Magpapaanod tayo ng bangkang papel isang umaga
habang nagtatampisaw sa baha.
Pinagkaayus-ayos natin ang bawat pagtupi
upang maging matatag sa bantang panganib ng malakas na hangin.
Pula ang papel mo at asul naman sa akin.
Nais ko ang kulay ng sa iyo subalit nauna ka nang pumili.
Naisip kong maganda rin naman ang asul,
tulad ng kulay ng kalangitan at malinis na daluyan sa batis.
Nagpapaanod tayo ng bangkang papel isang umaga
ngunit may trahedyang dumating.
Nabangga ang mga bangka sa batu-batong estero,
nasira ang mga pinaghirapan natin.
Nalungkot tayo sa nangyari nang humupa ang baha.
Hinintay na lamang ang muling pagbuhos ng ulan.
Muli, nagpaanod tayo ng bangkang papel,
asul sa iyo at asul na rin ang akin.
Nagpaanod tayo ng bangkang papel isang umaga
ngunit may trahedyang dumating.
Hinintay na lamang ang muling pagbuhos ng ulan.
Magpapaanod pa ba tayong muli?