“WHAT is the greatest lesson you’ve learned in college?” Napaisip ako nang itanong ito ng guidance counselor ng aming kolehiyo sa aking exit interview. Sa loob kasi ng apat na taon ko sa UST, ang pinakamahalagang aral na natutunan ko ay hindi ko napulot sa loob ng silid-aralan, kung hindi sa isang masakit na karanasan na habangbuhay nang nakatanim sa aking isipan.

Hindi lingid sa kaalaman ng karamihan na mahirap ang kursong accountancy. Kung noon, madali lamang para sa akin ang makakuha ng gradong 90 sa calculus kahit na natutulog ako sa klase, ngayon, kahit na magsunog pa ako ng kilay para mag-aral ng Advance Accounting 1 (AdvAc 1), bumagsak pa rin ako rito noong unang semestre ng ika-apat na taon ko sa kolehiyo.

Alam kong wala naman akong ibang dapat sisihin kundi ang sarili ko. Hindi ko pinagbutihan noong preliminary period at mas inuuna ko ang pagliliwaliw kasama ang aking mga kaibigan. Samantalang noong finals naman, nagkasabay-sabay ang cycle at extra-editorial activities namin sa Varsitarian kaya hindi ako nakapag-aral ng maayos para sa exams. Dahil sa pagod, kahit pa umaga na ako natutulog para mag-aral, walang pumapasok sa isip ko. Umasa na lamang ako sa transmutation at pagdarasal sa Simbahan ng Nazareno sa Quiapo.

Ayokong ipakita sa iba na nasaktan ako sa nangyari dahil alam ko naman na kasalanan ko iyon. Gusto kong ipakita sa kanila na malakas pa rin ako kahit na sa loob ko ay nanghihina na ako. Idinadaan ko na lang sa biro ang nangyari: “At least, naranasan ko ang makakuha ng lahat ng grades. Mula uno hanggang singko.”

READ
'The Amazing Thomasian'

Kasabay ng pagbagsak ko ang pagguho ng aking tiwala sa sarili at ang pamumuo ng takot sa hinaharap. Sa kabila ng pagkakataon na ibinigay sa amin na kunin ng magkasabay ang AdvAc 1 at AdvAc 2 para makapagtapos pa rin kami ngayong Hunyo, hindi ko masabi ng may buong paninindigan sa aking sarili na kaya ko. Sa tuwing inaasar ako ng aking mga katrabaho sa Varsitarian tungkol sa pagtatapos, hindi ko maiwasang mapikon dahil sa takot na nararamdaman ko. Paano nga kaya kung hindi ko kayanin?

Sa kabila ng takot at panghihina ng loob, hindi pa rin naman nawawala ang pag-asang malalagpasan ko ang lahat ng ito. Nagbago ako, mas nag-aral ako ng mabuti, mas inuna ko ang pag-aaral kaysa sa trabaho at paglabas kasama ang mga kaibigan ko at nagtulungan kami ng mga kaklase kong kapares bumagsak para lang makabawi noong nakaraang semestre. Naging malaking tulong ang mga kaibigan kong walang sawang nagpapaalala sa akin na umuwi palagi ng maaga at huwag nang tumambay pa sa opisina kung walang importanteng gagawin. Sa kabutihang palad, nagawa naming maipasa ang lahat ng aming asignatura ngayong ikalawang semestre.

Akala ko noon, katapusan na ng lahat kapag bumagsak ka. Akala ko hindi ko kakayanin ang sakit na mararamdaman ko. Hindi pala. Natutunan kong tulungan ang aking sarili na bumangon at magpatuloy sa buhay. Natutunan kong magsakripisyo ng mga bagay na gusto ko tulad ng pagliwaliw kasama ang mga kaibigan para sa pag-aaral. Higit sa lahat, natutunan kong huwag magpatalo sa takot.

Hindi man lubusang nawawala ang takot ko sa maaaring mangyari ngayong summer class namin, tulad nga ng sabi ng isa sa aming mga guro, “Ang tunay na katapangan ay ‘yung pagharap mo sa isang sitwasyon na kinakatakutan mo.”

READ
Studes told: Go easy on parties

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.