SA IKALAWANG pagkakataon, isang Intoy ang ipinakilala sa industriya ng independent films.

Ngunit ngayon, ang karakter na si Intoy ay ‘di na isang binatang patuloy na nalulunod sa mga alaala ni Jen, kundi sa mga tahong na kailangang sisirin sa dagat ng Kalye Marino.

Ang maikling kuwentong “Intoy Syokoy sa Kalye Marino” ni Eros Atalia, propesor ng Faculty of Arts and Letters, ay kasalukuyang ipinalalabas sa ika-walong Cinemalaya Independent Film Festival, ang taunang pagdiriwang at pagbibigay-parangal sa mga lokal na independent films.

Kabilang sa New Breed Full-Length Feature Category, ang pelikula’y idinirehe ni Lemuel Lorca, iprinoduce ni Boy Abunda—katuwang sina Boy So at Roberto Bernardo—samantalang si Jerry Gracio ang gumawa ng manuskrito. Kapwa Tomasino sina Abunda at Gracio.

Sa panayam ng Varsitarian kay Atalia, sinabi niya na ilan mang bahagi ng kuwento ang nabago, nanatili pa ring buo ang diwa nito.

“May mga kinailangang idagdag o baguhin para batakin ang isang maikling kuwento tungo sa pagka-pelikula nito. Pero natutuwa naman ako kasi naging tapat sila sa kuwento,” ani Atalia.

Ayon naman kay Lorca, ang kaniyang binigyang-pansin ay ang paghahatid ng kulay sa pagkatao at pamumuhay sa Kalye Marino—kay Intoy, at maging sa mga kaibigan nitong sina Berto, Yeye, Boyet, at Doray.

“We tried to be as loyal as possible with the story. Naroon lahat ang mga elemento—ang mga magtatahong at ang mga magkakaibigan,” ani Lorca.

Sa akda ni Atalia, nakatuon ang kuwento sa ulilang si Intoy, isang magtatahong sa Kalye Marino—kaya’t siya’y nabansagang “syokoy.” Sa pagsasalaysay ng kuwento ni Intoy, naipakita rin ang mga pang-araw-araw na problema na kinahaharap ng mga tao roon: ang dumadalas na anig dahil sa naiimbak na mga kemikal at dumi sa tubig, ang tahungan na tanging kabuhayan ng mga taga-Kalye Marino, at ang talamak na prostitusyon.

READ
Intimate portrait of Nick Joaquin

Sa pelikula, isinama rin sa kuwento ang buhay ng mga kaibigan ni Intoy at kung paano sila nakikipagsapalaran sa buhay sa kabila ng matinding kahirapan.

“Sa script, buhay lang ni Intoy ang naka-detalye. Sa payo ni Boy Abunda, nabigyang-buhay ang barkada ni Intoy,” ani Lorca.

Si Atalia ay may-akda ng limang libro, kabilang ang naisapelikula na rin noong nakaraang taon sa Cinemalaya na Ligo Na Ü, Lapit Na Me (2009), ang koleksiyon ng mga dagli na ‘Wag Lang ‘Di Makaraos (2011), at ang sequel ng Ligo Na Ü, Lapit Na Me na It’s Not That Complicated: Bakit Hindi Sasakupin Ng Mga Alien Ang Daigdig sa 2012 (2012). Ang kaniyang maikling kuwentong na “Intoy Syokoy sa Kalye Marino” ay nagkamit ng unang gantimpala sa Carlos Palanca Memorial Awards taong 2006.

Inamin ni Atalia na parte rin siya sa mismong paggawa ng pelikula.

“Nagpupunta ako sa shooting. Mula sa paggawa ng storyline hanggang sa ilang araw ng shooting, kasama ako. Kinokonsulta rin ako ni Direk Lorca,” ani Atalia.

Nais ni Atalia na hanggang sa pelikula’y maipamalas pa rin ng kuwento ang mga nais niyang iparating sa kaniyang mga kababayan.

“Sa pelikula, napakita pa rin ang mga gusto kong iparating sa mga tao—ang usapin ng kahirapan, kapaligiran, at kababaihan,” aniya.

Ang lugar ay binansagang “Kalye Marino” nang gawing base militar ng mga Amerikano ang dulo ng kanilang lugar na Sangley Point Naval Base. Ang kalye ay ginagamit na daan papasok at palabas ng base. Punong-puno ang lugar ng mga patahian, sinehan, at mga beerhouses. Hanggang sa inilipat ang base sa Olongapo, naghirap ang mga tao sa Kalye Marino at dumipende sa pagtatahong.

READ
USTH nutritionist feted

Ayon kay Lorca, noong una’y ‘di nila mawari ang naturang pangarap ng mga taga-Kalye Marino. Aniya, nang pumunta sila sa lugar ay doon lamang nila naunawaan ang tunay na buhay ng mga naninirahan doon.

“Madali, ang immersion namin doon, ang mahirap ay ‘yung himay-himayin mo ang problema nila roon. Kailangan naming respetuhin ang lugar nila,” ani Lorca.

2 COMMENTS

  1. “Kapwa Tomasino sina Abunda at Gracio”.

    Hindi po Thomasian si Boy Abunda at Jerry Gracio. Si Boy Abunda sa PWU nag-aral tapos si Jerry Gracio naman sa UP Diliman.

  2. “Kapwa Tomasino sina Abunda at Gracio”.

    Hindi po Thomasian si Boy Abunda at Jerry Gracio. Si Boy Abunda sa PWU nag-aral tapos si Jerry Gracio naman sa UP Diliman.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.