Dibuho ni Carlo Patricio P. FrancoMadaling paniwalaan ang pagiging isang higanteng bubuyog ko. Suot ang kulay kahel na costume at mga pakpak na hindi naman ako kayang ilipad, ako’y sumayaw habang pilit na hinahabol ng mga paslit na gustong yakapin ang malambot kong katawan. Kaway dito, kaway doon ang ginawa ko. Kasabay ng pagtatapos ng party na pinalilibutan ng basura mula sa mga lalagyan ng pagkain ng fastfood, nagtapos rin ang pagtatago ko sa loob ng makulay na kasuotang ito.

Napalitan ng pagkahapo ang kanina’y ngiting nakaplasta sa mukha ko. Wala na akong dapat pang kawayan at pasayahing mga bata. Makakakilos na ako ng hindi nadidiktahan. Tapos na ang party.

“Paano Jay? Ikaw ulit ang mag-mascot sa mga susunod na party. May sakit kasi si Jun, wala naman siyang kapalit. Huwag ka mag-alala, may extra pay ka naman,” sabi ng manager namin.

Pauwi na ako. Katatapos lang ng Christmas party na ginawa sa fastfood restaurant na pinapasukan ko. Ako ang napili ng branch manager namin na mag-mascot ngayon. Kung kailan naman mag-pa-Pasko at maraming nagpa-party ang kumukuha ng mascot, ngayon pa ako napili. Nakakapagod, pero okay na rin ito. Siguradong may pangdagdag na sa pang-shopping para sa anak kong si Niño.

Nagtatampo na nga sa akin ang batang ‘yun. Paano ba naman? Simula nang mag-Grade one siya, hindi pa ako nakapunta, o naihatid man lang siya sa Christmas party niya. Lagi pa naman niya akong pinapupunta dahil kakanta daw siya. Magaling kumanta ang anak ko. Lagi nga siyang champion sa contest na sinasalihan niya. Pero ni minsan, hindi ko pa siya napakinggan kumanta.

Tulog na si Niño pag-uwi ko. May nakadikit na sulat sa pinto ng refrigerator namin.

“’Tay, Christmas party namin sa Biyernes. Punta ka ha.”

* * *

Napakasaya ko! Nang tingnan ko kasi iyong sulat na iniwan ko sa ref kagabi, sumagot si Tatay, pupunta raw siya sa party.

Noong isang taon kasi, hindi na naman siya pumunta. Lagi siyang nasa trabaho. Inggit na inggit nga ako noon sa mga kaklase ko. Bago na ‘yung mga damit nila, kasama pa nila ang magulang nila. Pero ako, bago nga ang suot, mag-isa naman sa party.

Gustong-gusto ko pa naman sumali sa mga palaro. Magka-partner ang magulang at anak, pero dahil nga wala si Tatay, hindi ako puwede sumali. Wala tuloy akong naiuwing premyo. Pero dahil pupunta si Tatay sa Biyernes, makakapaglaro na rin ako.

READ
Hope, history and the capitalist experiment

Sa wakas, nakahanap na si Tatay ng oras mula sa pagtatrabaho para samahan ako.

* * *

Nakakapagod talagang mag-mascot. Tulad ng inaasahan, pinagkaguluhan na naman ako ng mga bata sa pinanggalingan kong party sa isang eskuwelahan. Sumayaw na naman ako ng sumayaw hanggang sa sumakit ang tiyan ng mga bata sa katatawa.

“Jay, sa Biyernes nga pala, may pupuntahan ka ulit na party. Dito kasi sila um-order ng pagkain at kasama sa package iyong appearance ng mas cot,” sabi ng manager namin habang iniaabot ang extra pay para sa pagma-mascot ko ngayong araw.

“Kasi po Si…”

“May problema ba, Jay? Pasensya ka na ha, ikaw lang kasi ang pupuwede.”

“A, e, no problem po Sir. Akong bahala sa mga chikiting,” sagot ko.

Paano na ngayon ‘yan? Nakapangako na ako sa anak ko na pupunta ako sa party nila. Lalong magtatampo sa akin si Niño. Kung bakit kasi tinanggap ko pa ang pagma-mascot na ito. Hindi sana ako mamumroblema kung tumanggi ako.

Kaya ko naman pinipilit kumita ng mas malaki dahil ayokong matulad ang buhay niya sa sinapit ko dati nang iwanan kami ni itay nang magkaroon siya sa ibang pamilya. Naglalabada lang si Inay noon at hindi rin naman sapat ang kinita niya sa araw-araw kaya sa pampublikong paaralan lang ako nag-aral. Ayokong maranasan ni Niño ang hirap na pinagdaanan namin ni Inay noon. Gusto kong maranasan ng anak ko ang pumasok siya sa isang pribadong paaralan.

Tumutulong naman ang Inay ko sa pagpapaaral kay Niño. Subalit ayoko naming akuin nila ang responsibilidad na dapat kong harapin sa napakaagang edad. Labingwalong taong gulang pa lang ako nang mabuntis ang Mama ni Niño. Ipinakasal kaagad ng mga magulang namin. Nang malaman sa pamantasan na pinapasukan ko na nakabuntis ako, nawala ang scholarship ko at tuluyan na akong hindi nakapag-aral. Dahil sa hindi ako nakatapos ng pag-aaral, hirap akong makahanap ng trabahong magbibigay ng mataas na sahod. Mga magulang pa ng asawa ko ang sumagot sa panganganak niya. Pero hindi kinaya ng Mama ni Niño ang panganganak. Simula noon, mag-isa kong hinarap ang pagpapalaki kay Niño.

Siyam na taon na rin ang nakalipas. Siyam na taon na lagging contractual ang nagiging trabaho ko. Naging ahente na ako ng life insurance, naging sales man sa mall, at ngayon, dalawang taon bilang crew sa isang fastfood restaurant. Alam kong hindi sapat ang kinikita ko kaya’t pumayag na rin akong mag-mascot. Para naman maibigay ko sa anak ko ang kung anumang gustuhin niya.

READ
Fellowship veterans make Inkblots a 'habit'

* * *

Sinundo ako ni Tatay sa eskuwelahan kanina. Namili kami ng damit na isusuot ko bukas. Excited na talaga akong mag-party kasama si Tatay. Ano kaya ang magiging reaksyon niya kapag narinig niya akong kumanta?

Bago kami umuwi, pinanood namin ni Tatay ang palabas ng mga gumagalaw na mannequin sa Greenhills. Lagi na naming ginagawa iyon sa tuwing mamimili kami.

Napakaganda ng palabas. Bukod sa mga mannequin na tao, mayroon ding parang kabayo. Sinakyan pa nga ni Mama Mary ‘yung hayop papunta sa kubo. Isang malaking misteryo pa rin sa akin kung paano pinapagalaw ang mga mannequin na iyon.

“For God so love the world that He gave us His Only Son…” binasa ko ang nakasulat sa isa sa mga display sa palabas.

“Tatay, talaga po bang sa sobrang pagmamahal ng mga Ama sa mga anak nila, kaya nilang gawin lahat?” tanong ko kay Tatay, habang sakay ng dyip pauwi.

“Oo naman anak. Kahit ano, gagawin ko para sa iyo.”

“Pupunta ka bukas ha. Huwag na huwag mong kakalimutan.”

Ang tagal bago sumagot ni Tatay.

“Oo naman. Para sa pinakamamahal ko, pupunta ako,” sabi ni Tatay sabay kurot sa pisngi ko.

Parang naka-plasta na ang ngiti sa mukha ko nang sabihin ni Tatay na pupunta siya bukas. Ibinaling ko ang tingin sa mga patay-sinding ilaw sa mga bahay na nadaraanan ng dyip.

* * *

Malungkot akong naghanda sa pag-suot ng costume na naghihiwalay sa amin ng anak ko.

Tuluyan ngang natakpan ng costume ang nararamdaman ko. Hindi ko matutupad ang pangako ko kay Niño.

Ngunit laking gulat ko nang tumigil ang sinasakyan namin sa eskuwelahan na pinapasukan ni Niño.

“Anong room ba ang pupuntahan natin?” tanong ko sa kasamahan ko.

“Room 103 ang nakalagay dito, sa Grade Three yata ito.” Isinuot ko na ang ulo ni Jolly-V.

“Bago tayo magpatuloy, let us all welcome, Jolly-V!”

Tuwang-tuwa ang mga bata. Pumasok ako at sumayaw sa harapan. Nakisayaw naman ang mga bata sa akin. Yakap sila ng yakap sa malambot kong katawan. Pinaikot ko ang paningin ko. (Hindi ito ang klase ni Niño.)

READ
UST Science gets level 4 accreditation

Nang matapos ang party, agad-agad akong lumabas upang hanapin ang kuwarto nina Niño. Kunwari, nakikipaglaro ako sa mga batang nakakasalubong ko pero hinahanap ko na ang anak ko.

Dalawang kuwarto na ang nadaanan ko, hindi ko siya nakita. Sa ikatlo, nakita ko ang isang batang nakatayo sa gitna at kumakanta. Si Niño!

Kaya lang, hindi kaya matakot si Niño kung makita niya akong nakapang-mascot? Hindi tulad ng ibang bata, takot ang anak ko sa mga mascot. Sa tuwing makakakita siya ng mascot dati, lagi siyang umiiyak. Siguro, akala niya na hindi tao ang nasa loob ng mascot.

* * *

“Pasko na naman, ngunit wala ka pa. Hanggang kailan kaya ako maghihintay sa iyo…tanging hangad ko lang ay makapiling ka…” Umiikot ang mga mata ko habang kumakanta. Kahit sa pagkanta ko, umaasa pa rin akong darating si Tatay.

“Sana ngayong Pasko ay maalala mo pa rin ako. Hinahanap-hanap pag-ibig mo. At kahit wala ka na nangangarap at umaasa pa rin ako, muling makita ka, at makasama ka, sa araw ng Pasko.”

Kasabay ng palakpakan mula sa mga kamag-aral ko at mga magulang nila ang pag-iyak ko. Hanggang sa matapos ang kanta ko, hindi dumating si Tatay.

Bumalik ako sa upuan ko. Hindi ko mapigilan ang pag-iyak. Bawat kaklase ko, kasama ang mga magulang nila.

Naghiyawan ang mga kaklase ko nang makita nila si Jolly-V. Naalala kong doon nga pala nagtatrabaho si Tatay. Nilapitan nila ang mascot na nasa pinto.

Nagulat ako nang lapitan ako ng mascot at kinukuha ang kamay ko. Takot kasi ako sa mga mascot kaya hindi ko siya pinansin. Para kasing halimaw na nagtatago sa nakangiting mukha ang mga mascot.

Nagbibigay ng mensahe si teacher Mia kaya’t umupo ang lahat. Nasa loob pa rin ng silid-aralan namin si Jolly-V at walang kasamang mga bata. Lapitan ko kaya siya? Natatakot pa rin ako, pero sinubukan kong gayahin ang ibang mga bata. Niyakap ko si Jolly-V.

“Buti ka pa Jolly-V, nandito. pero ang Tatay ko wala. Para sa kanya pa naman ‘yung kanta ko kanina.”

Napakagaan ng pakiramdam ko nang yakapin ako ni Jolly-V. Isang tahimik at nakaplastang pagngiti lang ang sinukli ng mascot. Mark Andrew S. Francisco

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.