Ayon sa The University of Santo Tomas in the Twentieth Century ni Josefina Lim-Pe, mahigit kumulang sa tatlong siglong (1611-1924) naging eksklusibo ang UST sa mga kalalakihan dahil sa tutol ang mga Dominikanong prayle na maging “co-education” ang Unibersidad.
Noong Disyembre 10, 1920, isang petisyon ang ipinadala ng mga estudyanteng babaeng hindi taga-UST sa noo’y Rektor na si P. Asisclo Alfageme. Layon ng sulat na humingi ng pahintulot na tanggapin ang mga kababaihang mag-aral sa Unibersidad upang mapaigting ang kanilang pag-aaral lalo na sa larangan ng Pharmacy.
Bagaman inaprubahan ni P. Alfageme ang petisyon, bilang isang Pontifical institution, iniakyat niya ang petisyon kay Msgr. Guillermo Piani, Apostolic delegate ng Vatican sa Pilipinas, upang mapagdesisyunan ito. Nagbigay din si Piani ng rekomendasyon sa Holy See.
Noong Marso 16, 1923, inihayag ni Cardinal Gaetano Bisleti, Prefect of the Sacred Congregation of Seminaries and Universities, ang pagsang-ayon ng Vatican sa petisyon.
Kaya noong Pebrero 5, 1924 sa bagong pamunuan ni Rektor P. Manuel Arellano, binuksan ang College of Pharmacy sa mga kababaihang nais pumasok sa Unibersidad. Noong 1924-1925, 11 estudyanteng babae ang unang nakapasok sa UST na noo’y nasa Intramuros, Manila pa. Ilan sa mga unang kababaihang produkto ng Pharmacy sina Pacita Joya, Paciencia de Leon, at Maria Luisa Vicion.
Bagaman nakapasok na ang mga kababaihan sa Unibersidad, hindi pa rin ganap na pinahintulutan ng Vatican ang pagkakaroon ng sistemang co-education kaya ihiniwalay pa rin ang mga babae sa mga lalaki.
Noong 1926, sumunod ang pagbukas ng College of Education at College of Philosophy and Letters para sa kababaihan. Umunlad ang bilang mula sa 25 hanggang 75 estudyanteng babae.
Nagpatuloy ang pagtanggap sa mga babaeng estudyante ng Unibersidad sa College of Liberal Arts noong 1930 kaalinsunod ang College of Commerce.
At noong 1932, sa utos ng Congregation of the Holy See, tinanggap ng Faculty of Medicine and Surgery ang kababaihan kasabay ang patuloy na pag-unlad ng edukasyon sa Unibersidad matapos ang panahon ng digmaan. Gayun pa man, pilit pa ring ibinukod ang lalaki at babae sa loob ng Pamantasan.
Kababaihang produkto ng UST
Noon man at magpa-hanggang ngayon, patuloy na itinataguyod ng UST ang kalidad ng edukasyon mapalalaki man o babae. Magmula sa pagbubukas sa mga kababaihan ng Unibersidad noong 1924, marami nang kababaihan ang nagbigay ng dangal sa UST sa iba’t-ibang larangan at espesiyalisasyon.
Pharmacy
Bilang mga unang kababaihan sa UST, ipinakita ng mga alumna ng Pharmacy na higit pa sa pagtitimpla ng gamot ang alam nila. Sina Esperanza Alblaza (1932), Liz Ocsio (19-30s – 1940s), Consuelo Antonio (1954), Teresita Tumangan (1955), Rosalinda Solevilla (1957), Peñafrancia Prieto-Espiritu (1960), at Maria Lourdes Santiago (1986) ang ilan lamang sa mga naging produkto ng Faculty of Pharmacy na nagbigay ng malaking kontribusyon hindi lamang sa Unibersidad kundi maging sa mga sangay ng gobyerno at ilang pambansang organisasyon.
Naglingkod si Alblaza bilang pangulo sa Pangarap Home for the Disabled noong 1974 at ehekutibong direktor naman ng Philcohod, Inc. (Philippine Council of Homes for the Disabled) noong 1975. Si Antonio ang naging direktor ng Philippine Society of Hospital Pharmacists noong 1975 at sekretarya ng State University of Iowa Alumni Association of the Philippines noong 1976-1980. Samantalang Itinayo ni Prieto-Espiritu ang Philippine Society of Cosmetic Scientists na naglayong makagawa ng export-quality na produkto upang maingat ang kalidad ng cosmetics sa bansa. Ginugol naman ni Ocsio ang kanyang oras sa pagtulong sa kanyang mga kapwa sa iba’t-ibang pampublikong ospital sa Cotabato. Nagsilbi si Solevilla sa ilang lokal at internasyonal na institusyon bilang tagapagsaliksik ukol sa mga halamang gamot. Dulot naman ni Tumangan ang kaunlaran ng Sterling Drug International Asia na makilala bilang isa sa internasyonal na pharmaceutical drug sa bansa. Nagsilbi naman sa iba’t-ibang sangay ng gobyerno si Santiago gaya ng Bureau of Food and Drugs at Kagawaran ng Kalusugan.
Medisina
Hindi lamang mga simpleng manggagamot ang mga alumna na gaya nina Interim Batasang Pambansa assemblywoman Socorro De Castro (1944) at si dating unang ginang at ngayo’y Senador Ma. Luisa Pimentel Ejercito o mas kilala sa palayaw na “Loi” na nasabak sa mundo ng pulitika.
Samantalang ipinakita ni Carmen Lopez (1938) ang kanyang kaalaman nang hinirang siyang unang babaeng pinuno ng board of medical examiners sa bansa.
Law
SInong makapagsasabing walang babae sa larangan ng batas?
Pinatunayan nina Emb. Consuelo Arranz (1940), Emb. Carmen Buyson (1934) at Rachel Enriquez-Fidelino (1946) at Arlene Maneja (2002) na kaya rin ng kababaihan na maging abogado.
Si Emb. Arranz ang kauna-unahang babaeng Foreign Service officer sa Europa. Naging delegado rin siya ng Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) noong 1979-1981, at konsul heneral sa Hamburg, Germany noong 1936. Isa naman sa unang mga babaeng abogado ng UST si Buyson. Naging konsul naman siya sa iba’t-ibang estado sa Amerika. Bilang ehekutibong direktor ng National Wages Council of the Ministry of Labor and Employment, naipasa ni Enriquez-Fidelino ang Batas Republika 679 (Woman and Child Labor Law) at Batas Republika 2714 na bumuo naman sa Bureau of Women and Minors noong 1960. At matapos ang 60 taong pananahimik ng UST sa listahan ng bar topnotchers, muling inangat ni Maneja ang pangalan ng UST nang makuha niya ang unang puwesto sa Bar Examinations.
Commerce
Sa larangan ng komersyo nagpamalas ng galling sina Mercedes Mabbun-Leuterio (1970), Erlinda Villanueva, at Jhoanna Caw Go (2005). Sumulat ng libro ukol sa banking at naging delegado rin siya ng Chamber of Commerce in the Philippines para sa Constitutional Convention noong 1972. Samantalang nakisalimuha naman si Villanueva sa mga malalaking accounting firms sa bansa – SyCip, Gorres, Velayo & Co. bilang administrative partner ng mga kumpanyang ito. Si Go ang hinirang na Accounting topnotcher ngayong taon.
Science and Engineering
Naging kasanayan na ang pagtingin sa agham at teknolohiya bilang isang mundong kinagagalawan lamang ng pawang mga lalaki. Inalis nina Azucena Vera Perez (1941) at Lydia Tansinsin (1954) ang pagtingin na iyon. Isinulong ni Vera-Perez ang programa laban sa nakamamatay na sakit na tuberculosis. Bilang isang chemical engineer, isa si Tansinsin sa gumawa ng planning manual para sa National Science Development Board at National Economic and Development Authority.
Education and Humanities
Bilang mga guro, hinulma nina Josefina Lim-Pe (1957) at Mayor Adelina Rodriguez (1942) ang pag-iisip ng kabataan sa kanilang mga kontribusyon sa lipunan gaya ng librong nailathala ni Lim-Pe ukol sa kasaysayan at ang pagiging isang alkalde ni Rodriguez at ang kanyang mga proyekto at istrukturang itinayo para sa mga kabataan at kababaihan.
Teatro
Itinayo ni Zeneida Amador noong 1967 ang Repertory Philippines, isang grupo ng propesyonal na manananghal sa larangan ng dulaang pangteatro. Nagtapos sa UST noong 1953, isa na si Amador sa hinahangaan at respetadong direktor, manunulat, at artista ng dekada ’60 at ’70. Sa edad na 43, nakapagtala na si Amador ng 70 stage musicale, dramatic and comedy plays.
Hindi man sila humawak ng sandata o sumali sa isang rebolusyon, higit pa rito ang naipakita nila sa kontribusyong naibahagi nila sa ikaaunlad ng bansa. Ang kanilang natutunan sa Unibersidad ang nagbigay sa kanila ng oportunidad na maipamalas ang kanilang angking galing sa kani-kanilang kakayahan. M.E.V. Gonda at ulat mula sa www.kababaihan.org, History of the Filipino People ni Teodoro Agoncillo, UST 350th Anniversary Golden Book, Outstanding Thomasian Alumni (1998-2004)