Langit

Nahuhumaling ang lahat

Sa matatamis na ngiti

Ng dakilang pinagpala,

Habang bumabalot

Sa kanyang katawan

Ang araw at mga ulap

Na nagbibigay ng init

At lamig ng kaginhawaan.

Sumasamba ang lahat

Sa kanyang mga brilyanteng

Mistulang anito

Na nagtatakda ng kapalaran

Ng sinumang nilalang.

Humahabol ang buong mundo

Sa kanyang bawat paghakbang

Tungo sa paraisong palasyo,

Upang mahalika’t mahaplos

Ang kanyang mga paang

Dibuho ng panahong

Walang hangganan.

O kay sarap sigurong pagpalain

At tumira sa estrelitang kaharian.

Ang buong mundo’y alipores

Na magsisilbi sa iyo

Upang iparamdam

Ang sarap na hatid

Ng biniyayaang buhay.

Purgatoryo

Pitong kulay ng bahaghari

Ang lagi kong naaaninag

Sa patuloy na pag-akyat

Sa kabundukang matarik

Upang matunton

Ang lugar ng kaligtasan.

Walang kaitiman

Ang makabubura

Sa bahagharing makulay

Na ilaw sa aking pagtahak.

Walang kaputian

Ang makasisilaw

Sa aking mga mata,

Upang ‘di matagpuan

Ang kapahingahang

Matagal nang inaasam.

Sa bawat bigat-gaang pagyapak,

Natatanaw ko mula sa kaparangan

Ang gintong pintuang

matagal ko nang inaaninag.

Ito na ang sagot sa mga dasal

Ng aking minamahal

Na ako’y sumalangit nawa.

Impiyerno

Sa ilalim ko’y masukal na estero.

Nakahandusay ang matandang nanlilimahid

Habang patuloy sa pagsusuka

Ng nangangalit na asido

Ang kanyang sikmurang namamalipit.

Pilit na hinuhuli

Ng mapapanghi niyang kamay

Ang nanunuksong mga daga

Upang sariling bituka’y

Bigyan ng kapirasong ligaya

Sa walang hanggan niyang

Pagdurusa.

Labinlimang segundo na lamang

Ang nalalabi

Bago tuluyang lamunin

Ng nagbabagang lupa,

Ang matandang pinagkaitan

Ng mabuting tadhana

Sa pagtalikod niya

Sa dakilang pinagpala.

Lee V. Villanueva

READ
UST commemorates war internment camp

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.