SA PAGTATAPOS ng bawat akademikong taon, libu-libong Tomasino ang tumatanggap ng mga diploma na hindi lamang sumisimbolo sa apat na taon o higit pang sakripisyo sa kolehiyo, kundi nagsisilbing pasaporte na rin sa pagkakaroon ng magandang trabaho.

Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na hindi madali ang maghanap ng trabaho. Sa katunayan, ayon sa Labor Force Survey na isinagawa noong Enero, tinatayang 2.9 milyong Filipino ang walang trabaho. Hindi pa tiyak kung ano ang naghihintay sa mga Tomasinong nagsipagtapos sa taong ito, ngunit handa na nga ba ang bawat isa sa pagharap sa buhay sa labas ng apat na sulok ng Unibersidad?

Bukod sa kalidad ng edukasyon na ibinibigay ng UST sa mga mag-aaral nito, may mga proyekto rin ang iba’t ibang departamento ng Unibersidad upang matulungan ang mga magsisipagtapos sa pagsabak ng mga ito sa pagtatrabaho. Isa na rito ang Career Seminar for Graduating Students ng Guidance and Counseling Department Office, na tumatalakay sa iba’t ibang paksa na makatutulong upang matanggap sa trabahong kanilang ninanais ang mga magsisipagtapos. Tinatalakay dito ang paggawa ng resume, tamang pagsagot at tamang pananamit sa job interview, at mga paalala at kuwento mula sa mga matatagumpay na alumni na makapagbibigay-inspirasyon sa mga magsisipagtapos.

Ang UST Job Fair ng Office for Alumni Relations (OAR) ay naglalayong mapadali ang paghahanap ng trabaho ng mga magsisipagtapos at magtaguyod ng matatag na samahan sa pagitan ng Unibersidad at ng mga kompanya mula sa iba’t ibang industriya.

Sa kabila ng mga ito, may ilang mag-aaral pa rin ang nagsasabing hindi pa nakasasapat ang kanilang mga natutunan at paghahanda para maging matagumpay sa labas ng Unibersidad.

Exit interview sa mga magsisipagtapos

Isa sa mga aktibidad ng Guidance and Counseling Department ang exit interview na isinasagawa sa mga Tomasinong magsisipagtapos, kung saan kinakailangang sagutin nila ang ilang katanungan tungkol sa pamamalagi nila sa Unibersidad. Dito ay maaari nilang ipahayag ang kanilang mga suhestiyon upang maiangat pa ang kalidad ng edukasyon sa Unibersidad, gayon din ang kanilang mga komento. Ingles ang wikang dapat gamitin sa pagsagot nang sa gayon ay masukat kung gaano kaepektibo ang pakikipagtalastasan ng mga mag-aaral sa wikang ito, na siya ring ginagamit sa mga aktuwal na job interview.

READ
New 'V' staff named

Ayon kay Dr. Ma. Regina Atinaja, guidance counselor ng Faculty of Arts and Letters, karaniwang puna ng mga mag-aaral ang kakulangan sa mga propesor na practitioner din sa larangan na kanilang itinuturo. Para sa mga mag-aaral, higit na magiging epektibo ang pagkatuto nila kung ang mga guro ay ginagawa mismo ang kanilang mga itinuturo.

Dagdag pa ni Catherine Pascasio, guidance counselor ng Faculty of Engineering, hiling din ng mga mag-aaral ang mas “high-tech” na kagamitan sa mga laboratoryo nang sa gayon ay mas mapabisa pa nito ang pagsasanay nila.

Komunikasyon naman ang nakikitang problema ng mga mag-aaral sa AMV-College of Accountancy, ayon kay Neriza Pineda, guidance counselor.

“One of the most common comments is to enhance their (students) communication skills. We encourage reporting and recitation in class, but they feel that it was not enough. They feel that they need to improve their communication skills to help them express themselves in English,” ani Pineda.

Bagaman hindi lahat ng mag-aaral ay nahihirapang ipahayag ang kanilang mga sarili gamit ang wikang Ingles, isa sa mga nakikitang dahilan ni Pineda sa problemang ito ay ang pagiging pangalawang wika lamang ng Ingles sa mga mag-aaral.

“Maybe English is not the medium they (students) use at home. Also, many students lack confidence, especially when they need to speak in public,” dagdag pa ni Pineda.

Ayon kay Michael Angelo Malicsi, direktor ng OAR, ginagawa ng Unibersidad ang lahat upang mapaghusay ang kakayahan ng mga mag-aaral sa pakikipagtalastasan sa wikang Ingles.

“The University endeavors to train and to mold our students to be effective communicators. That is why we have speech classes, English classes, and the Department of English. The way the University trains its students is adequate. There are several factors—personal factors why they (students) cannot communicate well [in English],” ani Malicsi.

READ
The medicine name scheme

Sa College of Accountancy naman, kung saan hindi pa bahagi ng kurikulum ang pagkaroroon ng on-the-job training (OJT), iminumungkahi ng mga mag-aaral na magkaroon nito upang magamit nila sa aktuwal na sitwasyon ang mga pinag-aaralan nila sa loob ng silid-aralan.

“They (students) feel that they are very well informed, with regards to knowledge of the subject matter. An OJT experience would be helpful to them to put theories into practice,” ani Pineda.

Buhay Tomasino sa labas ng Unibersidad

Hindi maikakailang karamihan sa mga matatagumpay na propesyonal sa loob at labas ng bansa ay mga Tomasino.

Ayon kay Carmen Quesada, guidance counselor ng College of Science, marami sa mga mag-aaral sa naturang kolehiyo ang agad na nakahahanap ng trabaho—sa katunayan nga’y ilan sa mga ito ay may trabaho na bago pa man sila makapagtapos. Gayon din sa Faculty of Engineering, kung saan bukod sa taunang Job Fair sa Unibersidad ay mayroon ding sariling job fair ang kolehiyo nang sa gayon ay mabigyan ng mas maraming oportunidad ang mga mag-aaral.

Layunin naman ng AMV-College of Accountancy ang maihanda ang mga mag-aaral nito sa paghahanap ng trabaho kung kaya’t kamakailan lamang ay naglunsad ang Guidance and Counseling Department ng kolehiyo ng mock interview kung saan nag-imbita sila ng mga human resources (HR) officers mula sa iba’t ibang kompanya upang subukin ang kakayahan at ihanda ang mga mag-aaral sa aktuwal na job interview.

Pinatunayan ni Malicsi na ang mga Tomasino ay madaling makibagay sa iba’t ibang uri ng tao, at nananatiling mapagpakumbaba sa kabila ng pagkakamit ng tagumpay.

“We (Thomasians) have good work ethics, we easily adapt to different environments. UST is a place where people experience the real world. We got floods; we easily get immersed in the city. You meet a lot of people here in UST,” ani Malicsi. “They come from all walks of life, different stratospheres in our society. We can easily adapt to different kinds of environment. Also, in the work place, we climb up the ladder silently, but we emerge victoriously.”

READ
'Miracle worker, gracious Teacher'

Hindi man magiging madali ang paghahanap ng trabaho, nagbigay ng ilang paalala si Malicsi upang magtagumpay ang mahigit pitong libong Tomasino sa kani-kanilang karera.

“Getting the right job also boils down to the right attitude. Thomasian graduating students have to hold on to their values. It’s very important. The corporate world can be cruel, it can be tough, and it can be tricky at times. But what’s going to help them survive the corporate world is not only their attitude but also their values,” aniya.

Naniniwala naman si Abigail Joson ng College of Commerce and Business Administration na malaki ang naitulong ng Unibersidad sa paghubog sa kaniyang kaalaman at kakayahan bilang paghahanda sa buhay manggagawa.

“In terms of theoretical and applied knowledge, the University has instilled the working principles of HR to me aside from the required internship which honed the practical side of my course,” aniya.

Para naman kay Erika David ng Faculty of Arts and Letters, mas makabubuti sana kung mas pag-iigtingin pa ang hands-on training sa halip na ikulong ang kaalaman sa apat na sulok ng silid-aralan.

“Sana mas pagtuunan ng pansin ang paghahanda sa mga mag-aaral sa aktuwal na mundo ng pagtatrabaho. Halimbawa, sa kurso kong Journalism, mas mainam sana kung lahat ng propesor ay media practitioners din dahil kung minsan, mas marami pa akong natututunan sa OJT kaysa sa loob ng paaralan,” ani David. Danalyn T. Lubang

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.