Dibuho ni J.C. SantosLUNES

Hatinggabi na nang makauwi ako sa bahay. Naabutan ko na namang nag-aabang sa harap ng gate si Lola.

“Bakit ngayon ka lang? Hindi ba sinabi ko sa’yo umuwi ka ng maaga? Pinapasakit mo ulo ko e,” sermon niya sa akin na may halong paglalambing sa boses.

“Lola, sabi ko naman po sa inyo huwag niyo na po akong hintayin kapag gabi na ang uwi ko. Matulog na lang po kayo ng maaga.”

“Hay naku, bata ka. Ako pa ang pinagbilinan mo. Hindi ka ba natatakot umuwi ng ganitong oras? Alam mo namang delikado rito sa lugar natin.”

Kahit kailan, hindi ako nainis kapag pinagsasabihan ako ni Lola. Hindi tulad ‘pag si Papa ang sumisigaw sa akin, nakakabingi. Puro na lang kasi mga pagkukulang ko ang nakikita niya.

Nang minsan ngang bumagsak ako sa isang exam, halos marindi ako sa pagsasabi niya ng “tamad” at “iresponsable.” Nasasayang lang daw ang pera nila sa pagpapa-aral sa akin. Pero nang manalo ako ng first prize sa isang art contest, hindi man lang sila pumunta ni Mama sa awarding ceremony para sabitan ako ng medalya. Akala ko pa naman matutuwa sila sa nangyari. Si Lola lamang ang naroon para suportahan ako.

“Tumawag kanina ang Papa mo. Tumawag ka raw sa bahay niyo.”

“Huwag na, bukas na lang po. Baka malamig na ang ulo ni Papa sa akin kung bukas ako tatawag.” Nagmano ako at saka pumasok sa bahay.

Martes

Sinabihan na naman ako ni Lola na umuwi ng maaga dahil hindi na raw niya alam kung anong palusot pa ang sasabihin niya kina Papa at Mama kapag ginabi na naman ako ng uwi.

Hanggang hapon lang ang klase ko araw-araw. Kaya lang, madalas ay nagkayayaan ang aming barkada na tumambay muna sa computer shop, uminom, o ‘di kaya’y pumunta sa mall.

“Empoy, birthday ni Darwin ngayon. Punta tayo sa kanila.”

“Kailangan kong umuwi ng maaga.”

“Ang KJ mo naman! Sumama ka na para naman kumpleto ang barkada.”

Hindi nila ako tinigilan hanggang sa mapapayag nila akong sumama. Gustuhin ko man na umuwi ng maaga, napa-oo na lang ako sa kanila.

READ
Mining the hidden gold in music

Alas-onse na nang makauwi ako. Tulad ng dati, naabutan ko na naman si Lola sa harap ng gate.

“Akala ko ba maaga ka na uuwi?”

“Gumawa po kami ng thesis kaya medyo nahuli po ako.”

“Hay naku, Empoy! Lagot ka sa Papa mo.”

Nagmano ako saka dumiretso sa kuwarto. Ayaw ko nang marinig pa ang ibang sasabihin ni Lola tungkol kay Papa.

Miyerkules

Nagtatanghalian kami ng mga kaklase ko nang biglang tumunog ang aking cell phone. Tumatawag si Papa. Kahit na alam kong walang katapusang sermon ang maririnig ko, sinagot ko ang tawag niya.

“Umuwi ka na! Papunta kami sa bahay ng Lola mo!”

“Pero Papa, may gagawin kaming report para bukas, hindi pa ako puwedeng umuwi.” Sa pagkakataong ito, nagsasabi ako ng totoo.

“Wala akong pakialam. May report ka pala, wala ka nang ibang ginawa kundi maglakwatsa! ‘Di ba sabi ko ‘wag ka nang uuwi ng dis-oras ng gabi kapag nasa bahay ka ng Lola mo! Papatayin mo ba siya sa pag-aalala sa’yo?”

May kung anong takot akong naramdaman nang marinig ko ang mga huling linyang binitiwan ni Papa. Kahit kailan, hindi ko ginustong mapahamak si Lola.

Galit na galit akong sinalubong ni Papa. Magkahalong hiya at pagkainis ang naramdaman ko. Hiya para sa aking Lola, at inis sa aking ama.

“Ano ba talagang problema mo? Bakit hindi ka marunong sumunod? Alam mo ba kung gaano nag-aalala ang lola mo. Imbes na maaga siya natutulog, hihintayin ka pa niya dumating! Ang tigas talaga ng ulo mo!”

Hindi ako makatingin sa Lola ko.

“Simula ngayon, sa bahay ka na uuwi! Napeperwisyo mo lang ang lola mo!”

“Ayaw ko. Masyadong malayo ang bahay natin at magastos pa sa pamasahe.”

Hinawakan ni Papa ng mahigpit ang braso ko at hinatak ako papalapit sa kanya.

“Wala akong pakialam kung paano mo pagkakasyahin ang baon mo sa pamasahe mo!”

Hindi ako nakasagot sa sobrang sakit ng braso ko.

“Tama na ‘yan. Masyado mo nang nasasaktan yung bata,” awat ni Lola kay Papa.

READ
Students have the right to their hairstyle

“Ipagtatanggol niyo na naman ‘yang apo niyo. Kaya ganyan ‘yan eh, lagi niyong kinukonsinte. Bakit hindi niyo siya palakihin katulad ng pagpapalaki niyo sa akin nang tumino-tino naman yang batang yan!”

Hindi na nakasagot si Lola kay Papa. Pumiglas ako mula sa pagkakahawak niya sa aking braso at pumunta sa kuwarto at nagkulong. Nakakainis! Alam kong mali ako pero gusto ko pa rin tumira rito. Mabait si Lola. Bata pa lang ako, siya na ang nag-aalaga sa akin. Siya ang naghahatid-sundo sa akin sa eskwelahan. Siya ang naghahanda ng almusal ko sa umaga at bumibili ng meryenda ko sa hapon. Siya ang kasama ko sa bahay sa maghapon habang buong araw na nasa trabaho ang mga magulang ko.

Nakakainis lang kasi, minsan ko na nga lang makita sa bahay sina Mama at Papa, madalas pa’y mainit ang ulo nila. Hindi tulad ni Lola na ngiti pa rin ang sinasalubong sa akin sa kabila ng katigasan ng ulo ko.

Habang nagpipigil ako sa pag-iyak sa sobrang bigat ng nararamdaman ko, may mga kamay na yumapos sa aking balikat na nagpagaan sa aking kalooban. Si Lola pala.

“Huwag kang mag-alala, ako nang bahala sa Papa mo. Mahal ka niya kaya ka niya pinagagalitan.”

Humarap ako sa kaniya at pinahid niya ang luha sa mukha ko.

“Ikaw naman kasi, nag-aalala lang ako para sa’yo. Pagpasensyahan mo na ako kung nasabi ko sa Papa mo na gabi ka na kung umuwi palagi.”

Hindi ako nakapagsalita. Walang tigil ang pagtulo ng luha ko. Siya pa ang may ganang humingi ng pasensiya sa akin kahit na ako ang may kasalanan. Gusto ko siyang yakapin pero dahil sa hiya, hindi ko magawa.

“Tahan na,” sabi niya sabay yapos muli sa akin.

Huwebes

Malakas ang buhos ng ulan. Wala akong dalang payong kaya nanatili muna ako sa silid-aklatan habang nagpapatila. Nang tignan ko ang relos ko, naisip ko bigla si Lola. Alas-otso na pala. Panigurado, naghihintay na naman siya. Nagdesisyon akong umalis na ng eskwelahan kahit umaambon pa.

“Nasaan po si Lola?” tanong ko kay Tita na may halong pangamba nang makitang wala si Lola sa gate.

READ
UST historian named Master of Theology

“Naku Empoy, bakit ngayon ka lang? Alam mo bang naaksidente ang Lola mo? Bakit kasi gabi ka na naman umuwi?”

Napaupo ako nang marinig ito. Si Lola…

Agad akong pumunta sa ospital nang malaman ko ang nangyari. Nakita ko si Lola, nakahiga, tila mahimbing ang tulog sa kabila ng tinamong sugat sa ulo. Lumapit ako sa kaniyang higaan at hinawakan ang kaniyang mga kamay. Isang sasakyang nawalan ng preno daw ang nakabangga sa kaniya. Alam niya kasing hindi ako nagdadala ng payong kaya hinintay niya ko sa kanto kahit na malakas pa ang ulan.

Biyernes

Ayaw ko sanang pumasok para mabantayan ko si Lola sa ospital pero may exam kami.

Inaamin ko, kasalanan ko ang nangyari. Kung hindi naging matigas ang ulo ko, hindi na sana umabot pa sa ganito.

Hindi ko maalis ang kaba at pag-aalala. Paano kung malakas ang pagbagsak ni Lola at hindi kinaya ng katawan niya dahil sa katandaan? Paano kung hindi na siya magising? Paano kung iwan na niya ako? Hindi ko mapapatawad ang sarili ko. Natatakot ako na baka isang araw, wala na akong maabutan pa na nag-aabang sa akin sa harap ng gate sa tuwing uuwi ako sa bahay.

Matapos mag-eksam, umuwi ako kaagad sa kabila ng pagpilit sa akin ng mga kabarkada ko na sumama sa kanila. Si Lola lang ang nasa isip ko.

Sa tricycle pa lang, tanaw ko nang may nag-aabang sa gate. Hindi maputi ang mga buhok niya at hindi siya nakasuot ng salamin tulad ni Lola. Nang tignan ko nang mabuti, nakilala ko kaagad kung sino. Si Papa pala.

Hindi tulad noon, walang bahid ng galit sa mukha niya. Inakbayan niya ako pagpasok ko sa gate. Saka siya yumakap sa akin.

“Ibinilin ng Lola mo na hintayin kita ngayon,” sabi ni Papa kasabay ng pagtulo ng luha mula sa mga mata niya. Napaluha rin ako at sa unang pagkakataon, niyakap ko si Papa. Kacelyn Faye L. Paje

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.