Noon Po Sa Amin

BAGO PA man binigyan ng karapatang makaboto ang mga kababaihang Filipino noong 1935, nauna na ang Unibersidad sa pag-angat ng kanilang estado sa lipunan sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga babaeng mag-aaral.

Taong 1924 nang nabigyan ng pagkakataon ang mga kababaihan na pumasok sa Unibersidad, na tanging mga lalaki lamang ang tinatanggap sa loob ng 313 taong pagkakatatag nito. At ang unang kolehiyong nagbukas ng pintuan para sa kababaihan ay ang Faculty of Pharmacy, na tumanggap ng 24 na babaeng mag-aaral.

Ang pagtanggap ng Unibersidad sa mga kababaihan sa panahong iyon ay ayon na rin sa hiling ng ilang sektor na may mataas na pagtingin sa UST bilang isang institusyon. Ito ang mga alumni at mga Katolikong pamilya na nagnanais pag-aralin ang kanilang mga anak na babae sa Unibersidad.

Bilang paghahanda sa pagbabagong ito, itinakda ang ilang regulasyon ukol sa pagpasok ng mga babae. Kabilang sa mga regulasyon ang pagkakaroon ng hiwalay na klase ng mga babae at lalaki. Kung hindi sapat ang bilang ng mga babae upang makabuo ng isang klase, maaari silang isali sa mga lalaki sa kondisyong naka-puwesto ang mga kababaihan sa pinakaharap na bahagi ng klase. Nagpagawa rin ang Unibersidad ng kantina at palikuran para sa mga babae; maging ang mga pintuan at hagdanan na dadaanan ng mga babae ay hiwalay din sa mga kalalakihan.

Mula 1924 hanggang 1940, naging sunod-sunod na ang pagtanggap ng iba’t ibang kolehiyo sa mga kababaihan. At noong 1946, kasabay sa pagkakatatag ng College of Nursing at Conservatory of Music, ang lahat ng mga kolehiyo ay binuksan na para sa mga babae at lalaki, maliban na lamang sa tatlong Pakultad na binubuo ng Sacred Theology, Canon Law, at Philosophy na para lamang sa mga naghahanda para sa kaparian.

READ
Forged by adversity

Tomasalitaan:

Guwang (pang-uri)- walang laman, basyo.

Ang mga ginamit na bote sa laro ay pawang mga guwang na.

Sanggunian:

I Walked with 12 UST Rectors by Norberto V. de Ramos

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.