SA PUNO ng mangga sa tabi ng aming bahay nagmula ang malinamnam na crema de mango ni Mama. Tinuruan niya akong pumili ng mga matatamis na bunga at kung paano ito sungkitin. Sa lilim din ng punong ito kami naglalaro at nagpipiknik kung saan namin kinakain ang inihanda niyang panghimagas. Dito ko unang naranasan umakyat, mahulog, mapilayan at bumangon sa sarili kong mga paa. At sa puno ring ito, isasabog ko ang abo ng labi ng aking ina.
Madalas ikuwento sa akin ni Mama na isa ang puno ng mangga sa aming bakuran sa mga kauna-unahan niyang itinanim noong kaniyang kabataan. Kasama ng ibang mga puno at halaman, natunghayan ko kung paano niya ito binigyang-buhay at kung paano naman ito ibinalik ng mga halaman sa kaniya. Sa kaniyang pag-aalaga ng mga halaman, matatamis na prutas, makukulay na bulaklak, sariwang hangin at kaligayahan ang isinasauling biyaya nito sa amin.
Naging saksi ang punong ng mangga sa buhay naming mag-ina. Isinilang ako ni Mama nang walang kinikilalang ama. Dahil dito inusisa ko minsan sa lilim ng punong ito kung nasaan si ama.
“Anak, umalis ang tatay mo limang buwan bago ka lumabas sa mundong ‘to at sa di sinasadyang pagkakataon, hindi pa siya nagpapakitang muli sa atin hanggang sa ngayon.”
Marahan ngunit nangibabaw ang pait sa magkahalong galit at lungkot na tono ng kaniyang pananalita. Marahil dahil sariwa pa ang sugat na iniwan ng aking ama. Hindi santa si Mama, pero alam kong mabuti siyang tao sa kabila ng mga panghuhusga sa kanya ng lipunan bilang isang dalagang ina.
Tulad ng mangga na taon ang binilang bago namunga, taon din ang binilang bago natanggap ni Mama na hindi na kami babalikan pa ng aking ama. Sa mga panahong ito, ipinakita niya sa akin kung paano mabuhay nang matatag at matapang. Binigay niya ang kaniyang buong atensiyon sa akin, at kahit dadalawa lamang kami, itinuturing kong buo ang aming pamilya. Sapat nang dahilan si Mama upang hindi na ako maghanap pa ng isang haligi ng tahanan; sapat na ang kaniyang liwanag upang matanglawan ko nang maayos ang daang aking tinatahak.
Bukod sa pag-aalaga sa akin, naging abala rin si ‘Ma sa isang samahan ng mga kababaihang doktor, sikolohista at nars sa pampublikong ospital na kanyang pinapasukan. Nagbibigay sila ng payo at gabay sa mga pasyente na dalagang ina at kababaihang biktima ng pang-aabusong pisikal, verbal at emosyonal. ‘Di kalaunan, lumawak ang samahan at tinutulungan na rin nila ang sinumang lumalapit sa kanilang tanggapan. Sapagkat single parent si Mama, lubos niyang nauunawaan ang kalagayan at nararamdaman ng mga katulad niya at iba pang mga kababaihang dumaraan sa mahirap na kalagayan. Tila ginagampanan nila ang gawain ng mga puno na nagbibigay tirahan at kaginhawaan sa mga ibong napapagod nang lumipad. Maaaring hindi napapansin ni ‘Ma ngunit sa mga karanasang kaniyang ibinahagi at sa mga payong kaniyang ibinigay, nagsilbi siyang isang inspirasyon sa maraming ina.
Katulad ni Mama, Nursing din ang kinuha kong kurso. Marahil dahil ito sa kaniyang impluwensya at sa kagustuhan ko na ring mag-alaga ng mga pasyente na kinagisnan kong ginagawa ni Mama. Ngunit apat na buwan bago ang aming pagtatapos, nagkaroon siya ng sakit na polio.
“Anak, hindi ko palalampasin ang pagkakataong makita kang nakasuot ng toga at umakyat sa entablado.”
Kahit nasa wheelchair at nanghihina na si ‘Ma, pinilit niyang makadalo at makita akong tumatanggap ng aking diploma sa ibabaw ng entablado.
Inabot ng kalahating taon bago muling nakapaglakad si Mama. Naging matatag siya—kasingtibay ng nakatindig na puno sa aming bakuran. Sa awa ng Diyos, gumaling at nakabawi siya ng lakas. Inisip ko noon na marahil alam Niyang marami pang matutulungang tao ang aking ina.
Tumigil na si Mama sa pagtatrabaho bilang head nurse ng ospital matapos niyang gumaling. Naging aktibong miyembro naman siya ng Philippine Polio Foundation. Nagtungo sila sa mga lugar na may pinakamaraming kaso ng polio upang magbigay-kaalaman sa pag-iwas at pagsugpo ng nito. Isinagawa rin nila ang “Operation Patak,” isang vaccination program upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga kabataan. Nagbunga naman ang kanilang pagsisikap sapagkat bumaba ang bilang ng mga kaso ng mayroong polio.
Ang akala namin ni ‘Ma, maayos na ang lahat. Ngunit limang taon matapos niyang gumaling, nagkaroon naman siya ng post polio syndrome, isang uri ng karamdaman na naaapektuhan lamang ang mga gumaling mula sa polio. Kung ako ang kaniyang inaalagaan dati, ako naman ngayon ang nag-aalaga sa kaniya. Nagkaroon ako ng pagkakataong makabawi sa mga pagsasakripisyo ni ‘Ma para sa akin kahit na alam kong hindi ko mahihigitan ang mga ginawa niyang ito.
Kahit nasa wheelchair na si Ma ay nagtutungo pa rin siya sa mga seminar upang ihatid ang mga impormasyong makakatulong sa pagsugpo ng polio. Hindi pisikal na lakas ang kaniyang ipinakita sa mga kapwa niya may polio kundi lakas ng kalooban. Sa ikalawang pagkakataon, hindi niya napapansing nagsisilbi siyang inspirasyon sa maraming biktima ng polio.
Ginugol ni Mama ang huli niyang mga sandali sa mga halaman sa bakuran ng aming bahay. Paralisado man ang ibabang kalahati ng kanyang katawan, nagagawa pa rin niyang magdilig at punggusin ang mga halaman sa bakuran. Napadalas ang kaniyang pamamalagi sa lilim ng malaking puno ng mangga. Kabaligtaran ng itinanim niyang mga halaman na lumalaki ang mga sanga, unti-unti namang lumiliit ang kanyang mga binti.
“Wala akong pinagsisisihan sa mga nangyari sa aking buhay, mula sa pag-ibig ko sa iyong ama, hanggang sa pagsilang ko sa iyo, at sa aking pagkakasakit at pagkakaparalisa. Isang biyayang Kaniyang ipinagkaloob ang bawat bahagi ng aking buhay.”
Sa dapit-hapong ito, maisasakatuparan ko na ang kahilingan ni Mama na isabog ang kaniyang abo sa lupang kinatatayuan ng puno ng mangga. Inabot din ng mahigit dalawang taon mula ng pumanaw siya rito mismo sa lilim ng puno bago ko ito matupad sapagkat hindi pa ako handang ibalik siya sa lupa noon. Naging saksi ang punong ito sa mga pangyayari sa amin ng aking ina. At sa pamamagitan rin nito, mawala man ang labi ni Mama, mananatili pa ring buhay sa aking puso at isipan ang iniwan niyang mga puno ng buhay na alaala. Richard U. Lim