akong humanga sa abilidad niyang balansehin ang oras sa pagitan ng pag-aaral at pagtatrabaho bilang call center agent. Kinailangan niyang kumita ng pera para makatulong sa pagbayad ng matrikula niya dahil dumarami ang gastusin ng kuya niyang kumukuha ng kursong Nursing. Naisip kong lalo pang nakakapanghihinayang ang pagkawala ng matalik kong kaibigan dahil magiging cum laude sana siya. Mag-iisang taon na rin magmula nang siya ay mamayapa.

Naging malaking tulong sa pag-aaral ko si Giselle. Kung hindi dahil sa kaniya, maaaring hindi ako nakasuot ng toga ngayon. Lagi niya akong pinapakopya ng mga takdang aralin. Hinahayaan rin ni Giselle na sumilip ako sa papel niya kapag may pagsusulit at hindi naman ako nakapag-aral.

“Lasing ka na naman kagabi, Sonia? Halos gabi-gabi na ‘yan ha. Nag-enroll ka ba talaga para mag-aral?” minsang tanong niya sa akin noong unang taon namin sa kolehiyo. Pumasok ako noon na masakit ang katawan at ulo.

“Para ka lang nanay ko ha. May assignment ka ba? Pakopya naman. Nakatulog ako agad kagabi pag-uwi ko, eh,” sagot ko.

READ
Enrollment soars anew

Napailing na lang siya sa akin habang inaabot ang libro niya sa Spanish.

Hindi ko tuloy lubos na maintindihan kung bakit ako pinagtiyagaan ni Giselle bagaman at magkasundo naman kami simula nang kami ay magkakilala. Noong unang taon kasi namin sa kolehiyo, magkaiba kami ng ugali at hilig. High school pa lang ay nilulusaw ko na ang aking atay at baga ko sa pag-inom at paninigarilyo. Si Giselle naman ang tipo ng estudyanteng lumaking may palaging baong libro at bahay-eskwela lang ang alam na ruta sa araw-araw na pamumuhay.

Noong una ay kami pa ng iba naming magkaibigan ang pumipilit sa kaniya na sumama sa inuman. Subalit mula nang magtrabaho si Giselle noong ikatlong taon namin sa kolehiyo, siya na mismo ang nagyayaya sa aming magkakaklase na mag-“one bottle” pagkatapos ng klase. Sa kagustuhan niya, natuto na rin siyang manigarilyo.

“Iinom ba tayo mamaya? Wala akong pasok mamayang gabi ‘tsaka isa pa wala naman tayong kailangan ipasa bukas,” paanyaya sa amin ni Giselle habang kumakain kami sa isang fast food chain.

“Gusto sana namin kaya lang inaantok na kami. Buong magdamag naming tinapos iyong sobrang hirap na take-home quiz ni Ma’am Sabater. Sa ibang araw na lang,” katwiran ni Christine, ang isa sa mga kaibigan namin.

“Dapat kasi maaga pa lang tinatapos niyo na iyon,” pangangaral niya sa amin.

Malay namin kung anong mahika mayroon si Giselle at natatapos niya kaagad ang mga gawaing pang-eskwela niya sa kabila ng pagkakaroon niya ng trabaho. Kaya naman nakapagtataka kung may hindi siya naipasang takdang aralin.

“It’s so unlike you to miss a paper. May problema ka ba?” usisa ko kay Giselle minsang huli na siyang pumasok sa klase ay hindi pa siya nakapagpasa ng papel para sa Filipino.

“Wala. Pagod lang ako. Nag-overtime pa ako kanina, eh,” tugon niya sa akin habang kinukusot ang kanang mata niya. Itago man niya, alam kong may nililihim siyang problema sa amin. Sa katunayan, bihira na siyang magkuwento sa akin hindi tulad dati. Lagi niyang sinasabi sa akin noon na walang panahon ang kaniyang mga magulang para sa kanilang dalawa ng kuya niya. Kung minsan pa nga ay dumadaan ang ilang araw nang hindi sila kinakausap ng mga ito. Subalit mahirap sabihin kung ang bagay na ito ang bumabagabag sa kaniya, bukod pa sa nililihis niya ang usapan kapag inuusisa ko pa siya tungkol sa kalagayan nila sa bahay.

READ
Alternative fuel use urged

Subalit, unti-unting nababakas ang mga alalahanin ni Giselle sa kaniyang pamamayat at pamimigat ng talukap ng mga mata niya. Bagaman madalas siyang walang tulog, nagugulat na lang ako minsan sa kaniya dahil mas matataas pa rin ang mga marka niya sa mga pagsusulit kaysa aming magkakaklase, nakakapagpasa pa rin siya ng mga takdang aralin at higit sa lahat, napapasama pa rin siya sa Dean’s List.

Lingid sa kaalaman naming magkakaibigan na may iba na palang tinatakbuhan itong si Giselle para makaraos. Nalulong siya sa ipinagbabawal na gamot at huli na nang malaman namin ito para mapigilan siya.

Kuwento sa akin ng kuya niya, isang katrabaho ni Giselle ang nagbebenta sa kaniya ng “bato.” Subalit hindi “met” ang kumuha sa murang buhay niya.

Noong nakaraang Abril, binigyan siya ng nasabing katrabaho ng isang tableta ng Ecstasy. Limang minuto pagkatapos niyang lunukin ang gamot, biglang namutla ang mukha niya at tumirik ang mga mata niya. Ilang segundo lang ay bumagsak siya sa lupa at na-comatose.

Sumugod ako agad sa ospital nang tawagan ako ng kuya ni Giselle. Kasama ng mga magulang niya, buong gabi akong nagbantay sa ospital. Muli akong natutong manalangin pagkatapos ng ilang taong hindi pagtawag sa Kaniya. Sa kabila pa ng pag-asa ko at ng pamilya ni Giselle, binawian ng buhay ang kaibigan ko pagsapit ng umaga.

“Marahil kinuha na rin siya ng Panginoon upang wakasan ang paghihirap niya,” wika ni Christine habang pinatatahan ako sa pag-iyak.

Sabay-sabay na pumutok ang mga huling fireworks sa langit na naging dahilan ng pagkaudlot ng aking pagninilay-nilay. Hudyat ito ng pagwawakas ng graduation ng batch 2008. Sa pagtatapos ng sampung minutong pailaw, natapos na rin ang isang yugto ng aking buhay na sinimulan kong kasama si Giselle. Nakakalungkot isiping hindi ko na siya muling makakasama pa sa pagsisimula ng isang panibagong yugto. Biglang umapaw ang liwanag na tila mga nagkikislapang puting lasong nagsisihulugan. Habang unti-unting kumukupas ang mga ilaw, sumasariwa ulit sa isip ko ang unti-unti ring pagkupas ng buhay sa maputing mukha ni Giselle.

READ
Arresting the crisis of integrity

Halos gabi-gabi akong nagpakalunod sa beer ilang araw matapos ang pagkamatay ng matalik kong kaibigan. Napadalas din ang mga weed session naming magkaibigan para lang mapawi ang matinding kalungkutan na nadarama namin.

Bigla na lang akong natauhan isang gabing lasing akong umuwi. Habang lulan ng FX, naisip kong pagod na ako sa pagiging miserable sa loob ng limang buwan.

Sa pagdadalamhati ko sa pagkamatay ni Giselle, nakalimutan ko na kailangan ko pa palang mabuhay.

Kagaya ng paputok na sinindihan at hindi kaagad nabitawan, nagningas, pumutok at mamatay ang ilaw ni Giselle nang wala sa tamang panahon. Nang mamatay siya, sinama niya ang isang parte ng aming pagkatao sa ilalim ng lupa.

Subalit naitanong ko ang sarili kung wala ba akong natutunan sa nangyari sa kaniya. Itinigil ko na ang mga bisyo ko simula noon at hinikayat ko na rin ang mga kaibigan na bawas-bawasan na rin ang pag-inom at paninigarilyo. Sa ganitong paraan, marahil, ay nabigyan ko ng kabuluhan ang pagkamatay ni Giselle.

“Sabay ka na sa’min, Sonia?” usisa sa akin ni Christine. Kasama niya ang iba pa naming mga kaklase.

Pinunasan ko ang basa kong pisngi at saka tumango. Papunta kami sa handaan para sa buong klase na mga magulang pa ni Giselle ang pangunahing nag-asikaso. Ipagdiriwang namin hindi lang ang aming pagtatapos kung hindi ang buhay ng isang mabuting kaibigan.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.