Habang patungo sa kinahantungan, nadurog itong puso
sa pagitan ng pagtanggap at hindi sa katotohanan. Sa kalooban
may nagsasabing hindi ikaw iyan, ang katawan,
kahit madaragdagan ang oras ng walang-patlang na paghahanapan
sa mga katalogo ng mga walang-ngalang binawian.
Ang pinto’y nagsara, nagbabadya
ng katapusan, at nang masilayan iyang maputing balat
na tila kinula ng ilog na pinagtapunan, lumayo ako
at muntik mabuwal. Sino itong pinanawan na ng hubog
at panamdam, pagtatanong ko.
Hubad sa lahat ng pagkakakilanlan
na tila napakadali nang magtatwa,
nagmamakaawa ang katawan
upang makilala’t lumaya. Kinilala ko ito,
kapara ng sa nahihimbing na supling,
at nagbalik sa alaala ang lahat: ang puting polo
at ang di mapagkakamaliang guhit sa bulsa, ang maga
at habambuhay nang nakapinid na mga mata. At ang sapatos.
Ang sapatos na ating binili, sa isang tindahan,
may tatak na Doc Martens sa bawat suwelas
na iyong gustong-gusto. Nadama ko
ang mga taon na mabilis lumipas, sa sandaling iyon na tayo’y
hangang-hanga sa balat at tahi, na nagpapanatili sa ating dalawa:
ama at anak, sa pagkakataong ito’y pinag-isa.
Nasilaw ako sa iyong kaputian
at gumuho ang lahat sa pagluluksa. Makalalayo ka kaya
na kasama ang mga alaala ng paglisan, sa bandang iyon
na di ka na makatatawid, habang inaabot na pilit—
kaming dito’y naiwan—di makapagsalita
at walang panyapak, nanginginig sa bawat unday ng kalungkutan?