SA BAWAT mukha ng buhay, may dalawang kuwentong uusbong sa isang mapanglikhang kaisipan.

Sa buhay ng tao, may dalawang katauhang nakatago sa isang radikal na katawan. Dalawang katauhan na magkaiba at hindi tugma sa isa’t isa. Mga katauhang humuhubog at lumikha ng isang personalidad. Ngunit ang mga katauhang ito ay nagkukubli sa likod ng isa’t isa. Nagkukubli bilang konsensiya. Mga katauhang bumubulag sa isa’t isa upang buo at nararapat ang bawat pagpapasya ng tao.

Maraming bagay ang hinaharap ng tao sa kanyang buhay. Mga bagay na nagpapabago at humuhubog sa kanyang personalidad. At sa bawat paghubog, naglalaban ang mga iba’t ibang interes sa loob ng konsensiya, kung saan tinitimbang niya sa kanyang isipan ang dalawang katauhan. Mga katauhang nagtatalo upang ipakita ang tunay niyang kulay. Maaaring ang katauhang ito ay ang tama at ang mali, mga katangiang nakatago at nakalantad, ang pilit itinatagong pag-uugali at naipakita nang asal, saan sinusunod ng tao ang mas matimbang sa kanyang isipan at damdamin. Ngunit sa takbo ng mga pangyayari, maraming ekspektasyon ang darating sa tao, mga ekspektasyong magdudulot sa kanya ng pangamba upang magbulag-bulagan sa tunay na matimbang sa isip at damdamin, at pilit ilalantad ang katauhang kumukulong sa kanyang kalayaan upang mamuhay ng ayon sa kanyang kagustuhan.

Ayon sa mga Tsino, binubuo ng dalawang puwersa, ang yin at yang, ang buhay o ang mga bagay sa daigdig. Puwersa ng tama at mali, ng mabuti at masama, ng tunay at balat-kayo. Sa tao, ang yin at yang ay ang tahimik na katauhan at ang katauhang nagsasabi ng hinaing, ang mabait na bahagi at ang masama, ang mapagtimpi at ang palaban, ang saya at lungkot, ang tagumpay at pagkatalo, at ang determinasyon at kahinaan ng loob.

READ
Robbery foiled

Naikukubli ng tao ang isa sa kanyang mga katauhan sapagkat hindi puwedeng magsama sa isang sitwasyon ang dalawang damdamin, magkasunod ang paglantad ng tao sa dalawa niyang damdamin at ito ay pagkatapos niyang mapagtanto ang tama sa mali at magsisi sa hakbang na ginawad sa sitwasyong naranasan. Ang kilalang simbolo ng teatro, ang dalawang maskarang magkatalikod, na kung saan ang isa ay umiiyak at ang isa ay nakangiti ay isang magandang halimbawa ng takbo ng buhay ng isang tao. Kung saan sa bawat kagalakan, may lungkot na kaakibat, kaya magkatalikod ang dalawang maskara ay upang maisalarawan na ang tao ay magaling magkubli ng luha sa likod ng ngiti, at ginhawa sa likod ng hirap.

Dulot ng pagtatalo sa kaisipan ng tao, nakakagawa siya ng mga hakbang na sumisira at nagpapabuti sa kanya. Ngunit may pagkakataon ding ang tao ay nagkukubli sa kung ano ang tunay niyang nasasaloob, nagagawa niya ito upang ipakita na matatag siya, upang ipakita na walang pagkakamali ang bawat hakbang niya, upang itago ang katauhan niyang talunan.

Halimbawa ng pagtatalo ng katauhan sa iisang katawan ay ang mga tauhan sa mga popular na telenovela o soap opera. Sa mga bidang inaapi may nakatagong katauhan na palaban. Sa mga kontra-bidang nang-aapi, may malambot ding katauhan. Patunay lamang ito na ang tao ay nabigyan ng konsensiya upang ipaglaban ang kanyang saloobin at ang tunay na nararamdaman kahit ano man ang kapalit ng kanyang mga hakbang.

Ayon sa isang kasabihan, ang taong walang kibo, nasa loob ang kulo. Ganyan ang isang nilalang, sa bawat isang katauhan na ipinapakita, may isang nakatago. Sa bawat patak ng luha, may galit na kalakip. Sa bawat kasiyahan na ipinakikita sa kapwa, may lungkot na nakakubli. Sa bawat pagpuri sa tagumpay ng iba, may kalakip na inggit.

READ
Pharmacy turns 131

Maaaring sa pagtatalo ng katauhan ng tao nabuo ang tinatawag nating crab mentality, sapagkat kung titingnan natin ang konseptong ito, hinahanapan ng butas ang tagumpay ng iba upang pabagsakin muli ang isang tao sapagkat kung isa lang ang magtatagumpay, mabuti nang lahat sila’y mabigo. Ngunit sa pagtatalo rin ng katauhan nag-ugat ang pagsabi ng iyong tunay na saloobin, na kung saan mas marami ang mabuting naibubunga kaysa sa negatibong resulta. Kung saan ang isang maling sitwasyon ay naisasaayos.

Paano nga ba maiintindihan ang pagtatalo ng katauhan? Alin nga ba ang papanigan? Tama bang sundin ang katauhang hindi tunay na saloobin upang matanggap lamang ng kapwa?

Ang pagkakaroon ng konsensiya o pagtatalo ng katauhan ang nakaka-angat sa mga tao kumpara sa iba pang nilalang. Sapagkat sa katangiang ito nagkakaroon ang tao ng kalayaang pumili ng hakbang upang harapin ang gulong ng buhay, at sa ganitong paraan natututo siya at naitutuwid niya ang kanyang pagkakamali. Nang magkasala sina Eba at Adan, binigyan ng Panginoon ng kalayaang pumanig sa nais ng puso at damdamin, dalawang saloobing magkasalungat, upang kanyang timbangin ang anumang hakbang kanyang gagawin upang hindi magkamali. Ngunit mapusok ang katauhan ng tao kung minsan. Ang konsensiyang pinagkaloob ng Panginoon ay pinipiringan upang ang bugsok ng damdamin ay sundin kahit ano pa man ang kahihinatnan.

Marahil ang mahirap gawin ng isang tao ay ang pagpili kung aling katauhan ang susundin, sapagkat ang katauhang mapipili ay maglalarawan kung anong personalidad meron ka. Kung alin man ang mapipili, ito ang makikita ng ibang tao at mula sa damit na suot huhusgahan ka ng iba kung sino ka. Ganyan din sa katauhan, kung alin ang iyong susundin, ito ang maglalarawan kung sino ka at mula sa hakbang mong gagawin. Kikilalatisin ka ng iba. Sa ano mang pagtatalo ng katauhan ng tao, may dalawa siyang pagpipilian.

READ
Teachers renew commitment

Marami sa atin ang nabubuhay sa personalidad na ang katauhan ay masyadong konbensyonal, kung saan nakulong sa kung ano ang alam mong tama ngunit hindi panatag ang kalooban. Kaya nagkakamali ang tao upang sundin ang kalooban ay bigyang laya ang isang katauhang matagal nang nakakubli. Minsan, kahit alam ng tao na mali, ginagawa pa rin sapagkat ito ang nagbibigay sa kanya ng pansamantalang kapanatagan ng loob at mula rito natuto siyang bumangon upang harapin ang buhay. Ito rin ang nagbibigay kalayaan sa kanya mula sa mga problemang kanyang kinakaharap kung saan masasabi niyang may buhay pa pala mula sa katauhang kinakatakutan niyang mabahiran ng dungis.

Biyak na personalidad, ito ang tao. Dalawang katauhan sa iisang katawan. Dalawang kaisipan ang nabubuo mula sa isang sitwasyon. At sa ganitong takbo ng isip ng tao, natututo siya at nagtatagumpay sa anumang pagsubok. Pilit mang ikubli ang isa sa mga katauhan niya, nagpupumiglas pa rin ito sa puso at kapag napuno na ang kalooban, sasabog ito sapagkat mahirap ang mamuhay ng may kinikimkim na saloobin na hindi maipahayag. Kapanatagan ng loob lamang ang makakapagsabi na tama ang katauhan na napili sapagkat kapag panatag ang isip at puso mas magandang buhay ang mararanasan. Jerry V. Pua

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.