ANG PAGSUSULAT ay kukuha ka ng kapiraso sa karanasan mo, kapiraso sa nakita mo, kapirasong gawa-gawa mo…at kung saan-saan.”
Ito ang tinuran ni Genoveva Edroza-Matute (1915-2009), ang kinikilalang “Ina ng Makabagong Maikling Kuwentong Filipino.” Ito rin marahil ang pormula kung bakit nananatili ang pagtimo ng kaniyang mga akda sa puso’t isipan ng kaniyang mga mambabasa isang taon mula ng kaniyang pagpanaw.
Isinilang noong Enero 3, 1915 sa isang dampa sa Tayuman, Sta. Cruz, Maynila, kilala si Matute o “Aling Bebang” sa kaniyang mabisang paggamit ng wikang Tagalog. Nagtapos siya ng kursong Bachelor of Secondary Education major in English sa UST College of Education habang nagtuturo siya sa Paaralang Elementarya ng Burgos sa Sta. Mesa, Maynila. Sa UST din niya tinapos ang kaniyang master’s at doctorate degree. Ilan sa kaniyang mga naging guro sa Unibersidad ay sina Jose Villa Panganiban, ang ama ng Varsitarian; Paz Latorena, kilala bilang isa sa mga unang Filipinong manunulat sa wikang Ingles, at ang mamamahayag na si Mauro Mendez.
Asawa ni Aling Bebang ang yumaong Epifanio G. Matute na isa ring manunulat at kilala sa kaniyang kathang Kuwentong Kutsero na isinalin sa seryeng pang-telebisyon at pang-radyo mula noong dekada ’50 hanggang ’60.
Ayon kay Eros Atalia, kuwentista at propesor sa Faculty of Arts and Letters, si Matute ang isa sa mga “pinakamaimpluwensiyang manunulat ng kaniyang panahon.”
“Naimpluwensiyahan ni Genoveva Edroza-Matute ang mga batang manunulat at mga kasabayan niyang manunulat. Hindi lang iyon, naging bukambibig si Matute ng mga guro na nagtuturo ng panitikan lalung-lalo na iyong mga nasa liblib na eskuwelahan ng ating bansa,” aniya.
Para sa Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Virgilio Almario, bihasa si Matute “sa pagtatanghal ng mumunting kibot ng damdamin,” sa pamamagitan ng “pagtitimpi” na kaniyang pangunahing tatak sa mga akda.
“Pinatitibok ni Matute ang damdamin nang buong lumanay sa pamamagitan ng mga mapagpahiwatig na kilos at pangungusap ng tauhan, tinudling sa mga piling larawan, at binubuo nang hindi tahasang tinutukoy,” ani Almario.
Sinang-ayunan naman ito ni Roberto Añonuevo, makata at Don Carlos Palanca Award Hall of Famer. Aniya, ang mga tauhan ni Matute ay “pumupukol ng mabibilis na salitaan o nagsasalita sa guni-guni, at ang mga kataga ay waring makapaglalagos sa kalooban ng mambabasa.”
Dagdag ni Atalia, madadama ng mambabasa ang sensibilidad at sinseridad ni Matute bilang kuwentista dahil laging may kurot sa dulo ang kaniyang mga kuwento.
Halimbawa nito ang kaniyang mga akda na Yumayapos sa Takipsilim at Pagbabago na tumatalakay sa nararamdaman ng mga matatanda kabilang na ang kawalan ng seguridad at pagiging pabigat sa kamag-anak. Nasa hulma naman ng love triangle ang Parusa na tungkol sa katiwaliang nagaganap sa pagpapasahod sa mga manggagawa, habang ang Pagbabalik ay tungkol sa isang lalaking nagpatiwakal matapos makonsensiya sa pagkakanulo niya sa isang matalik na kaibigan.
Bilang maestra
Bukod sa pagiging tanyag na manunulat, si Matute ay kilala rin bilang isang guro sa loob ng 46 na taon.
“Ang laging paksain ni Aling Bebang ay ang pagiging guro, pagiging babae, pagiging nanay. Kitang-kita rito ang kaniyang pagmamahal sa mga bata at sa estudyante,” ani Atalia. Ang kaniyang akdang Paglalayag sa Puso ng Isang Bata na tumatampok sa isang ulilang batang lalaki na nagturo sa kaniyang guro kung paano maging mapagpakumbaba at mapagpatawad, ay base sa katauhan ng isang estudyante niya dati.
“Alam mo bang hanggang ngayon, nakatago pa iyong class picture namin noong bata sa kuwentong iyan?” ani Matute sa isang panayam sa kaniya ng Varsitarian noong 1998 nang igawad sa kaniya ang Parangal Hagbong bilang pagkilala sa kaniyang kontribusyon sa pagyabong ng panitikang Filipino.
Isa pa sa mga hindi malilimutang akda ni Matute ang Ang Kuwento ni Mabuti na tumatalakay sa isang butihing guro sa pagsasalaysay ng kaniyang mag-aaral. Nagwagi ito sa unang Palanca noong 1950 at nagtanghal kay Matute bilang kauna-unahang babae na nakapag-uwi ng parangal.
Naging tanyag mula sa kuwentong ito ang linyang: “Iyon lamang nakararanas ng mga lihim na kalukungkutan ang maaaring makakilala ng mga lihim na kaligayahan.” Ayon kay Atalia, nagpapakita ito ng “katimpian ni Aling Bebang sa pag-develop ng mga character, sa haba ng pasensiya, at iyong diplomasya sa talinghaga ni Aling Bebang.”
Ang Kuwento ni Mabuti rin ang pinakamadalas gamitin ng mga estudyante bilang halimbawa ng maikling kuwento sa mataas na paaralan sa asignaturang Filipino.
Maraming karangalan pang natanggap si Matute gaya na lamang ng Gawad Cultural Center of the Philippines para sa Sining (Panitikan), Republic Literary Awards ng National Commission for Culture and the Arts, Lifetime Achievement Award para sa Panitikan na ginawad ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at St. Hildegarde of Bingen Award for Women-pioneers of Philippine Media ng St. Scholastica’s College.
Ang pamamaalam ni Aling Bebang
Matapos pumanaw si Matute noong Marso 21, 2009 ay maraming naghimok na gawin siyang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan. Mayroon ngang lumabas na fan page sa social networking website na Facebook para lamang dito.
Ngunit ayon kay Atalia, kahit hindi maging Pambansang Alagad ng Sining si Matute, patuloy siyang magiging buhay sa tuwing may magbabasa ng kaniyang mga akda.
“Tumugon siya sa hamon ng kaniyang panahon. Kaya dakila siyang manunulat kasi tumalima siya sa tawag ng tadhana, sa hamon ng kaniyang panahon. Tinugon niya ang pangangailangan ng kaniyang bayan sa kaniyang panulat,” ani Atalia.
“Hangga’t may bata, hangga’t may guro, may manunulat na nagbubulatlat ng mga sinulat ni Aling Bebang—muling binabasa, itinuturo at muling itinuturo, sinusuri at muling sinusuri [at] binabahagi, laging buhay si Aling Bebang,” dagdag niya. Danalyn T. Lubang