ISINARA ko ang pinto sa aking silid. Tanging ang ilaw ng bilog na buwan na lamang ang naiwang nagbibigay-liwanag. Hinanap ko ang daan papunta sa aking kama at ibinagsak ko roon ang mga dala-dala kong libro. Pagkatapos ay binuksan ko ang mga bintana.

Hinugot ko ang isang kapirasong papel mula sa aking bulsa. Inalis ko ang pagkakatupi nito at iniharap sa kaunting liwanag na nanggagaling sa buwan.

Please advice your parents to meet with the principal regarding your failures.

Ibinagsak ko ang aking mukha sa aking mga kamay. Paano na kaya ito? Paano ko ito sasabihin sa mga magulang kong lubos na naniniwalang magaling ako sa klase?

Tatayo na sana ako nang mahagilap ko ang isang kaha ng sigarilyong kasama sa mga inilapag kong libro. Kinuha ko ito at agad na ibinulsa. Mahirap nang mahuli pa ako ng aking mga kasambahay.

Tumungo ako sa banyo upang hugasan ang aking mga kamay na puno pa rin ng pulbos at chalk. Nagkayayaan ang barkada kanina na maglaro ng billiards. Hindi na namin namalayan ang oras kaya nahuli na naman kami sa klase. Pagkatapos kaming sermunan ng aming guro, iniabot niya ang sulat sa akin.

“Hindi pa huli ang lahat,” pabulong niyang wika

Habang hinuhugasan ko ang aking mga kamay, bigla akong nakalanghap ng kakaibang amoy. Amoy nabubulok na basura. Ipinahid ko ang aking mga basang kamay sa aking damit at lumabas ako sa banyo. Sinalubong ako ng mainit na ihip ng hangin. Itinuon ko ang aking paningin sa bintana at nakita ko itong nakasara.

READ
Pagtuklas sa mga lihim ng Kabikulan

Tumayo ang mga balahibo sa aking katawan. Kinapa ko ang switch. Hindi ito umilaw nang pinindot ko. Patakbo akong pumunta sa pintuan subalit ayaw nitong bumukas. Sinubukan kong sumigaw subalit walang lumabas na salita mula sa aking bibig. Sinipa ko ang pinto subalit kahit kaluskos ay wala akong marinig.

Unti-unting nagliwanag ang buong silid.

“Shhhhhh…” Hinanap ko ang pinanggalingan ng tinig. At hindi ako makapaniwala nang makita ko ang isang tao na nakaupo sa aking kama. Ipinikit ko ang aking mga mata sa pag-aakalang namamalikmata lamang ako. Subalit sa aking pagdilat ay nakita ko ang isang matandang nakatitig.

“Sino ka at paano ka nakapasok dito?” tanong ko sa kanya.

Tinitigan ko siyang mabuti. Matanda at kulubot na ang balat niya. Marumi at tagpi-tagpi ang suot, mahaba ang namumuting buhok, dalawa’t kalahati na lamang ang natitira nitong ngipin at marungis ang mukha at iba pang bahagi ng kanyang katawan. Hawak niya ang isang maruming lata ng sardinas sa kanyang kanang kamay.

“Ikaw ang nagpapasok sa akin dito,” sagot niya.

Nanlaki ang aking mga mata at bigla akong napatigil. Lalo akong nangilabot. Hindi ako makapaniwala sa aking narinig. Pamilyar sa akin ang kanyang magaspang na boses. Ang paghawak niya sa kanyang tenga kapag nagsasalita ay katulad ng madalas kong gawin kapag ako ay may kinakausap. At higit sa lahat, pareho kaming may pilat sa leeg. Nakuha ko ‘yung sa akin noong minsang mapaaway ako.

“Sino ka ba talaga?” nanginginig ang aking boses sa muli kong pagtatanong sa kanya. Tiningnan niya ako nang mabuti.

READ
Pharmacy goes back to old formula

“Ikaw ang dahilan kung bakit ako naghihirap ngayon at nabubuhay na lamang sa awa ng iba.”

Ano’ng ginawa ko? Tanong ko sana sa kanya subalit hindi ko magawang buksan ang aking bibig dahil sa lubos na pagkamangha sa aking nasasaksihan.

“Kung hindi ka naging pabaya, hindi sana ako nakatira sa lansangan ngayon. Nalulong ka sa iba’t ibang bisyo at ako ang naging kaparusahan sa lahat ng kamalian mo.”

Tumayo ang matanda. Halatang hirap at nanghihina. Inilipag niya ang dalang lata sa kama at bigla niyang itinaas at itinuro sa akin ang hawak niyang kahoy.

“Kasalanan mo ito. Kung hindi dahil sa’yo, hindi sana ako nakikipagsapalaran sa kalsada. Sinira mo ang buhay ko,” bigla niyang sigaw.

Nakabibingi ang kakaibang lakas ng kanyang boses. Tinakpan ko ang aking dalawang tenga ng aking mga kamay. Subalit umaalingawngaw pa rin ang mga binitiwang salita ng matanda. Ipinikit ko ang aking mga mata sa pagnanais na magtago sa masakit na katotohanang nasa aking harapan. Subalit, patuloy kong naririnig ang nasabing mga salita. Tumatagos ang mga ito sa aking puso at damdamin.

Nabuo sa aking isipan ang isang tagpo. Nakita ko ang aking sarili kasama ang aking mga kaibigan na naglalasing at nagpapakasaya. Sa isang higlap, naglaho ang imaheng iyon. Napalitan ito ng isang tagpo kung saan nakahandusay sa gilid ng kalsada ang matandang nasa harapan ko’t nagsisigaw. Nanginginig siya sa lamig habang sinisipa ng pulis at dinidilaan ng isang aso.

Sa pagkakataong ito ay batid kong hindi na ako namamalikmata. Ako ang nakahandusay na taong iyon.

READ
Alumni priests reunite in Year of Faith

“Aayusin ko na ang buhay ko, pangako,” namalayan ko na lamang ang aking sariling sumisigaw.

Dali-dali akong tumakbo pabalik ng banyo upang maghilamos. Nakagigising ang pagdampi ng malamig na tubig sa aking mukha. Nang pinagmasdan ko ang aking sarili sa salamin, nabuo roon ang imahen ng matanda. Unti-unti itong naglaho. Subalit bago siya tuluyang nawala, nakita kong napalitan ng ngiti ang talim ng kanyang mukha.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.