ALINSUNOD sa taunang pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Sining o “National Arts Month,” naghanda ang Unibersidad ng mga programang naglalayong makiisa sa layunin ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) na muling pasikatin at linangin ang sining at kultura sa bansa. Ang tema ng unang edisyon: “Sining Gising: Crafting Identities for Social Transformation.”

Galing-Tomasino

Ayon kay UST Secretary General Rev. Fr. Isidro Abaño, bukod sa maunlad ang kasaysayan ng UST sa larangan ng sining, nakisalo ang UST sa National Arts Month upang palakasin ang pampublikong imahe ng mga Tomasino sa pamamagitan ng sining, na isang unibersal na paraan na kumukubli at nagpapakita sa tunay na mukha ng Tomasino.

Ayon pa sa kanya, isa rin itong hakbang alinsunod sa pagdiriwang ng ika-400 anibersaryo ng Unibersidad.

Nang pinasinayaan noong Pebrero 10 sa Cultural Center of the Philippines (CCP) ang mga proyektong kontribusyon ng mga Tomasino sa Pambansang Buwan ng Sining, sinabi ni UST Vice Rector Juan Ponce, O.P. sa kanyang mensahe na pinapangarap niyang hindi ang sining ang manggaya sa buhay, bagkus, buhay ang manggaya sa sining.

Wika pa niya, “I hope that the University of Santo Tomas, through this tradition of National Arts Month celebration, will both strengthen and develop more the art in the spirituality, and the spirituality in the art.”

Sa pagbubukas pa lamang ng programa, ipinamalas kaagad ng mga Tomasino kung gaano kayaman ang kanilang ispiritwal at malikhaing kalinangan. Isang taga-Conservatory of Music ang kumanta ng panalangin at pambansang awit na tinugtog ni Conservatory of Music Dean Raul Sunico sa piano. Sa kalagitnaan din ng programa, tinugtog ng Thomasian Brass Quintet ang “Kalesa,” isang sikat na katutubong sayaw.

READ
Freshman accused of plagiarism

Kaugnay nito, noong nakaraang buwan, bumuo rin ng grupo ng mga kabataang pintor ang UST Museum of Arts and Sciences at Office of the Secretary General na tinawag na Young Thomasian Artist Circle (YTAC). Ito’y kinabibilangan nina Andres Barrioquinto, Lawrence Borsoto, Buen Calubayan, Linsay Lee, Mark Magistrado, Jaime Jesus Pacena II, Ivan Roxas, CJ Tañedo, at Wesley Valenzuela, mga nagtapos sa UST College of Fine Arts and Design.

Unang ipinakita sa main gallery ng UST Museum of Arts and Sciences ang exhibit nilang “dog god” noong Enero 10-28, at mananatili naman ito sa main gallery ng Bulwagang Juan Luna sa CCP mula Pebrero 10 hanggang Marso 20.

Bukod sa musika at sining-biswal, binigyang-pansin din ang natatanging galing ng mga Tomasino sa larangan ng literatura. Nakatampok sa exhibit sa bulwagan ng CCP ang mga piling gawa ng makata at direktor ng UST Center for Creative Writing and Studies na si Ophelia Dimalanta.

Gayundin, kinilala sina Philippine Daily Inquirer Editor Joselito Zulueta at visual artist-writer Jose Tence Ruiz dahil sa kanilang mga kontribusyong artikulo na nakalathala sa katalogo ng “dog god” exhibit.

Pagpapamalas ng husay

Matapos tumugtog sa eksibisyon noong Pebrero 10, muling nasilayan ang mga musikero ng Conservatory of Music sa Albertus Magnus Auditorium ng UST. Kasama ang batikang cellist na si Renato Lucas sa kanilang pagtatanghal.

Gayundin, sa Pebrero 24, magtatanghal sila ng mga musikong Pranses na pangungunahan ng isang international na piyanista. At bilang pangwakas na pagtatanghal, muling idaraos ang taunang “Sampung Daliri at Iba Pa” sa Pebrero 27 sa CCP Tanghalang Nicanor Abelardo.

Bilang kontribusyon naman sa literatura, maglalabas ng pagtatanghal sa Pebrero 17 ang UST Center for Inter-cultural Studies, tampok ang gawa ni Prof. Erlita Mendoza. Kasabay nito ang pagdaraos ng isang on-the-spot poster-making contest na proyekto ng Office of the Secretary General at College of Fine Arts and Design. Gaganapin ang paligsahan sa Beato Angelico Building, at lalahukan ito ng 11 mga paaralan mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

READ
Kick the habit

Sa Pebrero 24 naman, ipapalabas ng Center for Intercultural Studies sa San Agustin Church ang “Kyrial”, isang konsiyerto.

Magtatapos ang ambag ng UST sa National Arts Month pagdating ng Pebrero 28, kung kailan idiriwang ang ikatlong “Thomasian Chalk Festival”—isang kompetisyon sa pagguhit gamit ang tisa. Gaganapin ito sa UST Walk, at pangungunahan ito ng UST Museum of Arts and Sciences.

Ibang mga programa

Maliban sa mga programang inihanda ng Unibersidad para sa pagdiriwang, nakilahok din ang UST sa mga programang inilaan ng NCCA sa bansa na may hangaring paunlarin ang kaalaman ng mamamayang Pilipino sa sining at kultura ng Pilipinas.

Noong Pebrero 10, nakiisa ang UST sa paglulunsad ng “Sagip Baryo Project”, isang pang-komunidad na proyekto ng NCCA.

Mula sa kontribusyon ng mga nagsipanood sa inihandang exhibit ng UST, lilipunin ang mga donasyon para sa mga batang mahihirap upang makamit ang mithiin ng NCCA na “maibalik ang sigla ng mga bata sa pagsasayaw at pagkanta”, na siyang makakatulong upang pagyamanin ang sining sa bansa.

Dahil din sa nauuso ngayon ang pagpapadala ng mga mensahe gamit ang cellphone, inilunsad ng NCCA ang “Text Tulang Pinoy”, isang paligsahan tulad ng mga nauna nang proyekto—ang “TextTanaga” at “Dionatext”, na gumagamit ng teknolohiya ng cellphone sa paggawa at pagpapalaganap ng iba’t ibang mga uri ng literatura. Kasama sa kompetisyong ito ang paggamit ng “sawikain”—isang uri ng lumang tulang Tagalog, “tigsik”, “pagtakon”, at “tigmo” na pawang mga rehiyunal na uri ng panitikan.

Kabilang sa mga hurado at tagapagtaguyod ng paligsahan sina Vim Nadera at Ricardo de Ungria, na pawang kilala at premyadong manunulat na Tomasino.

READ
'Fast Food Fiction Delivery' resonates with literary bravura

Sa kabilang banda, bibigyang pugay rin ang UST kasabay ng pagtatampok sa mga piling gawa ng mga pambansang alagad ng sining na sina Dr. Alejandro Roces at mga Tomasinong F. Sionil Jose at Nick Joaquin na mapakikinggan sa radyo mula Lunes hanggang Biyernes sa DZRH, Balintataw.

Sining bilang instrumento sa pagbabago ng lipunan

Sinimulan noong 1941 sa pamamagitan ng Presidential Proclamation No. 683, ginaganap tuwing Pebrero ang Pambansang Buwan ng Sining na may hangaring pagbuklurin ang mga Pilipino bilang nagkakaisang puwersa sa lipunan.

Bilang simbolo, bulaklak ang opisyal na logo ng selebrasyon. Nagmula ito sa tradisyunal na “ukkil” ng mga taga-Sulu. Dinisensyo ito nina Pandy Avlado at Peewee Roldan na sumisimbulo sa pamumukadkad ng pambansang sining.

Upang maisakatuparan ang pagdiriwang, nakikipagtulungan ang NCCA sa ibang mga indibidwal at organisasyong pang-kultura at edukasyon, gaya ng UST. Kasali rin sa mga gawaing ito ang daan-daang mga alagad ng sining mula sa larangan ng arkitektura, sayaw, pelikula, musika, dula, at visual arts, upang maabot ang libu-libong mga tao mula sa iba’t ibang estado ng buhay.

Sa pamamagitan ng National Arts Month, nagsilbing daluyan ang Unibersidad tungo sa pagkamit ng pinapangarap na “pagbabagong panlipunan.” Makasasali rin ang mga Tomasino sa muling pagkabuhay ng mga gawang pansining na, ayon kay Fr. Ponce, “nagpapatibay at nagpapalaganap ng pananampalataya”. Sanggunian: www.ncca.gov.ph

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.