Di kita mailabas.
’Sing bigat ka ng pinaghalu-halong banana cake,
pulboron, beef steak, ubeng mamon,
kwek-kwek, pansit kanton, avocado shake,
at Lydia’s Lechon –— namumuo, pumupuno,
nagkakagulo sa t’yan. Ngunit pilit kong iniipit,
pinipigil, tinitiis hanggang sa tuluyang mamilipit sa sakit
at kahit anong pangungulit,
ayaw pa ring lumabas, dumulas, lumagaslas,
sa kabila ng panlalamig, paninigas, panginginig,
at pagmamanhid ng aking mga paa’t
binting nakabaon na sa sahig.
O pag-ibig, lumaya ka na’t lumitaw,
ilabas ang iyong alingasaw,
paglagpak mo sa tubig ay ialingawngaw
ang iyong pighati’t palahaw
hanggang unti-unti kang matunaw.
Pumailalim ka sa hangganang
di na matatanaw, papalayo sa’kin
at sa kubetang kinukuluban
ng lumot at lungkot.