PINAMUNUAN ng Departamento ng Filipino ng Unibersidad ang “Hasaan 3: Pambansang Kumperensiya sa Pagpapaigting ng Kadalubhasaan sa Wika, Panitikan at Teknolohiya” noong Oktubre 23 hanggang 25 sa AMV-Multi-Purpose Hall.
Pinagpala ni P. Herminio Dagohoy, O.P., Rektor ng Unibersidad, ang pagbubukas ng komperensiya sa kaniyang pambungad na pagbati na sinundan ng pambungad na pananalita ni Jose Laderas Santos, tagapangulo ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF).
“Ang komperensiyang ito ay isang makabuluhang gawain sapagkat sa mga pagsilip, pagsusuri, pagbubukas, at pagpapahayag ng ganitong pakikipagtunggali ng wika mauunawaan natin ang ‘ka-akohan’ [o pagkakakilanlan] ng isang lipunan na gumagamit nito,” ani Dagohoy.
Tinalakay ng mga tagapagsalitang tulad nina Jovy Peregrino, Rolando Tolentino, Rhoderick Nuncio, at Danny Arao—mga haligi ng sining at propesor mula sa iba’t ibang unibersidad—ang mga paksang anib sa wika: kultura, kulturang popular, cyberspace, at midya.
Tinalakay naman ni Aurora Batnag mula sa KWF ang wika at lingguwistika.
Ayon kay Batnag, patuloy na nagbabago ang alinmang wikang buhay at mapatutunayan ito sa paghahambing ng Tagalog ni Francisco Balagtas at Filipino ni Pangulong Noynoy Aquino.
“Alam ba ninyong ang tinuturing na mali ngayon, baka tama bukas?” ani Batnag.
Ayon pa kay Batnag, nagbabago ang wikang Filipino dahil sa mga mga tagagamit o tagapagsalita nito.
“Dahil maraming naniniwalang hindi na kailangang pag-aralan o sundin ang mga tuntuning gramatika, halos lahat ng tao ay nagkakamali sa wastong gamit ng wika,” ani Batnag.
Samantala, ibinahagi naman ni Joselito de los Reyes, propesor sa Faculty of Engineering, ang kaniyang kaalaman sa wika at panitikan.
Ibinida ni De los Reyes ang salitang “akosophy” na ayon sa kaniya’y hindi matatagpuan sa kahit anong leksikong Filipino.
Ayon kay De los Reyes, ang akosophy ay may apat na pagpapakahulugan: “(1) pagmamahal sa sariling mahihiwatigan sa pamamagitan ng palagiang pag-usal ng ‘Ako nga e…’ o ‘Wala ‘yan sa akin…’ o ‘Wala ‘yan sa lolo ko…’ sa bawat usapan;” “(2) pagmamalaki sa sarili sa anumang larangan kahit pa extra-terrestrial astrophysics;” “(3) mistulang alam ang lahat tulad ng sa awtoridad anumang paksa ang buksan;’ at “(4) sikolohikal na sakit na nakaiinis masumpungan at mapakinggan, lalo kung paulit-ulit, siguradong paulit-ulit.”
Mula dito’y ibinahagi ni De los Reyes ang sariling karanasan akosophy. Ayon sa kaniya, maraming mga inilalathalang batayan ng isang panitikan.
Ipinakilala niya sina Terry Eagleton, Epifanio San Juan, Jr., at Maxim Gorky at ang kanilang mga batayan ng isang panitikan. Ngunit sa huli’y kinuwestiyon ni De los Reyes ang kakulangan ng mga tinalakay na batayan.
“[Si Eagleton o ang mga mananaliksik ay] naghilera ng katuwiran para lalong lumabo ang pagkilala natin sa panitikan,” ani Delos Reyes.
Sa huli’y sinalungat ni De los Reyes lahat ng batayan ng isang panitikan.
“Walang eksklusibong wika ang panitikan,” ani De los Reyes. “Lahat ng wika—buhay, tepok, naghihingalo, gagawin pa lamang—ay wikang pampanitikan.”
Ang bawat panayam ay nagtatapos sa pagbibigay ng reaksyon ng isang kinatawan mula sa Unibersidad na kinabibilangan nina Wennielyn Fajilan, Chuckberry Pascual, Cristina Serrano, Imelda de Castro, Jose Dakila Espiritu, at Reynele Bren Zafra.
Si Ricky Lee, kasalukuyang creative manager sa ABS-CBN, sa paksang Wika at Pelikula ang huling panayam sa komperensiya. Jonah Mary T. Mutuc