MULA SA dating luntiang paraiso, napalitan na ng mga nagtataasang gusali at pasikot-sikot na kalsada ang kagubatang kinalalagyan ngayon ng lungsod ng Makati. Kasama na ring nagbago ang mga gumagalang mababangis na hayop na napalitan naman ng mga “dambuhalang hayop na nagkukubli sa kani-kanilang opisina.”

Ito ang naging tema ng nobela ni Abdon M. Balde, Jr. na Sa Kagubatan ng Isang Lungsod (UST Publishing House, 2002). Sa likod ng mga pagbabagong pisikal ay may mga ugali pa ring nananatili at nakukubli lamang ng mga nagbagong anyo. Bagaman at nagtapos ng kursong BS Civil Engineering, tinahak ni Balde ang daan ng isang manunulat. Bukod sa pagkakapanalo ng ilang Palanca Memorial Awards para sa kategoryang maikling kuwento, nanalo na rin siya ng dalawang National Book Awards para sa mga nobela niyang Mayong at Hunyango sa Bato.

Sinubaybayan ng nobela ang pagbabago ni Bobby Mercado, isang ulila sa magulang. Mula sa isang mangangalakal na may marangal na hangaring umunlad ang kaniyang negosyo sa konstruksiyon ay naging negosyanteng hindi nag-alinlangang gumamit ng mga ilegal na pamamaraan upang makaangat sa iba na nakapagpahamak naman sa ibang tao kabilang na ang kanyang pamilya.

Tinunghayan din ng nobela ang masalimuot na buhay ni Chit, ang asawa ni Bobby, na mulat sa mga ilegal na transaksyon sa negosyo at sa pambababae ng kanyang asawa. Subalit, dahil sa paghangad niyang manatiling buo ang kanyang pamilya, pinili niyang panatiliin ang pagsasama nilang mag-asawa.

Nahahati sa dalawang kabanata ang libro. Nagsimula ang salaysay sa pagkakaroon ng matabang na relasyon nina Bobby at Chit na nag-ugat sa paglilihim nila sa isa’t isa. Sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa kabataan ng dalawang tauhan, ipinaliwanag sa unang kabanata ang lihim na nakaraan ni Chit hinggil sa kanyang dating kasintahan na si Mike, na inaakala ni Bobby na namatay sa isang labanan sa pagitan ng militar at ng mga rebelde ng Moro Islamic Liberation Front. Lingid pala sa kanyang kaalaman, patuloy pa rin na nakikipagkita sa kanyang asawa si Mike. Dahil naman sa pagseselos, sinadyang ipinalaglag ni Bobby ang sanggol na pinagbubuntis ni Chit sa mga panahong iyon.

READ
New procurement system installed

Bumalik naman sa kasalukuyang panahon ang pagsasalaysay ng kuwento sa ikalawang kabanata kung saan abala naman si Bobby sa pagpupuslit ng ilegal na droga na nakatago sa mga mixer trucks. Samantala, unti-unti namang natutuklasan ni Chit ang mga kahina-hinalang gawain ng kanyang asawa sa negosyo at sa sarili nitong pamilya at mga kaibigan.

Sa isang hindi inaasahang pagwawakas na maaaring ikagulat ng mga mambabasa, binigyang-liwanag ng nobela ang mga misteryo sa likod ng mga tunay na anak ni Bobby Mercado.

Binigyan ni Balde ng kakaibang konteksto ang kuwento sa pamamagitan ng paggamit ng mga alamat na nagmula sa Bicol kagaya ng alamat ng bulaklak ng takay na tungkol sa magkasintahang Takay at Kanaway. Ayon sa kuwento, hindi maaaring magkadaop-palad ang dalawa, sapagkat ang kapalit nito ay sakuna na kapwa nila daranasin. Isinabuhay naman ang temang ito ni May, anak ni Chit, at ng kanyang kasintahan na pilit pinaglayo ni Bobby dahil pareho niyang kadugo ang mga bata.

Bukod sa paghiram ng mga katutubong alamat, makikitaan din ng impluwensiya ng trahedyang Griyego ang nobela, tulad ng mga tema ng mga kuwento nina Agamemnon at Medea na kung saan ang kasalanan ng mga magulang ay minamana ng kanilang mga anak.

Mababakas ang husay ni Balde sa panulat sa kanyang pagpapalit ng mga persona sa nobela sapagkat malalaman ng mambabasa kung kaninong kuwento na ang isinasalaysay at kung sino ang nagsasalita, kahit hindi man niya tingnan ang pangalan. Nahuli rin ni Balde ang lengguwahe ng mga mayayaman sa pakikipag-usap dahil Ingles ang ginagamit nilang wika sa pagkukuwentuhan.

READ
The look, the jab, and the ugly

Subalit may ilang kahinaan din ang nobela kagaya ng kawalang kabatiran ni Chit sa plano ni Bobby na ipalaglag ang kanyang panganay na anak. Makalipas lamang ng 20 taon na pagsasama nila ay saka lamang naisipan ni Chit na kilalanin ang kanyang asawa at alamin ang katotohanan sa sinapit ng kanyang anak.

Mahaba rin ang ilang parte ng kuwento tulad ng pagsasalaysay sa kabataan nina Bobby at Chit na iisa lamang ang detalyeng nais palabasin. Subalit ano mang haba ng naratibo ay nasasagip naman ng mga pagtatapos ng bawat kabanata kung saan iniiwan ni Balde ang mambabasang “nabitin” sa pagbabasa hanggang sa ituloy ulit ng huli na unawain ang naudlot na salaysay sa mga susunod na kabanata.

Mahihinuha sa nobela na kahit sa kasalukuyang panahon, nananatili pa rin ang kaguluhan ng gubat sa lungsod. Nagbago man ang paligid ay nananatili pa rin ang mga ”mababangis na hayop” na may kapangyarihang manamantala ng iba at hindi alintana ang kapalit na pahamak na dala nito sa kanilang pamilya. Joseinne Jowin L. Ignacio

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.