ANO NGA ba ang dala ng nagbabalik na alaala?
Binubuo ng iba’t ibang akdang minsang pinagkaguluhan, pinag-aksayahan ng panahon, at tuluyan nang nabura sa gunita ng maraming Pilipino ang Liyab sa Alaala (UST Publishing House, 2004) ni Roberto T. Añonuevo.
Mapapansin ang pagsasabuhay ng may-akda sa mga paksang hindi-kadalasang napag-uukulan ng pansin dala ng pagiging “normal” ng mga ito sa pang-araw-araw na pamumuhay, o di kaya, naging bahagi na ito ng kahapong nasapawan ng pabago-bagong panahon.
Nahahati sa anim na bahagi ang aklat—Hininga sa Titis, Usok sa Sentido, Sikmura ng Apoy, Ulingang Balikat, Paanan ng Alabok, at Alipato ng Guniguni.
Makikita ang kaalaman ni Añonuevo sa mga pagsasalarawan at pagsalaysay ng mga natatagong kuwento ng bawat pook, pangyayari, o tauhan gaya ng nabanggit sa isa sa mga tula, ang Alunignig Matapos ang Setyembre 11 kung saan isinalarawan ang malagim na kaganapan sa World Trade Center Towers sa New York noong 2001, “Naglalagos sa laksang malay:/ Salawang tirik, mapulang sungay/ na sumusuwang sa aming bahay/ at gumigiba ng munting bayan/ upang angkinin ang aming buhay.”
Mula sa mga seryosong temang panlipunan gaya ng kasaysayan, naging paksa rin ang mga bagay na minsang kinagiliwan ng marami—pelikula, palakasan, at ang mga isyung bukambibig ng mga bata’t matatanda gaya ng mga napapanood sa telebisyon at laman ng mga balita.
Magaan ang paggamit ng may-akda sa mga salitang bumubuo sa mga tula, bagaman may pailan-ilang malalalim at matatalinghagang salita, hindi mahihirapan ang mga mambabasa, bata man o matanda, na intindihin ang mga nilalaman.
May mga usaping bagaman seryoso ang pagtanggap noong kainitan pa ng mga ito, naging magaan naman ang pagkakasalaysay sa mga ito ni Añonuevo kaya bukod sa nakalilibang ang pagsasalaysay niya, magagawa pa ng bawat akda na mapayaman ang kaalaman ng mambabasa sa kasaysayan at kultura ng paksa, gaya ng nabanggit sa Resbak, Iraq na, “Biglang guguho ang iyong pinakamarikit/ na lungsod sa loob lamang ng isang oras,/ ayon sa antigo’t linyadong hula, dahil sasalakay/ ang agila at leon, ang baling at alakdan,/ ang halimaw na may pitong dikit na sungay.”
Ang tanging nagpapahirap lamang sa mga ito, sa dami ng impormasyong isinusubo ng may-akda sa mambabasa, maaari itong magdulot ng bahagyang kalituhan sa paggamit niya dunong at malalim na pangangatuwiran. Ngiti man o panlulumo ang hatid ng bawat alaala, dala pa rin ng mga ito ang bawat marka ng kasaysayan na bumubuo sa pagkatao ng bawat isa.
Kaya’t kasabay din sa paggunita ng iba’t ibang alaalang nabanggit sa mga akda, dapat din na ihanda ng mambabasa ang sarili sa mga alaalang malilikha pa lamang sa kaniyang isipan dala ng mayamang paggunita at pagsalaysay ni Anonuevo.
Isang kilalang makata, nagkamit na ng pagkilala si Añonuevo sa iba’t ibang parangal gaya ng SEAWrite Award sa Thailand, at Hall of Fame sa Don Carlos Palanca Award for Literature. Isa rin siya sa mga nagtatag ng Oragon Poets Circle.
Sinundan ng Liyab sa Alaala ang mga akda niyang Pagsiping sa Lupain (Ateneo de Manila Univesity Press, 2000) at ang Paghipo sa Matang-Tubig (De La Salle University Press, 1993).