TULAD ng dati, dumungaw siya sa bintana ng selda upang muling silipin ang papalubog na araw nitong hapon. Pumupusyaw na rin ang aking pag-asang makakalaya pa ako at makakapiling si Selya habambuhay, bulong niya sa hangin. Muli, namumugto na ang kanyang mga mata ng mga luhang ulit-ulit nang pumahid sa pisnging natuyot sa paghihintay ng sariwang halik ng kanyang minamahal. At saka siya nagdamdam kung bakit tila mas pinahalagahan ng kanyang Musa ng Pandacan ang pilak ni Mariano Capule kaysa tapat na pag-ibig na alay nitong makatang Bulaceño, gayong bunga lamang ito ng pag-iimbot ng mayamang don na maangkin ang hindi nararapat sa kanya. Hanggang sa napagtanto niya na nakasasawa nang paalingawngawin lamang sa loob ng apat na sulok ng selda ang kanyang mga pighati at ipinangako sa sarili na kanyang isasatitik ang pait ng kanyang karanasan upang gawing simbolo ng kawalang katuwiran dito sa mundong ibabaw.
Kinabukasan ay muli na naman siyang dumungaw sa bintana upang masdan ang abot-tanaw ng isa na namang mailap-sa-layang umaga. At sumagi na sa kanyang isipan ang mga linya sa tulang sinimulan niyang habiin sa pagkagat ng dilim. “Sa loob at labas ng bayan kong sawi / kaliluha’y siyang nangyayaring hari…” Ruben Jeffrey A. Asuncion