Dibuho ni Michelle Angelique E. CanoyMAIGI kong pinagmamasdan ang tanawin mula sa bintana ng eroplano. Mula sa malayo, gatuldok na lamang ang mga kotse, habang ang mga bahay nama’y sinliit na lang ng ulo ng posporo. Ang kagubata’y tila isang berdeng banig, habang ang dagat nama’y parang asul na kumot na nakalatag sa isang malawak na sahig!

Gustuhin ko mang ilapat ang aking mga daliri sa tuktok ng bundok at sumalok ng tubig-dagat, hinding-hindi ko naman ito magagawa. Abot-tanaw ko ang langit at ang mga ulap, ngunit gaya ng pagtanaw ko sa mga bundok at dagat, mananatili na lamang akong isang masugid na tagahanga.

Ganyan talaga ang aking nararamdaman sa tuwing nakasakay ako sa eroplano nang mag-isa. Nasanay na ako. Ngayo’y mag-isa pa rin akong pupunta sa bahay ng aking pinakamamahal na lolo. Sa susunod na bakasyon pa ako dapat babalik sa Davao para bisitahin si Lolo Crisencio. Ang alam ko kasi’y malakas pa rin siya. Kung hindi lamang ako pinadalhan ng sulat ng isang nagmamalasakit na kapitbahay tungkol sa lumalalang kalagayan niya, hindi pa sana ako uuwi. Mabuti na rin at nangyari ito. Makakapagisip-isip ako. Makakahingi ako ng payo kay lolo habang inaalagaan ko siya.

Kumusta na kaya si Lolo Sencio? Hindi ko maiwasang mag-alala lalo na ngayong may sakit siya. Iba kasi ang turing niya sa akin. Sabi nila, sa kanya ko raw namana ang pagkahilig ko sa musika, lalung-lalo na sa pagtugtog ng plawta. Siguro nga sa kanya ko rin nakuha ang aking pagmamahal sa musika, ngunit ang kagalingan sa pagtugtog? Hindi ko mapapantayan ang kahusayan ni Lolo Sencio pagdating diyan! Siya ang natatangi kong idolo.

Tanging ang ingay lamang ng makina ng eroplano ang naririnig ko ngayon. Hindi naman ako binigyan ni Mama ng katahimikang gaya nito. Naalala ko bigla ang mga sinabi niya noong huli kaming nagkausap sa telepono. “Bong, tigilan mo na ‘yang pagtugtog mo! Saan ka ba pupulutin pagkatapos mong mag-aral niyan? Tingnan mo nga ‘yang mga grado mo, halos bumagsak ka na!” ang pagalit na sabi ni Mama. Naniniwala kasi sina Mama at Papa na matalino ako pero sinasayang ko lang daw ang aking talino sa mga walang kabuluhang bagay gaya ng pagtugtog ko ng plawta.

READ
Exploitation

Kakatapos ko lang sa aking unang taon sa isang konserbatoryo dito sa Maynila. Sarili kong desisyon ang pumasok dito. Wala namang kumontra sa aking pagpasok doon noong una. Hilig ko na kasi talagang tumugtog dahil pinapasaya ako ng musika sa tuwing ito’y aking naririnig. Pero ibang klaseng tuwa ang nararamdaman ko kapag ako na mismo ang tumutugtog–kapag ako na mismo ang lumilikha ng himig. Pakiramdam ko, para ba akong lumulutang sa alapaap, isang butil na tinatangay ng hangin sa kung saan.

Muli, sumilip ako sa bintana ng eroplano. Payapa ang mundo kung titingnan mula sa itaas. Ganoon talaga kapag masyado nang malaki ang agwat mo sa lupang kanina lang ay inaapakan mo. Parang ako at ang aking mga magulang, magkadugo nga pero parang hindi magkakilala ang turing at trato sa isa’t isa. Ilang taon na rin pala kaming hindi nagkikita. Nasa elementarya pa lang ako noong naisipan nilang mangibang-bansa. Sa tingin nila, mas maganda ang buhay sa Amerika kaysa dito sa Pilipinas. Mas mabibigyan nila ako ng magandang kinabukasan kung doon sila magtatrabaho. Lumipad sila patungong New Jersey isang taon matapos akong maka-graduate sa elementarya.

Noon, pakiramdam ko ay malapit na malapit ako sa kanila. Nag-iisang anak lang ako at walang kaagaw sa pagmamahal at atensyon mula sa kanilang dalawa. Regalo ko na raw sa kanila ang matataas kong marka sa eskuwela. Siyempre, nag-aaral akong mabuti at nagsisipag dahil ayoko namang biguin sina Mama at Papa. Dahil dito, pinagmamalaki nila ako sa kanilang mga kaibigan at kakilala. Ipinangangalandakan na nila sa buong mundo na magdodoktor ang nag-iisa nilang anak. Ito na raw ang kanilang naging pangarap para sa akin. Pero, dito kami nagkatalu-talo.

Simula ng iniwan nila ako’t nagtungo na sa Amerika, mukhang masyado silang nagsipag sa kanilang trabaho’t napabayaan na nila ako. Si Papa ay isang accountant sa isang hotel at si Mama nama’y namamasukan bilang isang sekretarya sa isang pamantasan doon sa New Jersey. “Anak, pinag-iipunan namin ang pagdodoktor mo. Mag-aaral kang mabuti, ha?” ang lagi nilang sinasabi sa tuwing sila’y nakakausap ko sa telepono. Matapos ang mga pag-uusap na iyo’y muli kong naramdaman na nag-iisa na lang ako.

Humanap ako ng paraan kung paano ko mapupunan ang aking pag-iisa, at nahanap ko ito sa pagtugtog ng plawta. Pangarap kong tumugtog ng plawta. Madalas akong nagpa-practice sa pagtugtog nito hanggang sa naisip kong music ang kukunin kong kurso sa kolehiyo. Noong una ay naging maayos ang pag-aaral ko kahit ipinagpipilitan nina Mama at Papa ang gusto nila, hanggang sa lumala na ang away sa pagitan namin. Dumalang na ang kanilang pangungumusta. Kung tatawag man sila sa akin, ito ay kapag may importante silang ibibilin, o di kaya’y kapag may mga okasyon para bumati. Ni tanong tungkol sa aking pagtutugtog ay hindi ko naririnig mula sa kanila.

READ
Pro-crastinate

Kasabay nito ay halos bumagsak na ang aking mga grado. Hindi na ako nakakapag-aaral kaya’t palaging zero na ang nakukuha kong grado sa mga written exams at quizzes. Sa practicals na nga lang ako nakakabawi e, mabuti’t maayos pa rin ang pagtugtog ko. Kahit kailan hindi ko pa nararanasan ito. Naitanong ko tuloy sa aking sarili kung talaga bang gusto ko ang pagtugtog ng plawta. Alam ko, oo. Mahal ko ang musika–ang pagtugtog ng plawta. Naniniwala akong hindi mali ang naging desisyon kong kunin ito dahil masayang-masaya naman ako sa ginagawa ko. Ang tanging tanong ko lang ay nasaan na sina Mama at Papa para may kumilala naman sa pagsisikap ko.

Nawala ako sa aking konsentrasyon. Tumutugtog ako ngunit hindi na musika ang lumalabas sa aking plawta kundi ingay – walang melodiya at walang laman. Hindi na rin natutuwa ang mga propesor ko sa aking performance sa eskuwela. Kahit pasado ako sa mga practical exams, hindi naman daw pupuwede na ‘yun lang ang mga ipapasa ko. Baka ma-probation pa raw ako kapag ipinagpatuloy ko pa ang ganitong pagpapabaya sa pag-aaral. Lalo akong nainis sa mga magulang ko, pero hindi ko na alam kung sila ba dapat ang sisihin ko o ang sarili ko.

Hindi ko namalayan, naiyak na pala ako. Pagsilip ko muli sa bintana ay naisip kong sana ay kasimpayapa ng langit ang aking hinaharap, ‘yun bang wala nang sagabal sa aking mga pangarap at gusto sa buhay.

Pagbaba ko sa eroplano, dali-dali akong sumakay ng bus papunta sa bahay ni Lolo. Pagkarating ko sa kanilang barangay, nagulat ako sa dami ng taong naroon sa harapan ng lumang gate ng bahay niya. Dumeretso ako sa kuwarto ng aking Lolo. May mangilan-ngilan ding mga kapitbahay ang nakapalibot kay Lolo, nag-aasikaso.

READ
Kultura ng tagumpay

“Ka Sencio, dumating na ang iyong inaantay…si Bong,” ani Aling Nena, na naalala ko’y ang pinakamalapit na kapitbahay ni Lolo Sencio.

Tumulo ang aking luha. Wala na ang larawan ng isang matandang nakangiting tumutugtog ng buong puso upang makapagpasaya ng ibang tao. Tumayo ako sa tabi ni Lolo Sencio at bumulong, “Lolo, ‘andito na po ako.”

“Bong, iho…Kumusta ka na? Mabuti naman at nasilayan kita bago pa…bago pa,” nanginginig na sabi ni Lolo Sencio.

Hinawakan ko na lamang ang kamay ni Lolo nang mahigpit. Hindi ko makaya na makita siyang ganito. Habang nakikita ko ang kanyang mga mata, hindi ko lubos maisip na sandali nalang kaming magkakasama ng aking pinakamamahal na Lolo, ang tanging taong nakakaintindi sa pinagdadaanan ko.

“Anak,” wika muli ni Lolo, “sundin mo kung ano talagang gusto mo. Tumugtog ka na parang walang nakakakita sayo, ngunit sa totoo’y nakikinig ang buong mundo sa iyo.” Matapos nito’y nakapagpasya na ako.

Ang sumunod na linggo’y parang ang pinakamahabang isang linggo ng buhay ko. Nilubos-lubos ko na ang panahong magkasama kami ni Lolo. Sa loob ng isang linggong ito, walang mintis ang pagkumusta at pagdalaw ng mga tao sa bahay ni Lolo. Napatunayan ko, mahal nila ang musika ni Lolo. Mahal siya ng mga tao rito.

Hindi ko malilimutan ang araw na inilabas ko ang aking plawta at saka ko tinugtog sa harapan niya ang isang napakagandang melodiyang tumatagos sa puso ng kung sino mang nakaririnig nito. Inialay ko ang paborito kong melodiya –From the New World ni Antonín Dvo?ák– para kay Lolo Sencio.

Iyon ang araw na tinupad ko ang pangakong ginawa ko sa tabi ni Lolo. Tinugtog ko ang plawta na para bang walang nakakakita sa akin. Tumugtog ako na parang ang buong mundo’y pinakikinggan ako. Tiwala akong ang himig na ito’y makakarating sa kung saan man naroroon si Lolo. Habang tinatapos ko ang mga huling nota ng awitin, ipinangako ko sa sarili na itatanghal ko ang sarili kong himig pagbalik nina Mama at Papa. Mayroon na akong sariling himig.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.