Dibuho ni Carlo Patricio P. FrancoSABADO, ika-27 ng Setyembre; 6:15 pm

Kauuwi ko lang sa bahay nang masilayan ko ang isang matandang babaeng nakasuot ng magkapares na kulay-kalawang na palda’t blusa na nakatayo sa labas ng pintuan namin. Kausap siya ni Auntie Em. Kumuha na pala siya ng bagong makakatulong. Kung sabagay, hindi na rin talaga kaya ng busy naming schedule ang maglaan pa ng panahon para sa mga gawaing bahay. Pinakinggan ko na lamang ang naabutan ko sa kanilang usapan.

“Simpling,” pakilala ng bagong labandera’t plantsadora.

“Ganito, Aling Simpling. Tuwing weekends ka lang pupunta dito. Maglalaba ka sa Sabado at magpaplantsa ka naman ‘pag Linggo,” paliwanag ni auntie.

“Sige lang, ‘day.”

“Basta’t one-three lang ang suweldo mo sa isang buwan, ha. Malaki na nga ‘yun kung tutuusin. Mga uniporme lang naman ang paplantsahin mo.”

“Oo, ‘day,” sagot muli ni Aling Simpling.

Tinignan ko siyang maigi: ang balat niyang sinunog ng sikat ng araw, ang buhok niyang nakatali na korteng pandesal, at ang malaki niyang suot na salaming kitang-kita sa kulubot niyang mukha. Ibang-iba ang itsura niya sa mga nagdaan naming katulong sa bahay. Naalala ko tuloy bigla si Nanay Norma at si Ate Diding.

Matanda, maliit, maitim, at kulot ang buhok ngunit hindi pa namumuti ang buhok ni Nanay Norma. Siya yung kasambahay namin na nagtagal lang ng isang linggo sa amin. Si mommy pa ang nagbayad ng pamasahe niya sa barko mula sa Visayas papunta rito sa Quezon City. Araw-araw tumatawag ang anak niya para sabihing naglasing o ‘di kaya’y hindi na naman umuwi ang kanilang tatay. Mamatay-matay naman sa pag-aalala ang nanay! Matapos nang pinakahuling tawag ng anak niya, kinabukasan ay nag-impake na kaagad itong si Nanay Norma. Palibhasa’y ganito ang sinabi ng kanyang matalinong anak: “hindi na ako papasok sa eskuwela ‘pag hindi ka pa bumalik dito.”

Sayang! Naipang-shopping spree pa sana namin ang limang libong ginastos para sa walang kabuluhang isang linggo ni Nanay Norma rito.

Pagkatapos naman ng dalawang buwan, dumating si Ate Ding. Maliit din siya, mahaba ang buhok at medyo may itsura. Kung tutuusin, puwede nga siyang mag-audition bilang dancer sa isang noontime show! Bagong sabak siya sa Maynila’t unang subok din niya bilang isang kasambahay. Ka-edad lang niya ang ate kong tatlong taon ang tanda sa akin. Dumating siya ritong aanga-anga.

Ang pinakaunang niyang ulam na niluto: adobong may sabaw na mantika’t hindi pantay ang pagkakahiwa ng laman sa taba. Kumpara kay Nanay Norma na tila laging wala sa sarili tuwing nagtatrabaho, higit namang mas matino itong si Ate Diding kaya’t akala ni mommy, pupuwede na iwan na kaming tatlong magkakapatid sa kanyang pangangalaga dahil gamay na raw niya ang mga gawaing bahay na itinuro niya sa kanya. ‘Di nagtagal, naging masyado nang kumportable itong si Ate Ding. Napasin namin ang madalas niyang paglabas ng bahay para makipagtsismisan sa mga kapwa niya kasambahay. Nalaman na lang din namin isang araw na may karelasyon na pala siyang security guard na nakilala niya sa “pagsasamba” niya. Una’t huling beses na pinagalitan siya ng aking ate, ayun, maglalayas na raw siya. Hindi na namin siya pinigilan.

READ
Celebrating life, hope and love

Magmula nang umalis si Ate Ding, napagkasunduan naming tatlong magkakapatid at ni Auntie Em na maghati-hati na lang sa mga gawaing bahay at hindi na muling kukuha ng bagong katulong. Iyon ay noong nandito pa ang kapatid naming kaka-graduate lang at hindi pa nakakahanap ng trabaho kaya nasa bahay lang.

Kasabay ng pag-alis ni ate, naging busy naman ang schedule naming tatlo. Si Meg, graduating ng high school kaya maraming ginagawa’t tinatapos. Ako naman, busy talaga sa buhay-kolehiyo tapos sumali-sali pa ako sa isang org. Kahit si Auntie Em, marami ring kailangang gawin sa kanyang trabaho. Kaya ngayon, mayroon na kaming opisyal na walk-in labandera’t plantsadora. Nasa bahay si Aling Simpling tuwing Sabado’t Linggo.

Linggo, ika-5 ng Oktubre; 8:00 am

Noong sumunod na linggo’y nag-out of town si Auntie Em kaya’t kaming dalawa lang ng kapatid ko ang naiwan sa bahay. Linggo na naman at darating si Aling Simpling. Kahapon ay nakapaglaba na siya, ngunit dahil may ilang mga damit pa akong kagabi lang naiuwi ay maglalaba ulit siya ngayon. Ang usapan nila kahapon ng kapatid ko ay ala-una siya pupunta.

“Tao po! Tao po! ‘Day!” sigaw ng isang babaeng boses matanda, habang kinakatok ang pintuan namin gamit ang isang matigas na pamukpok nang magising ako sa aking pagtulog. Sigurado ako, iyon yung payong na dala niya noong nakaraang linggo.

Alas-otso palang ng umaga pagtingin ko sa alarm clock. Alas-diyes pa dapat ako babangon, ‘e! Ba’t nandito na siya? Ang aga-aga, ang ingay-ingay! Ngayon na nga lang ako makakatulog ng mahaba!

“Meg, pagbuksan mo nga siya ng pinto. Bantayan mo, ha,” utos ko sa kapatid kong nakahiga rin pero mukhang kanina pa naman gising, habang sinisipa ko siya. Hindi ako puwedeng istorbohin ni Aling Simpling.

12:08 pm

Dali-dali akong nag-ayos ng aking sarili. Naalala ko, hindi nga pala kasama sa trabaho ni Aling Simpling ang pagluluto ng pagkain para sa amin. Ok, so ako ang magluluto! Sumilip ako sa baba. Si Meg lang ang nandoon, nagko-computer.

“Nas’an na siya?”

“Sa labas, nagsasampay,” sagot ng kapatid kong hindi man lang inalis ang tingin sa screen ng computer.

“Ah, akala ko umuwi na. Konti lang naman yung mga pinalaba ko ah, nagsasampay pa rin hanggang ngayon?”

“Oo. Tignan mo pa sa labas,” tugon ulit ni Meg. Bumulong siya bigla, saka sinabi, “Ate Nelle, nakalimutan kong sabihin sa’yo, nagsasalita mag-isa ‘yang si manang labandera.”

Natawa tuloy ako! Naku, mukhang magkakaproblema na naman tayo rito sa nakuha ni Auntie Em ah! Naalala ko ngang iyan lang naman ang reklamo ng nagrefer sa kanya sa amin. Madalas daw siyang nagsasalita pero kapag tinatanong naman kung bakit siya nagsasalita, nakakalimutan niyang nagbigkas na pala siya ng mga salita.

Dala-dala ang kawali, lumabas ako para hugasan ito at tignan na rin kung ano nang progreso sa trabaho ni Aling Simpling.

READ
Thomasian rules 'Olympics'

“Nag-agahan po ba kayo? Maya-maya lang, kakain na tayo ng lunch. Magluluto lang po muna ako,” sabi ko sa kanya, habang siya nama’y patuloy sa pagsasampay ng mga damit.

Ba’t kasi dito pa kakain ‘tong si manang labandera! Halos ka-suweldo na niya si Ate Ding, ‘e, hindi naman siya “full-time” na katulong sa bahay, tapos pati pagkain libre pa!

“Ay, marunong kang magluto?” pagulat na tanong niya sa akin.

“Opo!” pagpapanggap ko namang sagot sa kanya. Tuna spaghetti lang naman ang lulutuin ko, kahit grade five kayang gawin ‘yon!

Matapos mag-gisa, magpakulo at maghalo ng mga sangkap, inihanda ko na ang mesa para sa sabay-sabay naming pagkain nina Meg at Aling Simpling.

Sampung minuto na kaming kumakain pero wala pa ring nagsasalita sa hapag-kainan. Hindi ko lang pinapahalata pero pinagmamasdan kong maigi si Aling Simpling habang kumakain. Ang siba! Matapos niyang kumain, umalis na lamang ng mesa si Meg at bumalik kaagad sa harap ng computer. Bad trip, Meg, ba’t mo ‘ko iniwan mag-isa kasama niya? Biglang-bigla ay nagtanong si Aling Simpling.

“Kain ka pa, ‘day? Ubusin ko na ‘to!” habang hawak niya na ang pinggan ng natitirang pasta.

“Sige lang, sa inyo na po.” May magagawa pa ba ako, ‘e, nasa plato mo na?

“Buti marunong kang magluto, ‘day! ‘Di ako marunong mag-spaghetti. Puwede pala yung tuna ihalo ‘no? Yung iba kasi giniling, tapos lalagyan nila ng hotdog,” tugon niya gamit ang pautal niyang Bisayang punto.

“Ah, opo. Kanya-kanyang style lang yan sa pagluluto. Basta ako, dinadamihan ko lang ng pampalasa,” pagmamagaling ko namang tugon sa kanya.

“Sino ba yung nasa high school, ikaw?”

“Hindi po, college na ako,” natatawang sagot ko sa kanya kasabay ng pagtingin ko sa kapatid kong nagpalobo ng pisngi sa pagpipigil ng tawa.

“Ah, panganay ka ‘day?”

Naiirita na ako sa paulit-ulit niyang pagtawag sa akin ng “’day” ah!

“Hindi po. Yung ate namin kaalis lang last month. Sumunod na kina mommy’t daddy sa States,” paliwanag ko.

“Ay, gan’un, ‘day? Ano man, malungkot ano?”

Tinitigan ko na lamang siya. Tumayo na ako at nagsimulang magligpit ng mga pinagkainan.

3:25 pm

Nagpaplantsa palang si Aling Simpling. Nagpaalam naman si Meg na pupunta lang sandali sa mall para bilhin yung travel bag na nakita namin noong isang linggo para sa excursion nila. Ako naman ang nag-type sa computer. Pagkatapos ko ng isang pahina, nilingon ko si Aling Simpling: nakasalampak sa kabayo, natutulog.

5:10 pm

Nakauwi na si Meg dala ang bago niyang bag. Natapos ko na rin ang reaction paper ko. Si Aling Simpling, nagpaplantsa pa rin.

Ang bagal-bagal niyang magtrabaho. Lahat ng pambahay pinaplantsa. Pati ba naman medyas?!

“Yung mga uniporme nalang po ang plantsahin niyo, ‘wag na yung mga pambahay at yung ibang hindi naman dapat plantsahin,” paalala ko sa kanya. Teka, panyo ko ba ‘yun, ba’t parang nag-fade?

READ
CBCP backs proposed Catholic youth website

“Sige ‘day, titiklupin ko na lang ito…”

6:03 pm

“Tapos na ako, ‘day! Kunin ko na’ng aking suweldo.”

“Ah, oo nga. Bale, 100 nalang po ang makukuha niyo ngayon, kasi po ‘di ba kumuha na kayo ng 400 noong nakaraang linggo. Tapos kahapon 150 naman po. ‘E, two weeks palang po kayo dito, may two weeks pa kayong natitira. So, kalahati ng one-three ay 650,” paliwanag ko sa kanya habang pinakikita ko ang notebook kung saan nakalista ang bawat pagpunta niya rito.

“Oo nga, kaya lang makiusap sana ako na mag-advance ng 200, ‘day, kasi yung mga bata kawawa naman, naglalakad lang sa eskuwela, sabi ko maghintay lang sila,” pagsusumamo niya.

“‘E, ‘pag nag-advance kayo, wala na kayong makukuha sa last day niyo,” sabi ko. Kasalan ko bang wala kang pera? Naku, Aling Simpling, naka-budget ang suweldo mo! Kasabay nito ang pag-senyas sa akin ni Meg: No, Ate Nelle.

“Kaya nga, ‘day, makiusap ako na 300 ba ang makuha kasi bibili pa ako ng gamot, at saka yung mga bata, kawawa man, ‘day!”

“Sige po, basta pirmahan niyo ‘to. Eight-fifty na po yung nakukuha niyo. Basta, sa susunod, wala na kayong makukuha kasi advance kayo ng advance,” pagpapaliwanag ko sa kanya, sabay abot ng tatlong daan. Ano ba yan, na-uto pa yata ako.

“Salamat ‘day ha! Ay, pahingi naman ng spaghetti. Magbaon ako, tapos iinom ako ng Sarsi.”

Sige na nga, para umalis na siya, pinagbaunan ko na siya ng request niyang spaghetti. Nasarapan siguro sa luto ko.

“O, ayan, sa inyo na rin po yung plastic na lalagyan. Hindi niyo na po kailangan ibalik,” nakangiting inabot ko sa kanya ang baon niya. Mahirap na, baka may sakit siya, mahawa pa kami.

“‘Day, pahiram din ng payong. Last week umulan ng malakas nung naglalakad pa ako doon…”

“O, sige na, sige na po dalhin niyo na rin yung payong. Ibalik niyo nalang next week,” at hindi ko na siya pinagsalita pa. Baka kung ano na naman ang hingin. Ngayon ko lang napansin, suot pala niya ulit ang kulay-kalawang niyang palda.

“Uli na ‘ko, ‘day!” saka siya lumabas ng pinto.

“Sige po,” paalam ko. ‘Wag ka na rin bumalik.

Lumingon ulit siya sabay sabi, “Uli na ako, Inday!”

INDAY? At bakit niya ako tinatawag na Inday, ‘e siya naman itong tunay na Inday? Naku, naiirita na ‘ko sa kanya lalo!

8:00 pm

Naghahanda si Meg ng mga dadalhin niya sa excursion nila kinabukasan nang bigla siyang lumapit sa akin, dala-dala ang damit niyang binili namin noong isang linggo.

“Ate Nelle, tignan mo nga ‘tong bagong shirt ko, parang nag-iba ng kulay. Black ‘to nung binili natin, ‘di ba?”

“Wait, oo nga, black yan?kagabi. Brown na ngayon!”

“Amuyin mo nga, parang kakaiba yung amoy. Nagpalit ba tayo ng sabon?”

“Ano ka ba, amoy Zonrox!”

“Err! Black, i-bi-bleach?!”

Tinignan namin ang iba pang mga colored na damit.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.