TULOY-tuloy ang aking paghukay sa gitna ng gubat na tanging ang bilog na buwan lang ang nagbibigay tanglaw sa paligid.

Kasabay ng paglamig ng hatinggabi lalong lumalalim ang hukay at bumibilis ang tibok ng aking puso. Sabik na sabik akong maihulog sa malalalim na hukay ang bihag, mistula akong baliw na nais siyang mabura sa balat ng lupa hanggang sa mawala ang mga tulad niya.

Napasubsob ako dulot ng pagod na tila punong binuwal ng malakas na hangin. Tumama ang mukha ko sa matatalas na bato. Naramdaman ko ang kirot ng sugat sa pisngi. Gumapang ako papalapit sa malaking puno at hindi inalintana ang tatamuing galos sa katawan.

Narating ko ang malaking punong nakaharap sa isa pang punong pinaggapusan sa bihag na may mga ilang dipang layo sa akin.

Napahandusay ako sa puno dulot ng panginginig ng katawan. Pilit kong inaninag ang bihag sa dilim. Dahan-dahang lumabas ang liwanag ng buwan at mabagal na suminag sa kanya.

Matinding paghihirap ang dinanas nito dahil sa mga nakita kong sariwang sugat niya sa braso at binti. Tila gumapang siya sa mabatong landas na nagdulot sa kanya ng mga malalalim na sugat. Tila lantang gulay na nakahandusay siya sa gitna ng madilim na kagubatan.

Lumapit ako sa bihag sa kabila ng matinding pagkirot ng katawan. Bumilis ang tibok ng aking puso. Nagngangalit ang ngipin ko.

“Wala kang silbing tao. Dapat lang sa’yo ang hukay na ‘yan!” sigaw ko sa kanya.

Hindi ko mawari kung bakit ganoon na lang ang galit ko sa kanya. Bagaman hindi ko siya kilala, naroon ang pagkamuhi ko sa mga bihag na katulad niya.

READ
Tagapagligtas

Mabilis kong ipinagtatapon sa hukay ang mga inipong tuyong kahoy at dinampot ang isang baldeng gasoline, at ibinuhos. Hinagisan ko ng posporo. Nagliyab ang hukay.

Unti-unting kinain ng apoy ang lamig ng hating gabi. Kumakaway ang liyab kasabay ng paghampas ng hangin. Uminit ang paligid. Nagliyab ang mga halamang nahahagip ng paghampas ng apoy mula sa hukay.

Dahan-dahang humarap sa akin ang bihag. Napaatras ako nang makita ang kanyang mukha. May mga sugat siya sa mukha, tila nasubsob siya nang matindi. Nabigla ako.

“Bakit kita kamukha? Sino ka?” magkasunod na tanong ko. Hindi niya ako sinagot. Sa halip tumayo siya at naglakad papalapit sa akin. Ang kanyang mga mata ay tila unti-unting nauubusan ng buhay at sumusunod na lamang sa bawat hakbang ng kanyang paa.

“Paano ka nakawala? Nakagapos ka!” sigaw ko.

Patuloy pa rin ang paglapit niya sa akin kaya natakot ako sa kanya.

“Ano ang gagawin mo?” nanginginig kong tanong.

Bigla ko na lang naramdaman ang katapusan ko.

Subalit bigla na lamang niya akong nilampasan at nagpatuloy sa paglalakad patungo sa nagliliyab na hukay. Tila wala siyang naririnig at ang pagliliyab lamang ang nakikita.

“Bakit ka pupunta riyan? Huwag kang magpapatihulog sa hukay!”pakiusap ko sa kanya.

“Hindi ako ikaw! Hindi ako magpapatihuog sa hukay na ako ang gumawa!” sigaw ko sa bihag.

Sa lalong paglapit ng bihag sa hukay, lalo akong nakadama ng takot.

Kahit ano ang pilit ko sa kanya, nagpatihulog pa rin siya sa nagliliyab na hukay.

Naramdaman ko ang init. Sinakop nito ang buo kong pagkatao at kalamnan. Tila kasabay ng pagliyab ng bihag na iyon ang pagliyab ng katawan ko. Nilamon ng apoy ang buong paligid.

READ
The cave of cures

Umaga na. Tumayo ako mula sa kama at tumungo sa banyo upang maghilamos. Napatingin sa salamin, nakita ko ang lahat, ang pagliyab ng apoy at pagtupok nito sa bihag na kinamumuhian ko, sa aking mga mata.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.