TATLONG taon at dalawang nobela—isang patunay na buhay na buhay ang panitikang Filipino.
Ito ang naging mukha ng lunsad-aklat ng dalawa sa mga pinakabantog na pangalan sa lokal na panitikang sina Ricardo “Ricky” Lee at Eros Atalia noong Nob. 27 at 28 sa SM North Edsa Sky Dome at Thomas Aquinas Research Complex (TARC).
Unang nakilala bilang scriptwriter, patuloy na gumagawa ng pangalan si Lee sa paggawa ng mga nobela. Sa dagat ng mahigit sa 150 produced film scripts tulad ng Jose Rizal at Anak, limang dula, ilang maiikling kuwento, isang scriptwriting manual (“Trip to Quiapo”), isang antolohohiya (“Si Tatang at mga Himala ng Ating Panahon”), at isang nobela, marami na ring nakamit na parangal si Lee, kabilang na ang mahigit sa 50 na tropeyo at Natatanging Gawad Urian. Makalipas ang tatlong taon ng pagkalathala ng kaniyang unang nobelang “Para Kay B,” inilunsad ni Lee ang kaniyang ikalawang nobelang “Si Amapola sa 65 na Kabanata.”
Ang naturang aklat ay isang political comedy na nagtatampok sa buhay ni Amapola, isang baklang manananggal na ‘di umano’y ang siyang itinakdang magliligtas sa Pilipinas.
“Tungkol sa kalagayan ng bansa at ng mga Pilipino noong 2010 ang punto de vista ng baklang manananggal. Si Amapola ay isang impersonator na naging manananggal. Realistic na fantastic,” ani Lee.
Samantala, ang pagsalaysay din sa kalagayan ng lipunan sa nakaaaliw na paraan ang siyang tema ng ikatlong aklat ni Atalia na pinamagatang “’Wag Lang ‘Di Makaraos,” isang koleksiyon ng 100 dagli, o mga kwentong “pasaway, paaway, at pamatay.”
“‘Yung ‘Peksman’ [Nagsisinungaling Ako], three months ko siyang naisulat, ‘yung ‘Ligo na U, Lapit na Me,’ almost four months. Pero itong 100 flash fictions, almost three years at last leg na lang hindi ko pa matapus-tapos. Nasa 92 stories na ako, ‘yung walo ‘yung pinakamahirap sa lahat na matapos dahil sa pagiging thematic nito,” ani Atalia.
Sa mga nagdaang taon, kinilala ang mga akda ni Atalia ng Komisyon sa Wikang Filipino, Pandaylipi Ink., Gawad Balagtas, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, at Gawad Soc Rodrigo.
Sa ikalawang pagkakataon
Pinangunahan ng mga personalidad na sina Aiai de las Alas at Eugene Domingo ang programa ng lunsad-aklat ni Lee, kasabay ng mga pagbati mula sa mga kaibigang gaya ng mga batikang direktor na sina Mac Alejandre at Jerry Sineneng, at mga personalidad na sina Nora Aunor at Vilma Santos.
“We need writers like Ricky,” ani Santos, na pinuri ang pagiging bukas ni Lee sa pamamahagi ng kaniyang talento sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng scriptwriting workshops mula 1982.
Sa mahigit sa 1,200 kataong dumalo sa lunsad-aklat, walang mapaglagyan ng saya at pasasalamat si Lee sa natamong tagumpay.
Samantala, gaya ng una niyang nobela, ang “Si Amapola sa 65 na Kabanata” ay nananatiling reader-friendly at nakabatay sa kung paano magsalita at mag-isip ang mga Pilipino ngayon.
“[Ang] pinagkaiba, mas makapal, may supernatural, may pop culture, at historical and political aspects [ang Amapola]. Mas complex siya pero may simplicity in the end para madaling intindihin.”
Patunay sa pagiging komplikado ng nobela ay ang tagal ng panahon na iginugol para lamang mabuo ito.
“Naka-pito o walong drafts ako until finally natapos,” ani Lee.
Inamin niya na mayroong mga producers na nag-alok na isapelikula ito, ngunit magkahalong pagsang-ayon at ‘di pagsang-ayon ang reaksyon nito.
“Yes and no [sa pagsasapelikula ng akda]. Kasi gusto kong magkaroon muna siya ng literary identity kasi ibang-iba ‘yung pelikula sa nobela,” paliwanag ni Lee.
Papuri sa dagli
Aliw at kasiyahan ang hatid ng lunsad-aklat ni Atalia na dinaluhan ng ilang mga manunulat, kabilang ang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Bienvenido Lumbera, Jun Cruz Reyes, at Efren Abueg. Dumalo rin ang dekano ng Faculty of Arts and Letters na si Michael Anthony Vasco, Cluster Head on Cluster Research on Culture and Social Issues Alvin Ang, at publications adviser ng Varsitarian na si Joselito Zulueta.
Sa pambungad na mensahe ni Vasco, pinuri nito ang pagiging propesyonal ni Atalia, sa pagtuturo man o pagsusulat.
“Bihira sa isang akademiko ang magkaroon ng balanseng pananaw sa kahalagahan sa husay ng pagtuturo at malikhaing pagsusulat. Lalong bihira sa isang manunulat ang magkaroon ng talento sa pagpukaw ng buhay na halaw sa tunay na pangyayari sa mga imahinasyong pinanday ng malikhaing kaisipan at ng lengguwahe at tiyempo kung paano bibigyang-buhay ang mga nasabing kathang-isip at karanasan ng buhay. Ang mga kalinangang ito ay matutunghayan sa mga akda ni Atalia—isang manunulat na may lalim sa kaniyang mga konteksto, may malikot na imahinasyon, at minsan, o kadalasan, pilyo sa paglalahad ng kaniyang mga kwento,” ani Vasco.
Ipinaliwanag naman ni Lumbera ang konsepto ng dagli, ang bertud na ginamit ni Atalia sa kaniyang aklat na sinasabing pinasimulan nina Lope K. Santos, Enrico Regalado, Pedro Gatmaytan, Benigno Ramos at iba pa.
“Ang pagbitin sa mambabasa ay [ang] pangunahing technique ng dagli. Ito ang pinagmumulan ng kaaliwang dulot ng mga maiiksing akda. Sa panahong nagmamadali ang mga mambabasa, lalung-lalo na ang kabataan, tunay na kaakit-akit na babasahin ang mga dagli ni Atalia,” ani Lumbera.
Ang “’Wag Lang ‘Di Makaraos” ay isang koleksiyon ng mga dagling may iba’t ibang tema, gaya ng kamatayan, mga pang-araw-araw na karanasan, kabataan at pagtanda, at sari-saring mga okasyon sa buhay. Sa kabuuan, ito ay tumatalakay sa mga pangkaraniwang pangyayari sa buhay ng mga tao na madalas ay nakaliligtaan nang pagtuonan ng pansin at sa angking galing ng mga Pilipino na malagpasan ang kung anumang suliranin at pagkukulang sa kanilang buhay.
“Tayong mga Pilipino, sa gitna ng gutom at hirap, kahit Skyflakes, makaraos lang. Hindi man makapanood ng original na film o DVD, nagpipirata, makaraos lang. Siguro tayong mga Pilipino na-survive natin, can you imagine, si [Ferdinand] Marcos, si Erap [Estrada], si Gloria [Arroyo]. Dahil sa ating bertud—ang bertud na ‘wag lang di makaraos,’” ani Atalia.
Pinatunayan naman ni Zulueta sa kaniyang pangwakas na pananalita ang galing ni Atalia sa pagpukaw sa tunay na nangyayari sa lipunan ng bansa.
“Ang mga akda ni Eros ay sumasalamin sa kontemporaryong sensibilidad na tunay na tinatangkilik ng mga mambabasa ngayon dahil tinutugunan nito ang pangangailangan ng mga Filipino ngayon sa babasahing hindi lamang nakaaaliw pero pumupukaw sa panlipunang usapin. Ang mga akda niya ay nagsisilbing tanda at senyal na tunay ngang may patutunguhan ang ating panitik, kahit na ang direksyon na tinatahak nito ay hindi tiyak at tunay namang masalimuot,” aniya.
Ayon pa kay Zulueta, kailangan ng bansa ngayon ng mga katulad ni Atalia na may “Eros”—mga taong may natatanging hilig sa pagbabasa.
“Ilang beses nang naging reklamo na kumakaunti ang mambabasa ng panitikan. At ilang beses na rin itong pinabubulaanan ng mga kathang tulad ni Eros na umaakyat sa bestseller deals at bumabandera roon. Patunay na para umusbong at sumagana ang panitikang Filipino, kailangan ng mga mambabasa na may pagmamahal sa pagbabasa. Kumbaga, ang kailangan natin ay mga Pilipino na may Eros—o may pangangati sa pagbabasa,” ani Zulueta.