MABABAKAS ang pagbabago ng panahon sa uri ng damit na isinusuot ng mga tao. Tulad ng ibang mga kagamitan, dumadaan din sa mga pagbabago ang mga kasuotan upang hindi mawala sa uso at maging status symbol.

Isang halimbawa ang baro’t saya.

Upang lalong maipakita ang pagbabagong dinaanan nito, isang eksibisyong nagtatanghal sa iba’t ibang uri ng mga baro’t saya ang isinagawa sa Museo De La Salle, sa Dasmariñas, Cavite. Itinatampok sa Baro’t Saya Collection ang iba’t ibang uri ng baro’t saya na sinuot noong ika-19 na siglo hanggang noong dekada 60.

Ayon kay G.Joffrey Baylon, documentation officer ng Museo, nagsimula ang Baro’t Saya Collection noong Enero, 2002. Unang ipinapakita ng koleksyon ang iba’t ibang mga kamisa at panyuwelong nagmula pa noong ika-19 na siglo, na yari sa pinya at sinamay. Mga burdang hugis-bulaklak ang karaniwang disenyo ng mga ito. Seda naman ang karaniwang materyal ng mga saya na may iba’t ibang mga kulay: abo, magkasalit-salit na pula at puti; cream; berde; rosas at lila.

Ipinapakita sa pangalawang bahagi ng eksibisyon ang mga ternong gawa nila Ramon Valera at Jose “Pitoy” Moreno; yari ang mga ito sa velvet at krespon o crepe. Kasama sa mga itinanghal ang ternong ipinagawa para kay dating Unang Ginang Luz Banzon-Magsaysay.

Sa itaas ng mga baro’t saya, mayroong nakasabit na 10 mga larawan ng mga babaeng nakasuot ng mga ito. Isang halimbawa si Luz Sarmiento-Panlilio na naging Miss Bacolor ng Pampanga Carnival noong 1933.

Sa isang artikulo ng Inq7 na hiniram ng asianjournal.com, ipinahayag ni Dr. Mina Roces na nagmula ang terno sa baro’t saya ng ika-16 na siglo. Dinagdagan ng mga Kastila ang panyuwelo, na naging tanda ng pagiging disente sa mga kababaihan. Ipinakilala rin nila ang tinatawag na “Maria Clara”. Noong panahon ng mga Amerikano, lumabas ang “butterfly sleeves” na siyang nakikita sa mga terno ngayon. Sa mga makabagong bersyon ng terno, ginagawang isahan (one-piece) na ang pagsuot nito at tinatanggal ang panyuwelo.

READ
Retirees honored

Ani G. Baylon, sinadyang ginawa sa disenyo ng bahay-na-bato ang Museo De La Salle upang maipakita ang paraan ng pamumuhay ng mga tao, partikular na ng mga ilustrado. Dahil ito ang tema ng Museo kaya ring naisipang itanghal ang Baro’t Saya Collection. “Ine-eksibit dito ang iba’t ibang lifestyles noong 19th century, kasama ang baro’t saya.”

Nanggaling ang mga damit para sa Baro’t Saya Collection sa mga pamilyang Santos-Joven-Panlilio at Arnedo-Gonzales, ang D.M. Guevarra Collection, Ambassador Rafaelita Hilario-Soriano, G. Ramon N. Villegas, Gng. Gilda Cordero-Fernando, G. Salvador F. Bernal, Dona Luz Sarmiento-Panlilio, Gng. Milagros Magsaysay at Gng. Rebecca Quema.

Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga eksibisyon sa mga museo, naipapakita kung papaano nagkakaroon ng pagkakaiba-iba ang mga kasuotan dulot ng mga pagbabago ng panahon. Naipamumulat sa atin kung bakit sa ganoong paraan sinusuot ang isang damit at ang posibilidad na maaari pang maiangkop ito sa kasalukuyang panahon. Ruben Jeffrey A. Asuncion Sanggunian: http://www.dasma.dlsu.edu.ph

1 COMMENT

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.