“Mahahanap din kita,” bulong ng ginoo sa sarili habang pahingal na naglalakad at pinupunasan ang tumatagaktak na pawis sa kaniyang noo’t leeg.
Alas dos na ng hapon ngunit hindi pa rin nanananghalian si Mr. Trance at sa halip ay naglalakad siya paikot-ikot sa parke sa ilalim ng nakatirik na araw. Palingon-lingon sa paligid, yumuyuko’t inuusisa ang ilalim ng bawat upuang madaanan, at hinahawi ang makakapal na dahon ng mga halaman.
“Nasaan na kaya si Claire? Kailangan na kita para matapos ko na 'yung dulang ilalahok ko sa Paligsahang Bayan ng mga Makata. Kailangang mailahok ko ang aking, este, ating obra. Nasaan ka na ba?” paulit-ulit na hinagpis ni Mr. Trance sa kaniyang isip habang patuloy na naglalakad.
Ang dalawang oras na paghahanap niya ay nagbunga ng wala —wala sa parke si Claire. Muli siyang nagpunas ng pawis at bumungisngis sa pag-upo sa upuan sa ilalim ng lilim ng acacia. Huminga siya nang malalim na sinundan ng isang buntong-hininga.
“Magpapahinga muna ako pero hahanapin pa rin kita,” wika niya sa sarili sabay pikit ng mata.
Ang pagpikit ng kaniyang mata’y siyang pagmulat ng pandinig ni Mr. Trance. Pinasyal niya ang parke sa pakikinig ng tila musikang ingay sa paligid—mga huni ng ibon, pagaspas ng mga dahon ng puno, yapak ng mga tao, tawanan ng mga magkakaibigan at ang kaniyang paboritong pagsabog ng magkapanabay na tubig mula sa fountain.
Ibinukas ni Mr. Trance ang kaniyang mga mata at tahimik lamang na pinanood ang pagsayaw ng tubig sa hangin. Sa matagal na niyang pagbalik sa parke’t paghahanap kay Claire, naging paborito na niyang panoorin ang fountain dahil sa bawat pagsabog ng tubig ay nakararamdam siya ng kakaiba.
“Paglaya,” bulong niya sa sarili at muli nang naalala si Claire.
Si Claire ang kaniyang tinuturing na kalayaan. Nalalayag niya ang karagatan, nararating ang malalayong lupain at nararamdaman ang tunay na kaligayahan ng buhay niya. Malaya, masaya, mabango—ganito kung maalala ni Mr. Trance si Claire at hindi mo siya masisisi dahil kung tutuusin, higit pa sa matalik na magkaibigan ang kanilang samahan. Si Claire ang tumatapos ng bawat pangungusap niya. Tutok sa fountain ang mata habang lumilipad naman ang isip nang lapitan ng babaeng nagwawalis si Mr. Trance.
“Hello, sir!” bati ng babae, “Makikiraan lang po. Wawalisan ko po sana ‘yang ilalim ng upuang inuupuan mo.”
“Ha, ano? Ah, sige sige,” gulat na tugon ni Mr. Trance at dali-daling tumayo mula sa kinaluluklukan niya. Pinanood niyang magwalis ang babae at napawikang, “Ang ganda pala ng parke, ano?”
“Aba! Sir, oo naman po. Pinapanatili po namin ang kagandahan at kalinisan nito para sa mga taong bumibisita. Bawat bumibisita ay espesyal,” sagot ng babae habang patuloy na nagwawalis.
“Madalas ko pong nakikita na abala ka sa pagsusulat tuwing pumupunta ka dito sa parke, madalas nakayuko at parang nasa ibang mundo. Kumusta na nga po ba ‘yung sinusulat mo?”
Ibinaling ni Mr. Trance ang tingin sa babae at inusisa ang mukha nito, “Ha, ano? ‘Yung sinusulat ko? Sinusulat ko pa rin. Hindi pa madugtungan.”
Noon lamang napansin ni Mr. Trance na napalayo na sa kaniya ang babae sa pagwawalis.
Gumagabi na at hindi pa rin niya nakikita si Claire.
Ang hapon na iyon ay tulad ng mga nakaraang araw nang mawala si Claire.
Araw-araw naghahanap, araw-araw nabibigo, araw-araw umaasa at araw-araw walang natatagpuan. Ibinuhos niya lahat ng oras sa paghahanap kay Claire. Ang totoo nga niyan, kahit nakapikit ay makakauwi siya kung dadaanan ang nakasanayan.
Limang minutong paglalakad, limang minutong pag-iisip sa maaaring paroonan ni Claire, limang minutong paghiling na matagpuan na niya ito, limang minutong pagdaan ng marami nilang alaala sa kaniyang isip.
“Ang mga alaala nga naman, mas masaya, mas masakit. Kung anong tumbas na ligaya nito noon ay siya namang sakit sa pag-alala ngayon,” bunton ni Mr. Trance sa sarili.
Kinapa niya ang susi sa kaniyang bulsa at binuksan ang pintuan ng kaniyang bahay—magulo, makalat, malungkot. Isinara niya ang pintuan at dumeretso sa may kusina para uminom. Pagbukas ng refrigerator ay napansin niyang marami na pa lang nabubulok na mga pagkain.
“Bakit ganito kagulo sa bahay ko?” tanong ni Mr. Trance sa sarili at alam niya ang sagot—si Claire.
Basta kasama niya si Claire, hindi na mahalaga kung anumang nasa paligid niya. Natatabunan ng kagandahan ng samahan nila ni Claire ang anumang magandang parke. Kaya niyang maatim ang kahit anong pait ng kapeng barako dahil kasama niyang umiinom si Claire. Ayos lang na magulo ang bahay dahil maayos ang lahat basta kasama niya si Claire.
“Claire! Nasaan ka na ba?” sigaw niya sa hangin ngunit tanging alingawngaw ng boses niya ang sumagot sa pabalik.
Ibinaba ni Mr. Trance ang basong pinag-inuman niya at dumeretso sa kaniyang kwarto. Doon niya nakita sa kaniyang mesa ang dulang matagal na ring naghihintay sa pagbalik ni Claire.
Sa kaniyang pag-uwi ay nakita niya sina Maggie, Angie, Hannah, Alice, Lea, Katy, Oscar, Seth, Ian, Anton, Louise, Denise, Ram, Ivan, Nicole ngunit wala si Claire.
Sinubukang humawak ni Mr. Trance ng ibang bolpen, nilapat sa papel at hinayaang dumaloy ang mga ideya sa isip niya.
Si Claire ang tumatapos sa lahat ng kaniyang mga pangungusap. Si Claire ang kaniyang tinuturing sa kalayaan, dahil kay Claire ay nalalayag niya ang karagatan, nararating ang malalayong lupain at nararamdaman ang tunay na kaligayahan ng buhay niya.
Tumigil siya sa sa pagsusulat, ibinalik ang hawak na bolpen sa drawer at piniling humiga na.
“Wala na si Claire, ang pinakamamahal kong bolpen,” pag-amin niya sa sarili.
At sa pagpikit ni Mr. Trance ay tila wala na rin ang kaniyang pag-asang matapos pa ang nasimulang dula.