TERORISMO. Pagbulusok ng pandaigdigang pamilihan. Paglala ng usaping panseguridad. Ilan lamang ang mga ito sa napakaraming suliranin ng mundo. Pulos pagbagsak, pagkatalo, at panlulumo.
Ilang beses lamang ba sa isang taon nagkakakaroon ng magandang balita sa mundo? At kung mayroon man, ilang buwan o linggo lamang ito nagtatagal, tapos masamang balita na naman ang susunod–tila isang siklong walang makatitibag, sistemang pumapasok sa pagkatao ng tao.
Puno man ng pangarap at pagnanais na magtagumpay, sa naglipanang hadlang sa daigdig, pagkabigo pa rin ang hantungan ng buhay ng isang indibidwal. Pagkatalo ang katumbas ng pagsisikap. Kung kaya’t hindi nakapagtatakang nagkalat ang mga pesimista sa daigdig. Magkakatulad ang pananaw ng mga negatibo sa mundo–nabubuhay ang tao ng walang ibang patutunguhan kung hindi ang pagbulusok sa kadiliman.
Maihahalintulad sa isang kagubatan ang mabuhay dito sa daigdig–kung saan nagpapaligsahan upang mabuhay ang mga hayop. Nangingibabaw ang mga higit na matapang, malakas, at mabangis. Samantalang ang mga mahihina at maliliit ang siyang napupuksa at natitiris nang pinong-pino.
Minsan kong nabasa sa isang artikulo ang pagnanais ng may-akda na magkaroon ng iba pang planetang maaari matirhan. Ayaw na raw niyang manatili sa mundo.
Magulo ang daigdig. Sa isang iglap, maaaring mawalan ng kaganapan at mauwi sa wala ang lahat ng mga pangarap at pagsisikap ng tao. Wala raw binhi ng pag-asa ang maaaring umusbong sa mundo sapakat tigang ang lupa nito.
Ang mabuhay daw sa daigdig ay walang pinag-iba kung nakasakay ka sa isang maliit na bangka na lulutang-lutang sa gitna ng maalong dagat kung saan naglipana ang mga pating at buwaya na hayok sa laman at handang lunukin nang buo ang sinumang magkasya sa lalamunan ng mga ito. At kung hindi marunong manimbang ang mga sakay nito, tataob ang bangka at tuluyang lulubog ang sasakyan hanggang sa kaila-ilaliman ng dagat. Walang liwanag na maaaring tumagos. Walang hangin na pupuwedeng malanghap. Ang tanging mararamdaman lamang ng nilalang ay ang mga pangil na dahan-dahang ninanamnam ang kanyang pagal na katawan.
Marahil ang ilan sa mga tinuran ng may-akda ay may bahid katototohanan. Totoo nga yatang puno ng kasalimuotan ang daigdig–para sa mga kapwa niya, mga talunan.
At sa aking pagninilay, ilang katanungan ang iniluwa ng aking isip. Bakit ganoon kung husgahan ng manunulat ang daigdig?
Nang nilikha ng Diyos ang mundo, pinaghaharian ito ng kapayapaan at kasaganahan, lulan ang iba pang likha nitong humihinga, kabilang ang tao. Natatanging kapangyarihang pamahalaan ang mundo ang ipinagkaloob Niya sa lahi nina Adan at Eba. Ngunit sa pagusbong at pagunlad ng lahi, iba’t ibang binhi ng nilalang ang nabuhay. Nagkaroon ng pagkakaiba at kanya-kanyang pagkakakilanlan–may malakas at mahina, tanyag at laos, kriminal at biktima, mataas at mababa.
Bakit nananaig magpasahanggang ngayon ang sistemang ito? Isa lamang ang sagot, sapagkat ito’y hinahayaan.
Silang mga itinatakwil ng mapanghusgang lipunan ay tinaguriang mga talunan–mga taong ipinapataw sa mundo ang sanlaksang hinanakit sa buhay, silang mailap sa liwanag ng kinabukasan, at walang makitang puwang sa kandungan ng lipunan.
Kung tutuusin, hindi itinatakda ang pagiging talunan, sa halip, ito’y pinipili. Sa ilalim ng kapangyarihan ng isang nilalang, kaya niyang tumanggi o ‘di kaya’y lumaban, makipagtunggali at makipagsabayan sa mga kapwa niya hayop sa masukal na gubat.
Ang buhay ay pakikipagtunggali hindi ng mga pisikal na katawan, ito ay labanan ng lakas at tatag ng pagkatao.
Kung nanaisin, hindi imposibleng tumindig at humarap sa isang mahigpit at mapanglamang na kalaban. Walang mataas o mababang hangarin sa taong may paniniwala sa kapangyarihan ng matapat na pagpupunyagi’t pagsisikap. Hindi kailangang mangapak o manglamang ng kapwa upang masabing tagumpay ang isang indibidwal.
Duwag ang taong pinaghaharian ng kariingan at reklamo. Matamang pagsagot sa mga hamon ang higit na dapat isaalang-alang. Paano mararating ng isang manlalakbay ang hanggganan ng daan kung umuurong na ito sa kalagitnaan ng landas dahil lamang sa natalisod at nasugatan?
Magmimistulang marahas lamang ang daigdig sa mga taong mahina at duwag–mga taong madaling panghinaan ng kalooban sa kaunting hampas ng pagal na alon at ilang hagupit ng unos. Sapagkat walang puwang sa mundo ang mga taong mahina ang tuhod. Sa katunayan, ang mga ito’y hindi nararapat sa nabanggit na pantawag.