Napakapalad mo munting sanggol sa abang sabsaban.
Hinihintay ng buong pananabik ang iyong pagdating.
Laksang sanggol na tulad mo ang inililihim sa kanilang
pagsilang. Nasa sinapupunan pa lamang sila’y ikinahihiya’t
kinukulam na sila ng kanilang ama’t ina.
Napakapalad mo munting sanggol sa hamak na sabsaban.
Dito ka man isinilang, at labangan ang inyong kuna, binalot
ka naman sa lampin ng pag-irog at pagliyag. Saksa ang
mga sanggol na ipinanganak sa kariton, sa ilalim ng
tulay, sa bangketa’t madidilim na sulok. Katsa ng harina,
basahan, sako’t kupas na kurtina ang pananggalang ng mga
murang katawan sa dahas ng buhay
Napakapalad mo munting sanggol sa abang sabsaban. Dukha
man ang inyong ama’t ina, puspos sila ng tuwa’t magkabalikat
sa pag-aaruga sa iyo. Dagsa ang mga sanggol na walang
kinamulatang ina o ama sa kanilang paglaki. Ibang dibdib
ang sa kanila’y nagpasuso. Ibang mga bisig ang nagpatulog
sa kanila. Busog sila sa ginto’t pilak, nugnit salat sa
alab ng pagkalinga.
Napakapalad mo munting sanggol sa sabsaban. Dinalaw ka’t
hinandugan ng mira, ginto’t kamayang ng mga pantas
Di mahulugang karayon sa dami ang mga paslit na dina-
dalaw ng mababagsik na sakit, gutom, kamang-mangan,
Karahasan, kaapihan at karalitaan.
Napakapalad mo munting sanggol sa abang sabsaban.
Bagsik ng kautusan ni Herodes ay iyong naungusan.
Langkay-langkay na mga sanggol na ang pumanaw
sa kamay ng kanilang mga magulang. Nakabalot sila
sa plastic bag, nakasilid sa garapon at kusang iniwan
sa kubeta, itinapon sa basurahan, ipinaanod sa
imburnal. Walang kalaban-laban sa lupit ng mga
bagong Herodes
Napakapalad mo Berbong nagkatawang tao.
*Si G. Elmer Hibek ay isang propesor mula sa Kolehiyo ng Narsing. Nagtuturo siya ng Introduction to Literary Types at Filipino Literature in English sa mga mag-aaral na nasa ikatlong taon.