GINTONG medalya para sa mga ginintuang ambag ng isang natatanging Tomasinong pambansang bayani.

Bilang paggunita sa ika-150 taong anibersaryo ng kapanganakan ni Jose Rizal, maglalabas ng gintong commemorative medal sa Hunyo 19 ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Ang disenyo ng medalya ay hango sa konsepto nina Emerson Abraham ng BSP at graphic designer na si Marilen Jacinto, apo ng kaisa-isang kapatid na lalaki ni Rizal na si Paciano. Matatagpuan sa harap ng medalya ang imahe at pangalan ni Rizal at mga petsa ng kaniyang kapanganakan at kamatayan. Sa likod naman ay makikita ang lagda ni Rizal at ang mga katagang “Adios Patria Adorada” na hango sa tula niyang “Mi Ultimo Adios.”

Ayon kay Fe de la Cruz, tagapagsalita ng BSP, ang medalya ay ihahandog kay Pangulong Benigno Aquino III sa araw ng mismong kaarawan ni Rizal. Ang bangko ay maglalabas ng 5,000 medalya ngunit 1,500 lamang sa mga ito ang maaaring ibenta.

Hindi lamang ang BSP ang naging abala para sa paghahanda ng medalyang ito kundi pati na rin ang mga miyembro ng angkan ni Rizal.

“Sila (pamilya ni Rizal) ang tumulong upang tapusin ang disenyo at isa sa kanila ang nagmungkahi ng teksto na ilalagay upang ilarawan ang commemorative piece,” ayon kay De la Cruz.

Bukod sa medalya, maglalabas din ang BSP ng mga tender circulation coins na maaaring magamit sa komersyal na transaksyon sa Disyembre ngayong taon. Kasalukuyan ding nagsasagawa ng isang exhibit ang BSP na may temang “Rizal In Our Midst, A Homage to Greatness” na dadalhin sa iba’t ibang lugar tulad ng Laguna at Dapitan sa Zamboanga.

READ
Sincerity

Labis ang pasasalamat ng pamilya ni Rizal sa mga hakbang na ito ng BSP.

“Lubos na naging masaya sila [ang pamilya] sa mga plano para sa ika-150 na kaarawan ni Rizal. Sabi ni Ismael Guerrero Cruz, mula sa angkan ni Maria (nakatatandang kapatid ni Rizal), ang mga gawaing ito ay tumutulong upang makilala natin ng higit ang ating kultura at kasaysayan,” ani De la Cruz.

Si Rizal si piso

Para kay De la Cruz, ang tunay na diwa ng paglalabas ng gintong medalya ay upang ipahayag ang naging buhay at mga ambag ng ating pambansang bayani.

“Ang medalya ang maghahayag at magpapaalala sa atin ng kahalagahan ng buhay ni Rizal,” aniya.

Mula noong panahon ng mga Hapon, naging laman si Rizal ng iba’t ibang pera ng bansa, mula sa pinakamaliit na halaga na limang sentimo hanggang sa pinakamataas na halaga na isang daan.

“Sa kasalukuyan ay makikita natin ang kaniyang imahe sa piso. Madalas tinatanong ng tao kung bakit sa pinakamababang halaga naroroon si Rizal, ang dahilan sa likod nito ay upang mapasakamay ito ng mas nakararami. Kung siya’y ilalagay sa isang libong piso, hindi ito magiging malapit sa mga bata. Sa limang bilyong kopya ng piso ngayon, mas maraming Pilipino ang makakahawak nito,” ani De la Cruz.

Dagdag pa niya, karapat-dapat lamang parangalan si Rizal ng ganitong medalya sapagkat hindi lamang niya pinagbubuklod ang mga Pilipino ngunit naging inspirasyon at modelo siya sa mga karatig-bayan na gusto ring makaranas ng kalayaan.

“Si Rizal ay nagsilbing inspirasyon sa ibang bansang Asyano tulad ng India nang maging unang republika ang Pilipinas sa rehiyon. Ito’y kaniyang pinatotohanan sa mga sinabi niya kina Juan Luna at Felix Hidalgo na ‘Genius has no country. It blossoms everywhere. Genius is like the light, the air. It is the heritage of all’,” ani De la Cruz.

READ
Felix Bautista, late Varsitarian adviser, remembered at 20

Si Rizal noon at ngayon

Ayon kay Augusto de Viana, tagapangulo ng UST Department of History, ang imahe ng pagsikat ng araw na nasa likod ng medalya ay tunay na isang mensahe ng pag-asa.

“Gusto niya (Rizal) rin na ‘wag kalimutan ang mga taong nalugmok sa kadiliman. Sana tuwing naaalala siya ng mga tao, kasama sa paggunitang ito ‘yung mga maliliit [na mga bayani] o ika nga’y “unsung heroes,” na lumaban din—those who weren’t even able to get a glimpse of the coming freedom,” aniya.

Sa mas malalim na perspektibo, nabanggit ni Ramoncita Reyes, apo ng nakatatandang kapatid ni Rizal na si Saturnina, na ang Pilipinas ay walang gaanong ipinagbago mula noong namatay si Rizal.

Ngunit para kay De Viana, ibinigay ni Rizal ang pinakamalaking pagbabago sa ating bansa—ang kalayaan.

“Noong panahon ni Rizal, nasasakupan tayo ng Espanya—walang freedom of expression at speech, at mas lalong walang religious tolerance. Ngayon, hindi na tayo ganito, independent nation na tayo,” aniya.

Sa sikat na kasabihan ni Rizal, tinuturing niya ang kabataang Pilipino bilang pag-asa ng bayan, bagay na pinanindigan at patuloy na isinusulong ng angkan ni Rizal hanggang sa ngayon.

“Gusto ni Rizal na laging gabayan ang kabataan. Nawa’y maging mulat ang mga nakababatang henerasyon sa kaniyang mga prinsipyo, tulad ng mga nasa ibang bansa na naniniwala sa kaniya” ani Reyes.

‘Recyclable Rizal’

Para sa kaniyang mga naging ambag sa bayan, marami ang tumuturing kay Rizal bilang inspirasyon at gabay sa kanilang pumumuhay.

“Gawin nating template or reservoir si Rizal bagaman mayroon siyang mga kapintasan bilang tao. Pwede natin siyang gayahin o kaya ay mas higitan pa. He is ‘recyclable Rizal’, his examples are doable.”

READ
Impeaching democracy

Bilang mag-aaral, si Rizal ay nananatiling huwaran sa mga Tomasino sa pag-aaral nang mabuti para sa katuparan ng kanilang mga pangarap.

“Nung nag-aaral siya sa UST, imbes na sumama sa mga kaklase upang mamasyal, mas pipiliin niyang mag-aral. Kailanman ay hindi siya nagsayang ng oras at iyon ang maganda tungkol sa kaniya. Nung nasa Dapitan siya, hindi siya nagmukmok, kumilos siya upang matuto,” pahayag ni De Viana.

Dagdag pa niya, matuturing na klasiko ang mga ehemplo ni Rizal hanggang sa ngayon.

“Siya ay napapanahon pa rin hanggang ngayon. Lahat ng bantayog, istatwa, daanan, at maging ang kaniyang medalya ay mawawalan ng halaga kung hindi natin susundan ang kaniyang mga nagawa,” ani De Viana. Maria Arra L. Perez

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.